Himala star Nora Aunor to have own statue in Paoay, Ilocos Norte

Nora Aunor is expected to attend the May 10 unveiling of the Elsa statue built on the sand dunes of Paoay, Ilocos Norte. This fiber glass sculpture (sketch shown on right) depicts her iconic character from the classic Filipino film, Himala.



Excited na ang Superstar na si Nora Aunor para sa kanyang pelikulang Hustisya, an indie film that will compete in the 2014 Cinemalaya Philippine Independent Film Festival (Director's Showcase category).

Ginanap ang media launch kahapon, May 5, Max's Restaurant, Roces Ave., Quezon City, at ito'y dinaluhan ng pangunahing aktres, kasama ang iba pa niyang magiging co-actors, tulad nina Rosanna Roces, Rocco Nacino, Romnick Sarmenta, Sue Prado, Chynna Ortaleza, Jim Pebanco, Tony Mabesa, Jeric Gonzales, John Rendez, Mailes Kanapi, at Afi Africa. Nasa cast din pero hindi nakarating sa story conference sina Sunshine Dizon at Gardo Versoza.

"Opo... ang Hustisya ay sa direksiyon ni Joel Lamangan, at ang script ay sinulat ni Ricky Lee," bungad ni Ate Guy (palayaw ni Nora).

Pagpapatuloy niya, "Pinakamaraming Best Actress [trophies and nominations] ko galing kay Joel at kay Ricky Lee."

Excited si Nora dahil muli silang magkaka-team sa isang importanteng pelikula nina Ricky Lee at Direk Joel.

"Oo, nasubukan na natin yan, e. Marami na kaming pinagsamahang tatlo; yung Himala (1982), kami ni Kuya Ricky (with National Artist Ishmael Bernal directing); yung Sidhi (1999) [direktor si Lamangan, script ng yumaong National Artist for Literature, Rolando Tinio]; at The Flor Contemplacion Story and Muling Umawit Ang Puso (1995) [with both Lamangan and Lee teamed up with actress, Nora Aunor].

"Ngayon, yung Hustisya naman..." masiglang sambit pa ni Ate Guy.

Ginagampanan ni Nora sa Hustisya ang papel ni Biring, isang dating probinsiyanang nasangkot sa mga ilegal na gawain sa siyudad, tulad ng human trafficking. Ang karakter niya ang assistant ng isang syndicate head (na ginagampanan ni Rosanna Roces).

Si Biring ay makakaranas ng betrayal at magdurusa sa piitan dahil inakusahan siya ng murder. Sa tulong ng kanyang abogado (played by Rocco Nacino), matututong lumaban si Biring.

May naisip bang magsisilbing 'peg' si Nora para sa kanyang karakter, bilang 'salamin' ng umiiral na korupsiyon sa lipunan sa ngayon?

"Ah, hindi po... wala. Hangga't maaari, walang... [partikular na taong maa-identify]," sabi ni Nora.

Bagkus ay magiging "composite" characters ang gagampanan ng aktres.

Nabanggit sa interview ang magiging interaksiyon ng mga tauhang bibigyang-buhay nila ni Osang (Rosanna Roces) na magsisilbing 'among babae' ng Nora character.

Ani Nora, "Nagkasama na kami noong araw, sa TV [via TV5's Sa Ngalan Ng Ina in 2011]. Pero sa pelikula, ngayon lang."

Kasama rin sa cast ang kaibigan at mina-manage na talent ni Ate Guy, ang actor-rapper na si John Rendez.

"Oo, siya yung hitman," pag-inform ng Superstar.


ELSA IMMORTALIZED. Ang lead character na Elsa mula sa pelikulang Himala ay ginawan ng rebultong nakaluhod at nagdarasal sa mismong lugar na pinangyarihan ng eksena 32 taon na ang nakakaraan: sa Paoay, Ilocos Norte.

Ito bale ang pag-immortalize sa character na nilikha ng panulat ni Ricky Lee, at binigyang-buhay sa screen sa pamamagitan ng pagganap ni Nora Aunor, sa direksiyon ni Ishmael Bernal.

Nag-aanyaya ang iba't ibang grupo ng mga tagahanga, sa pangunguna ni Nora Aunor, sa gagawing unveiling rites ngayong Sabado, May 10.

Ang naturang unveiling ay bahagi ng outdoor arts and music festival na tinatawag na Himala sa Buhangin. Sa araw na ito, magkakakaroon ng concerts at sand sports tulad ng 4×4 racing competitions, sand castle making, sand boarding, Zorb riding, pati na rin belly and fire dancing.

Ani Ate Guy, "Nagpapasalamat nga ako kay [Ilocos Norte Governor] Ms. Imee Marcos, pagka't siya ang nakaisip na gawan ako ng rebulto. At ito nga yung ia-unveil, kaya kami pupunta sa Paoay, du'n sa pinag-shooting-an ng Himala."

Kung gaano karaming extras ang dumagsa noon, sa finale sequence ng pelikulang Himala ay siya ring inaasahang daragsa sa mala-'reenactment' scene na may totoong unveiling rites.

Patunay na hindi maituturing na 'indie film' ang Himala, by present standards.

Ayon kay Ate Guy, "Hindi ko yun itinuturing na 'indie' dahil isang malaking pelikula talaga 'yon.

"Sa ending, makikita n'yo naman kung gaanong karaming tao ang involved. 3,000 extras ang kinuha namin," pagbabalik-tanaw pa ng Superstar.


MEMORABLE BIRTHDAY GIFT. Ngayong buwan ng Mayo ang birth month ni Nora Aunor. Sa May 21 ang kanyang ika-61 taong kaarawan.

'H'wag na nating pag-usapan yon," aniya.

Anang isang taga-media, nauna na ang regalong rebulto kay Nora.

"Yun ang pinaka-unang regalong matatanggap ko," sabi niya.

Tulad nang nakagawian, walang pansariling plano si Ate Guy. Pero maraming nagpa-plano para sa birthday niya, taun-taon.

"Siguro, sa mga fans, magkakaroon ng get-together," saad ng aktres.

At sa darating na Mother's Day, sa second Sunday ng Mayo...

"Siguro, get-together, sa mga anak... at mga apo... o anak ng mga anak ko!" nakangiting sambit ni Nora.

Ang tinutukoy ay ang mga anak nina Lotlot de Leon at estranged husband Ramon Christopher, na ang eldest ay si Janine Gutierrez with siblings Jessica, Maxene and Diego; at Matet and Mickey Estrada, na sina Mikka at Mishka.

Si Ian de Leon ay wala pang naging supling, at balitang nagbabalak nang pakasal sa nobyang non-showbiz, named Jennifer Orcine. Wala ring nababalita pang anak ang adoptive sons ni Nora na sina Kiko at Kenneth Villamayor.



NATIONAL ARTIST RECOGNITION. Minsan pa, ang palaging nababanggit na napipintong pagkaka-deklara bilang National Artist ni Nora C. Villamayor, a.k.a. Nora Aunor; maituturing bang best birthday gift niya ito, kung sakali?

"'Wag na nating [pag-usapan muna]," pag-beg off uli ni Ate Guy.

"Kung darating, pasalamat tayo. Kung hindi, pasalamat din tayo."

Sa palagay ni Ate Guy, hindi kaya makaaapekto sa National Artist award niya ang pagpapagawa ng rebulto ng isang Imee Marcos na kalaban sa pulitika ng kasaluyang Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III?

"Alam mo, hindi naman pinag-uusapan ang pulitika diyan, e.

"Siya [Imee Marcos] ang nag-produce ng Himala, at may karapatan siyang gawin kung ano ang gusto niyang gawin. Kaya hindi pinag-uusapan ang pulitika.

"Basta ako, mag-a-unveil lang ako.

"At sa akin, isang malaking karangalan sa akin, na gawan [ako] ng isang rebulto."


SHOWBIZ TREASURE. Hindi nalalayo sa usapang parangal ang nakatakda ring igawad kay Nora Aunor ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa May 20, bilang Female Showbiz Treasure of 2013.

Counterpart nito ang award na Male Showbiz Treasure (2013) na igagawad sa TV host-comedian, composer, at writer na si Joey de Leon.

Bagay na ipinagpapasalamat nang lubos ng aktres.

Meanwhile, sa June 17 gaganapin ang ika-37 Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino. Muli, kabilang sa mga nominado bilang Pinakamahusay na Pangunahing Aktres sina Nora Aunor para sa Ang Kwento Ni Mabuti at Vilma Santos para sa Ekstra.

Ang nagkakaisang tanong ng dumalong press kay Nora, ano ang kanyang damdamin sa muling pag-init ng "rivalry" nila ni Vilma, sa pamamagitan ng acting nominations?

"Mabuti 'yon para sa patuloy na ikakasigla ng industriya," nakangiting sambit ni Ate Guy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN