Nash Aguas prepares for gun shooting scenes in his first action film


Sa unang pagkakataon na sasabak sa indie film ang young actor na si Nash Aguas. Excited na siya gawin ang proyekto dahil ayon sa bagets na ito, matagal na niyang pangarap talaga ang makagawa ng action movie.

“First time ko po gagawin ito talaga and natutuwa ako na dumating itong project na ito. Kasi, sa tinagal-tagal ko nang nagso-showbiz ay pangarap ko talagang gumawa ng action… iyong action po talaga,” panimulang saad ni Nash nang makapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) last May 25 sa R. Bistro Bar, Timog Avenue, Quezon City.

Kuwento pa ng 15-year-old Kapamilya star, “Wala pa pong title ito, first shooting pa lang naming noong Tuesday [May 20]. Hopefully, abangan ng mga tao ang movie na ito. Kasi, eto na yun, e…

“Kaming dalawa ni Ejay Falcon po ang magkasama sa movie na ito,” banggit pa niya.

Ano ang role mo rito?

“Parang batang kalye po ako dito, lumaki ako sa Tondo… So, yung tatay ko ay isa siyang hitman at lumaki ako na malayo ang loob ko sa kanya. So, nagrerebelde ako nang nagrerebelde hanggang sa natutuo na akong humawak ng baril.

“Tatay ko po rito si Ejay and wala po akong loveteam dito, talagang hard action lang po ang makikita rito. Ang direktor po namin dito ay si Direk Toto Natividad na kilala sa mga action movies.”

Sinabi rin ni Nash ang preparasyong ginagawa niya para sa pelikulang ito.

“Ano siyempre… pag-aaralan yung mga kilos na astig. ‘Tsaka iyong buhok ko doon ay may kulay, e. So, kailangan every time na magsu-shooting ako, kailangan yellow yung buhok ko.”

Magsasanay ka rin ba sa paghawak ng baril para sa pelikulang ito?

“Nakahawak na ako ng baril before. Pero iba po yung hawak kanto na kailangan kong gawin sa movie na ito, na basta-basta na lang kung bumaril.”

Hindi ka ba nag-aalala na manibago ang fans mo dito lalo na yung mga bagets, dahil hahawak ka na ng baril sa pelikulang ito?

“Oo nga po e, kaya nga, e… Iyon nga, sana maintindihan nila na nagbabago rin naman. So feeling ko naman, magugustuhan nila, kasi may drama rin dito. More on naka-focus sa drama yung movie, e.

“Tapos parang yung action, parang side lang. Parang kumbaga sa cake, yun yung icing, iyong mga action scenes,” nakangiting wika niya.

Dagdag pa ni Nash, “May moral story naman po, may-aral na mapupulot… kasi yung istorya ay more on sa mag-tatay. So, makikita rito na minsan, kailangan din natin magpatawad. More on sa pagpapatawad po iyong istorya nito, e.

“’Tsaka po siyempre ay challenging ‘yan, e. Kaya naman po ako nag-artista, kasi ay gusto ko pong maipakita yung skills ko sa acting at hindi naman para sumikat. Saka po, movie lang naman ito, trabaho lang.”

Sino ba ang idol mong action star?

“Siyempre po si Robin Padilla, at saka po si FPJ [Fernando Poe Jr.]. Iba kasi silang mga action star, e.”

Ano naman kaya ang comment niya sa pananaw ng iba na sa TV pa lang siya sikat, pero sa pelikula ay wala pang napapatunayan?

“Totoo naman po, e. Hehehe!”

Nakatawang sagot ni Nash. “Kasi siyempre, bago pa lang po ako. Parang panibagong start ng teen career ko, kaya wala pa talaga… from zero, actually… from scratch, e.”

So, kasama sa plano sa career mo ay sa TV muna talaga mag-focus?

“Opo, actually puwede naman pong dalawa… pero iyon nga gaya ng sinabi ko, hindi naman po yung as in para maging malakas… Ang habol ko po kasi ay maipakita yung acting ko and magkaroon ng award.

“So, bata pa lang ako ay iyon na talaga ang gusto ko. So, parang… kung sinasabi nilang hindi ako malakas, okay lang,” nakatawang saad pa niya.

Sinasabing ikaw ang susunod na Daniel Padilla? Ano ang mapi-feel mo kung magkakasama kayo sa pelikula?

“Oo naman, masaya yun!” Mabilis na sagot ni Nash. “Kasi kaibigan ko naman si Kuya DJ. Tapos yun, sinasabi naman niya na, ‘Hoy, kapatid ko ‘to.’ Ginaganyan niya ako.

“So, kahit saan kami magkita, parang close naman kami. Pero siyempre, exciting yun. Lalo na kung action iyong movie. Boom, panes!”

Pahabol pa ni Nash:“Kahit po sa TV ko siya makasama, sobrang okay yun. Siyempre ay kuya DJ na iyon, e.”

Hinggil naman sa iba pa niyang TV project, naibalita rin ni Nash na babalik na ang dating cast members ng youth-oriented TV show naLuv U kabilang sina Miles Ocampo, Kiray Celis, Igi Boy Flores, at iba pa.

Hindi kaya magkaroon ng rivalry sa babalik na grupo sa Luv U?

“Hindi naman po, kasi actually iyong mga dating member ng Luv U ay kasama namin sa Goin’ Bulilit. So, hindi kami magkakaroon ng rivalry…

“Sinabi naman ng mga writers na halimbawa yung characters ng old, parang, di ba, dati yung new roon ay sila lang yung may problema? Ngayon, ime-merge na nila, yung old and new ay magkakaproblema rin. So, parang pantay-pantay lang.”

Nabanggit din ni Nash na ang susunod na niluluto para sa tandem nila ni Alexa Ilacad ay ang remake ng Maricel Soriano movie na Inday Bote.

“Sabi nila pinaplano na. So abangan natin, sana po ay matuloy, pero nagsabi na si Direk Wenn [Deramas].”



Alexa Ilacad and Nash Aguas



ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN