Allen Dizon challenges Bea Alonzo and other mainstream stars to do indie films: “Huwag na nilang isipin iyong pera..."



Aminado si Allen Dizon na mula nang sumabak siya sa indie films ay mas nailabas niya ang kanyang kakayahan bilang artista.

Kaya naman labis ang pasasalamat ni Allen sa pagkakataong dumating sa kanya na maging bahagi ng indie community.

“Malaking oportunidad talaga ang ibinigay sa akin ng indie, unang-una ay dahil nagkaroon ako ng acting award sa mga pelikulang indie film. Maraming project na kung hindi dahil sa indie, hindi ko siguro magagawa o magagampanan.

“Kaya marami pa sanang producer na mag-produce ng mga pelikula para naman hindi masyadong maapektuhan yung mga artista, yung mga bumubo sa industriya.

“Ang isang pelikula ay maraming matutulungang mga tao, mga staff, direktor, writer, lahat…. And para yung mga Pilipino ay magkakaroon din ng magandang kahihinatnan pagdating sa pelikula, na marami silang napapanood na magaganda at makabuluhang pelikula,” pahayag ng morenong aktor nang makapanayam ng PEP.ph sa pictorial ng pelikulang Kamkam (Greed) na ginanap last June 10 sa Edward dela Cuesta Photography studio sa Scout Tuason Street, Quezon City.

Dagdag pa niya, “Ang mga tema naman dito, talagang makatotohanan, e, na nangyayari ito sa lipunan natin. Nandiyan iyong mga isyu sa gobyerno, sa human rights… iyong pagpapahalaga sa buhay, na dapat nating pahalagahan at ingatan.

“So hindi lang ito basta pelikula, proud ka na kahit hindi ito mainstream, na kahit konti-konting kita lang ay proud ka at maipagmamalaki mo ito.”

Sinabi pa ni Allen na kung papipiliin siya, mas gusto niyang gumawa ng indie films kaysa sa mainstream.

“Mas gusto ko talaga ang indie, kasi ang indie films, ito talaga ang reality of life and ito ang mga totoong nangyayari sa atin. Sabi ko nga, sumasalamin ito sa mga tunay na nangyayari sa ating lipunan, e.

“Pero hindi naman ako ipokrito na sasabihin kong ayaw kong gumawa ng mainstream. Mas malaki ang bayad sa mainstream, e, siyempre ay kailangan din natin ng pera, kailangan nating kumita para sa ating pamilya.

“Pero sa totoo lang, kung may choice ako, mas gusto ko talagang gawing mga project ay indie. Mas makatotohanan kasi ito, mas enjoy ako at hindi ‘yung dahil sa bayad lang.”

Hinimok rin niya ang ilang artista sa mainstream na subukang gumawa ng indie films.

“Sana subukan din ng ibang artista natin itong indie like sina Bea [Alonzo], Marian [Rivera], Maja [Salvador] at iyong iba pa nating artista.

“Huwag na nilang isipin iyong pera, marami na silang pera dahil malaki naman ang budget nila sa mga soap opera nila. At least, para naman hindi puro mainstream lang sila,” seryosong pahayag niya.

Ngunit matatandaan na nagkaroon ng cameo role si Marian Rivera sa indie film na Zombadings 1: Patayin Sa Shokot Si Remington samantalang si Maja Salvador ay naging bida sa indie film na Thelma.


“Subukan nila itong indie, at least maranasan naman nila ito. Iyong magandang role, maganda iyong project, at pang-award.”

Sa tingin mo ba, sa indie ay mas nararamdaman ng tulad mo ang pagiging artista?

“Oo, para sa akin ay ganoon, e. Mahirap kasi sa indie films, e, minsan ay hindi dalawa ang camera mo, minsan ay isa lang.

“So, talagang macha-challenge ang mga ibang artista sa indie. Mahihirapan sila ng kaunti siguro, pero after nito, ang outcome nito ay mas masa-satisfied sila bilang artista.

“Mas may impact ito sa kanila bilang artista, mas bibilib ang mga tao sa kanila dahil sinusuportahan nila yung indie films, ‘di ba?”

Nagkuwento rin si Allen tungkol naman sa kanyang mga pelikulang malapit ng maipalabas.

“Iyong movie na Kamkam, yung istorya nito ay pagkamkam ng mga lupa at sa istorya ay parang isang kingpin ako na hawak niya yung mga illegal doon sa kanilang lugar.

“May tatlo akong asawa rito, sina Jean Garcia, Sunshine Dizon, at Jackie Rice. So, doon din umiikot yung mga kuwento namin.

“Si Jean yung orig, siya yung asawa ko. Si Sunshine naman, parang companionship na lang kami. Pero si Jackie, doon ako umuuwi, kasi siya iyong bago, siya yung bata. Kumbaga ay siya iyong flavor of the month dahil siya yung pinaka-hot talaga,” saad ni Allen.

Pahayag pa niya, “So, may kanya-kanya silang mga istorya, kanya-kanyang kuwento ng buhay. Dito mo makikita na iba-iba ang raket e, yung iba sila ang taga-kolekta ng tubig, taga-kolekta ng kuryente… ganyan. Kanya-kanya sila ng kinikita.

“So, hindi lang nagpapakita ito ng maraming raket, sumasalamin din ito sa mga totoong buhay-buhay ng mga tao. Makikita dito yung mga local leaders na imbis na ibigay sa taong bayan ang pondo at serbisyo, ibinubulsa nila.”

Nabanggit din ni Allen na kahit pelikula lang ito, nahirapan daw siya rito sa pagkakaroon ng tatlong asawa.

“Sa totoo lang, kahit pelikula lang ito, nakakapagod talaga, e.

So, isipin mo kung paano kung hindi ito pelikula lang, paano kung totoo talagang tatlo ang asawa mo?

“Aba, e, sa isang linggo pitong araw lang iyan. Kung isang araw ay mayroon ka sa bawat asawa mo, ang bakante na lang ay apat na araw. E, paano pa yung trabaho mo, paano pa yung barkada mo, yung ibang pinakikisamahan mo?

“So, mahirap talaga kung tatlo ang asawa mo.”

Ang pinaka-daring na eksena mo ay with Jackie?

“Oo, kasi may mga love scene kami na matindi talaga. Mayroong butt exposure roon, mga halikan…. So, siya iyong pinaka-daring talaga na ginawa rito.”

Masasabi mo bang palaban dito si Jackie?

“Oo, walang arte talaga at professional si Jackie. At saka pareho naman kami ni Jackie, pagdating sa mga love scenes… ako naman yung lalaki kaya ako ang magdadala. Siyempre, poprotektahan ko naman yung leading lady ko.”

Hindi ka ba nagdalawang isip dahil bukod sa may butt exposure ka rito, may pumping pa kayo sa love scene ninyo ni Jackie?

“Hindi na ako nagdalawang-isip, kasi trabaho lang naman ito. Artista ako, e.

“Kung iyong babae nga ay game maghubad, ako pa ba ang mag-iinarte e lalaki naman ako. I mean, wala namang mawawala sa akin, ‘di ba? Lalaki tayo, e, sila nga iyong mas dapat na nag-iingat dahil baka makitaan sila. Saka sila rin iyong pag-uusapan talaga, kasi babae sila.

“Pero nag-plaster naman kami rito at siyempre, inalalayan ko naman dito si Jackie.

“Incidentally, itong Kamkam ay showing na next month, sa July 9, sana ay abangan ninyo,” saad pa niya ukol sa pelikulang idinerehe ni Joel Lamangan.

Sa tingin ba niya ay sasabihan na naman siya ng iba na talagang binabalik-balikan pa rin niya ang pagpapa-sexy sa pelikula?

“Well, natiyempo roon sa Laurina, e, kay Bangs [Garcia]. Tapos ay may bago ulit, eto nga. So nagkakataon lang naman siguro, kasi depende sa hinihingi na role at ng istorya.

“Siyempre, tiwala naman ako kay Direk Joel [Lamangan].
Magaganda naman yung mga leading ladies ko at hindi na naman bago sa akin ang mga ganitong eksena. Kaya okay lang na gawin ulit, at least, leading man pa rin ang level ko bilang artista, ‘di ba?”

Pero mula noong nag-indie siya, ito na ba ang pinaka-daring niya?

“Oo, ito ang pinaka-daring ko. Pinaka-daring ang ginawa ko rito sa Kamkam mula noong nag-indie na ako. Ibang klase ang mapapanood dito, pero trabaho lang talaga e.”

Proud ka ba na hanggang ngayon ay puwede ka pa rin sumabak sa mga maiinit at daring na eksena?

“Oo naman, basta dapat ay stay fit and stay young lang tayo. Iyon ang sikreto, na lagi kang fit. Dapat ay inaalagaan natin ang ating katawan para katawang pangromansa lagi,” nakatawang wika pa niya.

Nabanggit din niya ang iba pang pelikulang dapat abangan sa kanya.

“Ang iba ko pang indie movies ay ang Magkakabaung at ang Children’s Show, isa ito sa entry sa darating na Cinemalaya para sa New Breed [category].

“Support lang ako rito, pero at least ay may entry ako sa Cinemalaya.

“Tungkol ito sa mga batang hawak ng sindikato na nagwre-wrestling sila online. Pinagpupustahan sila ng mga foreigner...

“Ako iyong isang gagong tatay rito na sinasalbahe ko mismo ang mga anak ko. Iresponsable akong tatay na pinapabayaan ang mga anak, binubugbog ko … ganoon.

“Ang mga bidang bata rito ay sina Buboy Villar and Miggs Cuaderno. Ang direktor naman namin ay si Derrick Cabrido.

“Maraming aral na mapupulot ang mga manonod dito, abangan nila ito,” giit pa ni Allen.

Pahabol pa niya, “Sa Magkakabaung naman, kasama ko sina, Emilio Garcia, Chanel Latorre, Felixia Crysten Dizon, Bor Ocampo,Tonio Ortigas, at iba pa, mula sa direksiyon ni Jason Paul Laxamana.”


ALLEN THE DIRECTOR? Inusisa rin ng PEP si Allen kung napag-iisipan din ba niyang maging direktor someday?

“Oo naman, pero gusto ko ay paghandaan ito. Gusto ko ay mag-aral muna ako kung sasabak ako sa ganyan. Para basics muna, gusto ko kasi lagi ay back to basics.

“Ang gusto kong gawing tema, iyong sa mga sundalo at sa mga kabataan. Kasi, mahirap ang buhay ng mga sundalo, e.

“Gusto kong ipakita sa buong mundo kung gaano kahirap ang buhay ng isang sundalo at kung anong sakripisyo ng pamilya nila. Na hindi sapat ang suweldo nila, pero buhay ang itinataya nila para sa bayan.

“Na nandiyan sila at handang ialay ang buhay, kahit na kulang-kulang ang suporta ng gobyerno sa kanila. Na kahit iyong combat shoes nila ay sira-sira dahil sa korapsiyon sa pamahalaan, na ninanakaw ng mga politiko ang budget para dito, handa pa rin maglingkod at magsakripisyo ang ating mga sundalo para sa bayan.”

Kung dumating iyong tamang panahon, sino ang mga artistang gusto niyang maidirek?

“Gusto kong idirek sina Boyet de Leon, Cesar Montano, at Coco Martin. Magagaling kasi sila, kaya ko gusto silang idirek. Kahit direktor na rin si Cesar, gusto ko siyang idirek.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN