Indie actor Abe Pagtama recalls working with Keanu Reeves

Abe Pagtama (right) taught Tagalog on the set of Constantine while working with Hollywood actor Keanu Reeves (left).


Matinding passion sa sining ng pag-arte ang pangunahing dahilan ng pagsabak ng Fil-Am na si Abe Pagtama sa larangan ng showbiz. Ipinanganak si Abe sa Hawaii, lumaki sa Mindanao, pero Ilocano ang kanyang mga magulang.
Isa siyang retired US Federal government employee at ngayon ay naka-base na sa Los Angeles. Pabalik-balik din siya sa Pilipinas kapag may indie movie na gagawin dito.
Nagsimula si Abe bilang bit player sa mga indie project sa Amerika 25 years ago. Sa panahong iyon, nakalabas din siya sa ilang TV shows noong '80s tulad ng Cagney & Lacey (starring Tyne Daly at Sharon Gless) at Hunter (nina Fred Dryer at Stepfanie Kramer) at nakagawa ng ilang TV commercials.
Nang magbalik siya sa acting profession, ginawa niya ang pelikulang Flip Side noong 1999.

“Bumalik ako noong ginawa namin yung Flip Side which is a Filipino-American movie which came to Sundance Festival. Sumunod doon ang The Debut, na pinagbidahan nina Eddie Garcia, Gina Alajar, Tirso Cruz III, plus others,” saad ng 66-year-old actor nang makapanayam ng PEP kamakailan sa isang restaurant sa Gateway Mall, Cubao, Quezon City.
Ano sa tingin ninyo ang pinakamalaking project na inyong nagawa?

“One of them, of course, is Constantine, starring Keanu Reeves and Rachel Weisz. I shot for about three weeks there.

“Pero ang pinakamalaki talaga ay iyong Pepsi commercial ko, I do a lot of commercials sa America.

“Global iyong Pepsi commercial na iyon and pinalabas sa Super Bowl iyon which is ang viewers ay more than 130 million. And pati sa 2006 Academy Awards telecast ay pinalabas din yun.”

Ano ang nauna, iyong softdrink commercial o iyong movie na Constantine?

“Nauna iyong Pepsi, nag-audition ako roon. Siguro more than a hundred iyong kasabay ko sa audition and naging lucky naman ako.”

Sa naturang commercial, gumanap siya bilang convenient store owner na malabo ang mata na nagbenta ng Pepsi sa isang bear na nagpapanggap na tao.

Iyong sa Constantine, paano kayo napasali sa pelikulang ito ni Keanu Reeves?

“Parang nakita nila iyong mukha ko somewhere,” nakatawang saad niya. “Tapos ay pinahanap ako sa agent, nag-audition ako. Nakita namin ang director, si Francis Lawrence, he also directed Hunger Games… and that was it,” ani Abe.

Pahabol pa niya, “My tenement kasi roon ng mga Asians and nagkataon naman na ang ie-exorcize ni Keanu ay Filipina. So ayun, tinuruan ko ng Tagalog.”

Anong klaseng experience na nakatrabaho ninyo si Keanu?

“Very amazing, mabuti siyang tao. Very mabait talaga siya, very humble… palaging sir siya ng sir sa akin,” nakatawang saad niya.

“Hawayano [Hawaiian] rin iyon, e, pareho kami, but I didn’t mention it. Talagang mabait lang siya e.

“Nang nagpa-picture nga ako sa kanya, sabi niya agad, ‘Sure, sure…’ Wala siyang ere talaga,” nakangiting kuwento niya.

“Pero sa work, concentrated talaga siya… nakatutok talaga siya. Si Keanu ang pinakamalaking artista na naka-eksena ko.

“Noong nagta-talent na ako, nakasama rin ako sa movie ni Arnold Schwarzenegger sa Terminator Part 1. Extra lang ako roon, pero okay lang maging talent-talent doon, mga 120 dollars na agad ang bayad dun.

“Pero na-discover talaga ako sa TV show, na nang nakita nila ang picture ko, pinadalhan nila ako ng script, doon ako talaga nagsimula.”

Nang nalaman ninyong si Keanu ang kaeksena ninyo, kinabahan ba kayo?

“Hindi naman, a… parang naglalaro lang, ganoon.

“Kasi, nag-umpisa naman ako sa theater sa America, e. So, may background naman ako and nag-aral din naman ako ng acting for two years.

“Mahirap sa stage, e, kapag nakalimutan mo iyong lines mo… wala kasing take two. Kaya kung hindi ka marunong mag-adlib, you’re lost.

“Kaya kailangan na memorized mo talaga, as much as possible, 98 or 99 percent dapat alam mo ang sinasabi mo.”
Ine-expect ba niya na mabait si Keanu?

“Hindi, pero pinapansin ko noong nagsu-shooting kami, parang shy siya.

“Karamihan naman [ng mga artista] kung may guts kang magtanong, magpa-picture, okay naman sila. Pero minsan lang, wag mo lang istorbohin talaga yung concentration nila.

“Pero tahimik lang si Keanu. Pati yung director, mabait din. Si Francis Lawrence, sikat na siya ngayon. Noong naging direktor siya sa Constantine, first movie niya iyon. Kasi magaling siya sa music video noon.”

Paano ninyo ide-describe ang pagtatrabaho sa Hollywood kompara rito sa atin?

“Very professional, talagang professional. Lahat ng trabaho doon mga eight hours lang. After eight hours, overtime na yun.

“The most you work probably is 16 hours, pagkatapos ng 16 hours ay hindi na puwede talaga. Magagalit na yung Department of Labor. After twelve hours, double pay na. Mahal na masyado.

“’Tsaka ang pagkain of course, masarap ang pagkain doon.

“Under union lahat yun. Mahigpit sila sa Labor department,” paliwanag niya.

Dagdag pa ni Abe, “Ang napuna ko rito, which I have to adjust, dahil sabi nga dito 24 hours ang trabaho nila. Actually 26 hours e, lagpas ng isang araw,” nangingiting saad niya.

“Pero nakapag-adjust ako, alam ko naman kasing nasa Pilipinas ako, e. Mag-i-smile na lang ako.

“Ginagawa ko naman kasi ito not for the money, but because I’m crazy enough to be an actor,” nakatawang saad pa niya. “Passion ko lang kasi talaga ito, e, kaya kapag may project, from U.S. ay lumilipad pa ako rito.”

Sinabi rin niya na talagang maliit ang bayad sa indie at kung minsan ay wala pang bayad.

“Oo, totoo iyan. Actually, kaya nga nagiging associate producer na lang ako. E, mga kaibigan naman e, kaya sabi ko, siguro natatakot sila sa akin. Baka akala nila nanghihingi ako ng mataas na talent fee.

“Pero sa akin, basta maganda ang role ay walang problema.

Ang pag-usapan natin ay iyong role at hindi iyong bayad.”

Puwede ba niyang sabihin kung magkano ang kanyang talent fee sa Constantine?

“More or less $300 dollars per day, pero mas malaki yung kinikita ko sa ngayon, kasi ang day rate namin ngayon as an actor ay mga $900 dollars per day. Tapos ay may mga residual pa iyon.

“So, more or less, around $4000 dollars ang ibinayad sa akin sa Constantine. Pero mas malaki ang kinikita ko sa commercials talaga. Kasi yung residual, everytime they show your commercial, you get fifty dollars. Iyon iyong parang royalty, e.”

Naikuwento rin ni Abe na napasali rin siya sa pelikulang Godzilla na kapapalabas pa lang.

“Kasali rin ako sa Godzilla movie, pero yung voice ko lang ang ginamit doon. Nabayaran din ako ng $900 dollars, kahit voice ko lang ang ginamit.”

Sa kanyang pagbabalik sa U.S., nakatakda niyang gawin ang pelikulang Lumpia with comedienne Fe delos Reyes na nakabase na rin sa Amerika.

Sa local indie scene naman, ang mga nagawa na ni Abe ay ang The Diplomat Hotel, Sabine, Delikadesa, Rekorder, Longanisa, Nagpapanggap, Kamera Obskura, at iba pa.

Nabanggit din ni Abe na gusto niyang subukan din ang mga TV shows dito sa Pilipinas.

“Yes, I would like to get cast in a teleserye here, kahit drama or comedy.”

Kabilang pa sa mga gusto niyang makatrabaho ay sina Joel Torre at Eddie Garcia dahil sa magagaling silang artista.

Si Coco Martin, na nagsimula bilang indie actor ay gusto niya rin daw makatrabaho sa indie movie someday.

“Yes, I would love to work with Coco Martin. It will be an honor to work with him in an indie movie.

“I'm very aware na magaling na actor si Coco.”

Anong indie films na gawa rito sa atin ang nagustuhan ninyo?

OTJ (On The Job) is well written and the director Erik Matti, took his time to make the movie. Unfortunately, I believe it was not promoted right in the U.S., to the American moviegoers.

“Ang iba pang indie films na gawa rito na nagustuhan ko rin ay ang Himpapawid (Manila Skies) by Raymond Red. And I have to be biased, Kamera Obskura, a Raymond Red movie also.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN