Wenn Deramas on Praybeyt Benjamin 2: "Wag silang makasabi na basura kami..."

Praybeyt Benjamin 2 will be directed by Wenn Deramas (left). Aside from Vice Ganda (right), this Metro Manila Film Fest entry will also feature Bimby Yap and Richard Yap.


Pasok sa walong entries sa darating na 2014 Metro Manila Film Festival ang Praybeyt Benjamin 2. Pinagbibidahan ni Vice Ganda ang naturang comedy film na nasa ilalim ng panulat at direksyon ni Direk Wenn Deramas.


(To view list of other MMFF entries, CLICK HERE)

Ang Praybeyt Benjamin 1 ang nagluklok kay Vice Ganda bilang Phenomenal Box Office Star at kay Direk Wenn Deramas bilang Box Office Director sa 2012 Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation Awards Night. Ito rin ang tinuturing na highest grossing Filipino film of all time hangga’t sa nadaig ito ng Sisterakas sa 2012 Metro Manila Film Festival.

Sa interview ng PEP.ph kay Direk Wenn, nagbigay pahayag ang Box Office Director na inasahan naman niya na papasok talaga ang Praybeyt Benjamin 2 sa 40th edition ng MMFF sa kabila ng pambabatikos ng ilang tao na "basura" daw ang mga nasaling pelikula sa taon na ito.

“Ako siyempre di sa ano pa man nage-expect talaga ako kasi base naman sa naging pamantayan ng MMFF, lagi na ang film fest ang mga pelikula dito ay may espiritu ng Kapaskuhan.

"Ibig sabihin Pasko manonood ka, kasama mo ang buong pamilya mo, tatawa tayo, masaya tayo. Hindi ko sinasabing hindi pang-MMFF yung ibang pelikula na hindi napasama. Ibabagay natin talaga sa okasyon yung sasalihan natin. Hindi natin sinasabi na hindi tama yung pelikula nila kaya lang sinasabi ko, mas masarap manood sa Araw ng Kapaskuhan ng mga pelikulang pampamilya.

“Mas mahirap ngang i-judge yun kasi yung merito ng pelikula ay hindi nawawala at alam ko rin ‘yan na nasa criteria ng judging ng mga pelikulang ito na hindi nawawala yung form of entertainment. Kung yung papanoorin mo pala ay parang yung nangyayari sa labas ng bahay mo, e, di lumabas ka na lang, libre ka pa, nakatipid ka pa ng 250 pesos.

“Kaya nga 'wag silang makasabi na basura kami kasi ang basura tinatapon, yung mga ginagawa namin tinatangkilik, sino ba ang pumasok? Kasi nakakabasa tayo, puro Part 2 na lang, sobra naman sila, milyones ang ginagastos namin dito. Hindi naman namin ito, especially sa trabaho naming ito, hindi rin kami magpabaya kasi may mga nauna na kaming ginawa na alam namin na pinapasok ng tao at hindi namin puwedeng pabayaan yun dahil alam namin kung ano ang gusto ng tao.”
Ang hinuhulaan na maaring mahigpit na makalaban ng Praybeyt Benjamin sa takilya ay ang Feng Shui 2 ni Kris Aquino at ang My Bossing’s Adventures na pagbibidahan naman ni Vic Sotto. Para kay Direk Wenn ay welcome sa kanya ang kumpetisyon lalo’t alam niya na ang intention nilang lahat na sumali ay para makapagbigay saya sa mga manonood.

“Siyempre i-welcome natin kasi pare-pareho naman ang adhikain naman namin nila Vic Sotto, Kris Aquino na magbigay ng isang masayang pelikula sa araw ng Kapaskuhan. Nagkakasundo kami pare-pareho kaya sinasabi nila hayan na naman, simply because naiintindihan namin yung sinasalihan namin. Alam namin kung ano ang hinahanap ng filmfest na ito.

“Hindi namin sinasabi na hindi welcome yung mga hindi nakapasok, welcome sila pero again, alam natin kung ano ang damit na susuotin natin sa isang party na pupuntahan natin, nasa okasyon.”
Kasama sa Praybeyt Benjamin 2 sina Bimby (ang bunsong anak ni Kris Aquino) at Richard Yap. Noon pa man ay kinakikitaan na talaga ni Direk Wenn ng husay sa pagpapatawa si Bimby.

“Si Bimby, si Richard Yap and yung original cast. Alam mo natutuwa ako kasi Sisterakas pa lang, laging pumupunta si Bimby sa set namin tapos nakakapagkuwentuhan kami, niloloko ko pa nga ‘yan na magpalit kami ng tubig na iniinom namin kasi mamahalin yung tubig niya. Mabait na bata, very polite, magkakasundo kami saka innate sa kanya, saka may ano talaga siya sa comedy, nakakatuwa siya. Saka yung charm, namana niya sa lahat ng Aquino ang charm na ‘yan.”
Sabay na tinatapos ngayon ni Direk Wenn ang mga pelikulang Moron 5.2 at Maria Leonora Teresa na isa namang horror movie. Sa Moron 5.2 napalitan lamang si Martin Escudero pero nanatili pa rin sa cast si DJ Durano sa kabila ng nauwi sa break up ang isang dekada rin nilang relasyon ng aktor.

“It’s still the original cast except for Martin Escudero na pinalitan ni Matteo [Guidicelli]. Yun ang buhay natin, may natatapos, may nag-uumpisa. Binati mo nga ako ng seven months anniversary. Saka trabaho namin yun, e, di ko puwedeng alisin kay DJ yung nandun siya sa Part 1, wala na nga si Martin, masayado ng malaki ang mawawala kung mawawala din siya dun sa pelikula. Walang kaso sa akin, magkaibigan pa rin naman kami.”
Tinanong din namin ang Box Office Director kung bakit di natuloy sa Maria Leonora Teresa si Judy Ann Santos at napalitan ito ni Iza Calzado.

“Originally dapat kay Dawn Zulueta yun ang alam ko kasi akin ang istorya. Ang original cast talaga niyan is Dawn Zulueta, Eugene Domingo and Jodi Sta. Maria. Si Eugene ay hindi pa nga ready mag-shoot so ako pina-revise ko yung script na gawing bakla na lang yung character instead of Uge kasi not for anything else, ginawa ko talaga yung character na yun for Uge. Pina-revise ko and napaka-okay ng Star Cinema para pumayag na gay yung character ng isang magulang.

“Tapos nun inoffer din kay Kris Aquino pero si Kris kailangang gawin ang Feng Shui 2 so parehong horror sa isang taon so imposible din kaya napunta kay Judy Ann.

“Di rin puwede si Juday so pinalitan siya ni Iza. Schedule ang unang sinabi sa akin, di match ang schedule namin ni Judy Ann.”
Consistent din ang taas ng ratings ng mga seryeng ginawa ni Direk Wenn sa Kapamilya network. Binalita niya sa amin na sa darating na Hulyo ay magsisimula na rin ang taping ng Inday, Inday sa Balitaw na pagbibidahan nila Sharlene San Pedro at Jairus Aquino.

“Heto na magsisimula na kami sa Inday, Inday sa Balitaw. I think third or last week of July. Ang bida rito ay sila Sharlene San Pedro and Jairus Aquino. Sila Nash and Alexa dun sa Inday Bote, iba yun. Nilipat lang yata ako sa Inday, Inday sa Balitaw dahil pinamili ako. In terms kasi in kuwento, malaman na malaman ang Inday, Inday sa Balitaw. Mother and daughter love.”
Na-hospital si Direk Wenn dahil sa pneumonia, sa dami ng ginagawang proyekto sa ngayon ng direktor ay siniguro naman nito na nasa maayos na kalagayan ang kalusugan niya.

“Sobra, para naman lumagare ako ng dalawang pelikula at pumi-pre prod na rin ng Praybeyt Benjamin, talaga namang grabe. Kung kailan nga ako nagpahinga dun ako nagkalagnat, sumakit ang ulo at nilagnat. The next day shooting na uli, okay na okay na ako ngayon. Parang ang katawan ko ay dinesign ng Diyos para magtrabaho.”


ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN