Polo Ravales on indie film: "Yung animalistic side ko dito ko na lang nailalabas."

Polo Ravales portrays a violent husband in the film Of Sinners and Saints, an indie film depicting wayward priests.



Isang violent husband ang role ni Polo Ravales sa Of Sinners and Saints, isang indie film na tumatalakay sa mga maling gawain ng mga pari.

Ang pelikulang ito na mula sa See Thru Pictures ay pinrodyus, pinamamahalaan at pinagbibidahan ng Italian-Filipino na si Ruben Maria Soriquez.

Isang kontrabidang kamumuhian ng moviegoers ang papel dito ni Polo at aminado siyang na-challenge nang husto dahil ito raw ang tipo ng pelikulang gusto niyang gawin talaga.

“Si Franco ang papel ko rito, asawa ni Chanel [Latorre], at kalaban ni Direk Ruben na siya yung lead actor,” panimulang kuwento ni Polo sa press visit ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang members ng entertainment media sa shooting ng naturang pelikula sa Payatas, Quezon City kamakailan.

Bukod kina Polo at Ruben, tampok din sa pelikulang Of Sinners and Saints sina Raymond Bagatsing, Chanel Latorre, Richard Quan, at Sue Prado.

Mas mahirap bang maging kontrabida, lalo’t sobrang salbahe ka rito?

“Ang iniisip ko kasi ay kung paano ako makaka-deliver ng maganda, doon ako naka-focus. Ang sa akin, mas maganda kung mapapansin nila na marunong pala akong magkontrabida, na sobrang sama talaga ng character ko rito.

“Kasi nagkokontrabida ako sa mga TV, pero hindi naman ganoon kalalim, hindi ba?

“Dito kasi, malalim iyong pelikula, e, so, lahat ng artist dito ay malalim iyong atake nila. Hindi sila controlled… like, sa TV kasi ay may mga batang nanonood e, kaya maraming bawal.

“Dito nagmumura ako, ganyan… first time na makikita kung paano ako magalit, nang totoong galit. Kasi, kapag taping ay hindi ka naman puwedeng magmura. So, naibuhos ko talaga sa karakter ko na sobrang masama.”

Nasabi rin ni Polo na nang nabasa niya ang script nito ay na-challenge agad siya.

“Oo, na-challenge agad ako, tapos na-excite ako kung paano ko gagawin ang mga eksena ko. Kasi, malala e, malala yung mga eksena talaga. Grabe, grabe yung mga pagmumura ko rito, grabe kapag nananalbahe na ako e,” nakangising saad pa ni Polo.

Dagdag pa niya, “Siguro dahil yung totoong ako sa personal ay di naman salbahe. Siguro, yung animalistic side ko dito ko na lang nailalabas.

“Gusto ko nga sana maipakita sa inyo yung isang eksenang ginawa ko kanina, para makita ninyo talaga kung gaano ako kasalbahe rito.

“That’s why, kung mapapansin mo, medyo pagod ako. Nakakapagod kasi kapag galit ka sa eksena e, kapag tensiyonado ka… Kapag malalim ang pinaghuhugutan mo ay nakaka-drain e.”

Hanggang sa pag-uwi raw ng bahay ay dala pa rin niya ang bigat ng eksena at pagod.

“Kapag uuwi ako sa bahay, dala ko iyong pagod e. Kaya pagdating na pagdating ko sa bahay, hihiga ako sa kama, tapos magre-relax, [manonood ng] TV…

“Dati, kapag uuwi ako na hindi naman talaga ako humuhugot ng malalalim na emotions, pag-uwi ay wala na, e. Pero eto ay hindi, e, pagdating ko sa bahay ay pagod pa rin ako.”

So, kailangang mag-adjust ka pa para maiwan mo ang character ni Franco?

“Actually, naiiwan ko naman yung character ko. It’s just that emotionally and physically, pagod ka, kasi ay may mga eksena kami rito na action, tapos ay galit ka pa.

“Kaya emotionally and physically draining siya. Pero kapag nakikita ko naman yung preview ay maganda naman siya, sulit naman.

“I think ano, I think… a… iyong mga manonood ng pelikulang ito, siguro mag-iiba yung tingin nila sa akin as an actor,” seryosong banggit pa niya.

So, masasabi mo bang ito ang pinaka-challenging mong project?
“Oo, oo, eto yung pinaka-challenging,” matipid na sagot ni Polo habang tumatango.

Mas challenging ba ito sa ginawa mo sa indie movie na Walang Kawala kunsaan may matinding love scene kayo ni Joseph Bitangcol?

“A… magkaiba sila e, magkaiba sila. Kasi rito, mas more of ako lang talaga siya.

“The whole scene sa movie na ito, consistent siya na mataas palagi yung atake mo. So, iba… kakaibang role itong ginawa ko rito sa Of Sinners and Saints.”

Sa tingin mo, pagkatapos kang panoorin dito ay kamumuhian ka ba ng viewers?

“Siguro matutuwa sila, kasi, baka maiisip nila na kaya ko palang gawin iyon. Sa tingin ko, matutuwa sila.

“Sabi nila, dapat daw ay mamuhi, e, di ba? Pero, kapag naman kasi nakikita ako ng tao sa personal, natutuwa sila e. Kung mamumuhi sila, gusto ko ay mamuhi sila sa akin habang pinapanood nila iyong pelikula.

“Gusto ko pagkatapos ng pelikula, ma-recognize ako na good actor. Iyon ang target ko, kaya I’m doing my best, I’m doing my best,” nakangiting wika pa niya.

Sa tingin mo ba ay magkaka-award ka sa movie na ito?

Bago sumagot ay nag-isip muna si Polo, “Hindi ko alam, pero gusto ko. Isa iyon sa nasa likod ng isip ko kung bakit ko ginagawa ito.”

Mayroon bang international filmfest na sasalihan ang pelikulang ito?

“I think, kasi Italian director siya, kaya gusto niyang ipalabas sa ibang bansa, sa Europe. So, kaya talagang lahat ng puwede kong ibigay dito sa pelikulang ito, wala akong ititira.

“Kaya nakaka-inspire talaga at para na rin malaman ng mga tao sa ibang bansa na magagaling umarte talaga ang mga Filipino,” nakangiting paliwanag niya.

Pahabol pa ng actor, “Tsaka I think, timing talaga kasi feeling ko, sa tinagal-tagal ko sa showbiz, ngayon ko na-discover ang sarili ko, yung capabilities ko as an actor

“Sabay-sabay parang na-timing na medyo noong nagka-age ako, doon ko nakuha yung pinaka-momentum ko as an actor
“Tapos, like moreno ako ngayon, dahil galing ako sa Kambal Sirena, na babad ako sa dagat lagi.

“So, ito nga iyong sinasabi ko na timing talaga, na eksakto iyong color ko, etong tattoo ay timing din,” sabay pakita ng malaking tattoo niya sa braso. “Totoo itong tattoo ko, one year na ito, nagpa-tattoo talaga ako. Heto namang balbas ko, nagpapatubo naman talaga ako minsan.”

Ayon pa kay Polo, sa sobrang bilib niya sa pelikulang ito ay handa siyang maghubad nang todo, kung kakailanganin sa istorya.



ON DARING SCENES. Game ka ba sa mas daring na mga eksena o love scenes ngayon?

“For this movie?” balik-tanong niya sa amin.

"I think if ever lang kunyari, in a gay film, baka hindi. Pero for this film, I will.

“Kasi I love the movie. I love it, everything… The project itself, the director, my co-actors. I’m giving my all. So, if ever na they will require me do to a nude scene ay papayag ako.”

So, iyong ginawa mo sa Walang Kawala ay kaya mong higitan?

“For this movie? Yes, I’ll do it for this movie. If ever lang huh, if ever na kailangan, I’ll might do it.”

So hindi lang likod o butt ang kaya mong ipakita rito? Kahit harap, basta silhouette or madilim yung eksena?

“Hindi naman kailangan na madilim o silhouette para sa nude scene ko. Kahit na siguro clear, basta wide, handa ako.
“If ever lang huh, handa akong gawin iyon. Ganoon ko kagusto itong pelikulang ito.”

Kinamusta rin ng PEP kay Polo ang kanilang direktor/producer at bida sa pelikulang ito.

Ano ang masasabi niya sa kanilang direktor?
“Siya yung pari dito, siya yung takbuhan ng asawa ko sa problema. Siya yung takbuhan ng asawa kong si Chanel, tapos magseselos ako.

“He is very good, he is very nice, very professional. Sobrang ganda kasi, dahil artista rin siya, kaya alam niya ang feeling ng isang artista.

“So, like, kapag sasasabihin ko sa kanya na kung puwede naming unahin ‘yung mga close-up para maibigay ko lahat, alam niya iyon. Kasi kapag wide (shot) at ibinigay mo ang lahat, uubusin ka niyon e, ‘di ba? Kaya, very ano, very nice to work with him.

“Kapag puyat ka na, pagod ka na, alam niya iyon. Kaya hindi ka niya sasagarin.”

Hindi ba siya nag-aalalang ma-typecast bilang kontrabida?

“Hindi ko nga alam kung type casted na ako bilang kontrabida e. Kasi sa [GMA-7] madalas akong lumalabas na kontrabida roon, ‘di ba? Although sa Kambal Sirena ay hindi naman ako kontrabida doon.

“So, hindi naman ako natatakot na ma-typecast as kontrabida.

“Alam mo dati, noong bata-bata ako, gusto ko ay bida ako, palagi akong bida… lead actor.

“Pero ngayong nag-mature ako, hindi na, e, it doesn’t matter. What matter is, yung mabigyan ako ng magandang role, mapansin ako, tumagal ako sa showbiz. Gusto kong ang tingin nila sa akin ay iyong isang marunong na actor, yung artista talaga at hindi iyong pambida lang.

“So, eto yung sinasabi ko sa iyo earlier na sabay ng maturity ko ang pagdating ng project na ito,” saad pa ng 31-year-old actor.
Patuloy na paliwanag pa niya, “Kasi, iyong time ng Walang Kawala, medyo mas bata pa ako noon e. So, dito ko na-realize na nag-e-evolve talaga pala ang isang artista. E, ngayon ako nag-e-evolve, so, malalim ang ano ko rito… timing talaga ang project na ito.

“You know, kahit wala akong entry sa Cinemalaya, hindi ko na siya iniisip. Dito lang ay bawi na ako.

“Unang-una, tapos na ako sa gay movie. And eto talaga ang gusto kong gawin, iyong action-drama. Kaya ko nasabi kanina, na handa akong gawin kung ire-require ako na gumawa ng mas daring na eksena.

“Naniniwala ako na malaking maibibigay sa akin nitong project na ito as an actor. Sa totoo lang, nag-step up ako talaga sa pelikulang ito.”


ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN