Kerbie Zamora admits he got carried away while shooting love scene with Jackie Rice

Kerbie Zamora shot his first love scene with Jackie Rice for the indie film Kamkam (Greed).


Sa pelikulang Kamkam (Greed) na latest offering ng Heaven’s Best Entertainment, first time makipag-love scene ni Kerbie Zamora. At nakakagulat na pumayag siyang maghubad sa pinakabagong obrang ito ni Joel Lamangan na ipapalabas sa July 9.

“Maganda kasi ‘yong story at magaling ‘yong director. Paanong hindi ako makukubinsi?” nangiting sabi ng aktor nang makausap namin sa 17th floor ng GMA Network building kamakailan.

Dahil unang beses mapasabak sa pakikipag-love scene, aminado si Kerbie na natangay daw siya sa eksena nilang ito ni Jackie Rice. Nahuli nga ng camera kung paanong sa gigil niya ay nakagat niya ang labi ng kanyang kapareha sa eksena.

“Oo nga!” sabay ngiti niya.

“Kasi ‘yong scene na ‘yon, kailangang ma-emphasize ‘yong sobrang matagal kaming hindi nagkita. Na… sabik kami kasi ako ‘yong true love ni Jackie sa story, e.

“So sa eksena, talagang nando’n ‘yong love. At ‘yong pagka-sabik.

“Sa story, third wife ni Allen Dizon si Jackie. At ako naman ang boyfriend na talagang mahal niya.

“First time ko pong mag-portray ng sexy role kaya kinakabahan ako sa kalalabasan.”
Positibo naman ang feedback mula sa mga nakapanoood na ng Kamkam sa isang press preview nito kamakailan.

Kung sakali bang puro sexy roles na ang maging offers sa kanya, paninindigan na kaya niya ito at itutuloy-tuloy na?

“A… depende po sa mga project na darating. Pero siyempre sa ngayon tinitingnan ko muna kung ano ang feedback ng mga tao sa ginawa ko.

“Kung nagustuhan ba talaga nila.”

At kung nagustuhan nga ng nakararami?

“Let’s see po.”

Hanggang saan ba ang kakayanin niya kung sexy roles ang pag-uusapan?

“Sa pagiging artista naman, depende rin naman ‘yon kung ano ang kaya mong ipakita. Kung hanggang saan ang limitasyon na kaya mong ibigay.

“Sa akin, depende sa istorya na ibibigay.

“Sa ngayon, wala pa akong ma-imagine kung hanggang saan ko kakayanin na mag-portray ng sexy role.

“Pero definitely, hindi ko kakayanin ang frontal nudity. Oo naman.

“Pero ‘yong showing of butt, okay lang ‘yon. Wala ring problema sa akin ang pakikipag-love scene.”

Sa ngayon, pinagtutuunan niya ng pansin ang pagpapaganda ng katawan. Napabayaan daw kasi niyang i-maintain ‘yong dating build niya.

Kung saka-sakali, gugustiuhin ba niyang mapabilang sa mga male celebrities na rarampa sa taunang Cosmo Bash na gaganapin sa September?

“Hindi pa yata ako puwede this year. Hindi ako ready!” sabay ngiti ni Kerbie.

“Pero… gusto ko. Oo naman.

“Siyempre, bilang lalaki… masasabi mong lalaki ka kung sexy ka...na maganda ‘yong katawan mo.

“Kailangang proud ka.

“So para sa akin, fulfilling din na makarampa sa Cosmo Bash. Gusto kong gawin ‘yon.”

Si Manny Valera ang nagha-handle sa kanya ngayon. Bakit ba siya umalis sa poder ni Jonas Gaffud ng Mercator Modelling Agency?

“Ano lang, a… siyempre siguro may mga bagay lang na hindi kami nag-meet. Nagpaalam naman ako nang maayos.

“Pumayag naman din siya. So wala namang naging problema.”

Hindi pera ang dahilan ng pagkalas niya sa management ni Jonas?

“Ay, hindi.
“Basta nag-usap naman kami nang maayos na magpapa-handle ako kay Tito Manny. So naging okay naman.

“Siguro lang, hindi lang kami mag-click [ni Jonas)]bilang talent at manager. Pero… bilang magkaibigan, okay kami.

“Umalis man ako sa management niya, wala kaming samaan ng loob. No’ng nag-start ako sa modeling at sa commercials, sa kanila talaga ako.

“Nong umalis ako sa Mercator, that time ay nagpapalam na rin sina Mikael [Daez] at JC [Tiuseco].

“E… gano’n talaga. May mga bagay o tao na… okey kayo. Meron ding hindi magwu-work.

“Ang mahalaga naman ay mag-usap kayo nang maayos. Para walang samaan ng loob at nando’n pa rin ‘yong pagkakaibigan.”

Bukod sa Kamkam, may isa pang indie film na katatapos lang gawin ni Kirbie. Ito ay ang Tumbang Preso kunsaan kasama niya sina Kean Cipriano, Dominic Rocco, at Ronnie Lazaro.

“’Yong character ko, isa sa mga na-stuck sa… kasi sa story ay gumagawa kami ng sardinas sa isang factory. It’s a suspense-drama about child labor and human trafficking.

“Ginagawa ko rin ngayon ang Somebody To Love sa Regal Films. Kasama ko naman sito sina Carla Abellana, Matteo Guidecelli, at Jason Abalos.

“Ako ‘yong bestfriend ni Carla dito na lagi niyang kasama sa office.”

Although nangangarap din siya na magbida, okey lang daw kung supporting roles ang madalas na natotoka sa kanya.

“Sa akin naman, hindi naman ako namimili ng role, e. Kasi naniniwala ako na step by step, di ba?

“Hindi naman kailangang biglang-angat ka, e. Okey rin ‘yong nagsimula ka sa ibaba na mas masarap ang pakiramdam kung aangat ka man.

“At saka wala naman din sa role ‘yan, e. Sabi nga nila, wala small role. Basta ginagawa mo ‘yong trabaho mo.”

Hindi raw zero ang lovelife ni Kirbie sa ngayon. Ayaw lang niyang banggitin kung sino ang girlfriend niya.

“Non-showbiz, e.

“Mas ginusto kong non-showbiz ang karelasyon ko. Kasi kapag artista ka, medyo maingay kasi nandiyan ‘yong intriga.

“So kapag kumuha ka ng kapartner mo na hindi artista, mas tahimik. Mas may privacy.

“And okay naman siya. Okay ang takbo ng relationship namin.

“Naiintindihan naman niya ang nature ng trabaho ko. Kaya wala kaming nagiging problema.

“Isa siyang babaeng matalino at broadminded. Kaya naiintindihan niya ang mga ginagawa ko.

“At saka may tiwala siya sa akin,” nangiti ulit na huling nasabi ni Kerbie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN