After almost two decades, mapapanood uli si Gelli de Belen sa big screen para sa pelikulang Pansamantagal.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Gelli de Belen kamakailan sa Horseshoe Productions, Panay Avenue, Quezon City, para sa bago niyang pelikula kunsaan kasama niya si Bayani Agbayani.
Nagkatrabaho na sila ni Bayani sa isang sitcom noon sa TV5, ang Confessions of a Torpe. Pero sa pelikula, ngayon pa lang sila nagkasama.
Nakakapagod daw bilang co-star si Bayani, kuwento ni Gelli.
“Dyusko, nakakapagod si Bayani!
"Kasi ang daming kuwento. Umaga pa lang, nagkukuwento na siya, tawa kami nang tawa.
“'Tapos, pagdating ng gabi, na-realize ko, napagod ako.
"Napagod na ako ng kakakuwento sa kanya.
"Siyempre, kapag may kinuwento siya, may kuwento rin ako, tawanan na kami. 'Tapos yung mga adlib niya.”
Paano niya ire-rate si Bayani bilang komedyante?
“I think, he’s the funniest I’ve worked with,” papuri niya rito.
“He’s very spontaneous. Kasi, marami namang comedian na magagaling.
"Yung sa kanya, he’s very spontaneous."
GAGAY GOES NAUGHTY
Sa kanyang pagbabalik-pelikula, tila nanggulat pa siya dahil sa kakaibang Gelli na mapapanood sa Pansamantagal.
Sa trailer ng pelikula, makikita ang karakter ni Gelli na galit na galit sa sumisigaw sa dalampasigan.
"Demonyo, manggagamit!" sigaw ni Gelli.
Tinuruan siya ng karakter ni Bayani kung ano ang dapat isigaw sa dagat: "Supot, maliit ang t*t*!"
Ngunit natigilan si Gelli at sinabi na, "Hindi siya supot. Saka malaki ang t*t* niya."
Ano ang pakiramdam ni Gelli sa pagiging bida niya sa Pansamantagal?
“Well, iba siya, iba siya. Iba siya talaga sa lahat ng pelikulang nagawa ko,” natatawang sabi ni Gelli.
“May mga sinasabi ako rito na hindi ko nasabi sa mga pelikulang nagawa ko or soap na nagawa ko ever.
"Ano siya... medyo maraming naughty words. Pati yung scenario, yung kuwento, it’s different.
“Maybe, medyo exag nang konti, pero it’s real, e,” saad niya.
Para kay Gelli, alam niyang magiging relatable ang kanyang papel sa karamihan.
“Yung character namin dito, kahit na medyo may konting iba, you can relate. Lalo na sa character mismo ni Bayani.
“Hindi ko sinasabing maraming ganung tao, pero there’s always a part of his character na we thought of or we were one.
“Kapag napanood niyo na, masasabi niyo kung bakit ko nasabi na yung character niya ang pinaka-relatable.”
Ang karakter daw ni Gelli sa pelikula ay may pagka-lost. Single, pero may relasyon sa isang married man.
Paliwanag pa ng misis ni Ariel Rivera, “Lost siya kasi hindi niya alam kung sino talaga siya at ano ang gusto niya sa buhay.
"Hence, she is a mistress, kasi nga, hindi niya alam ang gusto niya talaga."
DARING DIALOGUE
Nagustuhan daw ni Gelli ang script na isinulat mismo ng direktor nilang si Joven Tan.
Pero, inamin nitong napaisip din siya dahil sa mga daring na linya.
Ayon kay Gelli, “Dun lang talaga sa mga dialogue, kung kaya ko ba itong panindigan?
“E, kapag i-tame mo, mawawala ang essence.
"So sabi ko, sige, gagawin ko 'to, masaya 'to at saka kakaiba.”
Kilala namin si Gelli na kung ang hihingin sa kanya ay magpaka-daring ng pisikal, mas kakayanin na niya ang daring na dialogue.
Mabilis niyang sagot, "Oo naman!
“Ang tanda ko naman na para gumanun-ganun pa, tapos na tayo diyan.”
Nagulat daw siya kung paano umani ng million views ang trailer ng Pansamantagal.
“Alam niyo, hindi pa talaga dapat ilalabas ang trailer nun. Ang may kasalanan, si Bayani!
"Sinabi sa amin, huwag munang ilalabas, e, nilabas.
“Pero on the first day, one million views.
"Second day, two million views, sabi ko, aba, iba 'to!” masayang sabi ni Gelli.
Parang biglang kinabahan si Gelli nang tanungin siya kung may posibilidad na kabugin nila ni Bayani ang tandem nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez na sumikat dahil sa pelikulang Kita Kita.
“Ay, hindi naman, hindi naman siguro... well, if ever, why not?
"Pero huwag naman tayo run pumunta. Ninerbiyos naman kami dun.
"Pero, sige, if ever, sana!" natatawang sagot ni Gelli.