Raymond Bagatsing explains why he declines teleseryes for now

Raymond Bagatsing is cast as a Spanish priest in indie film Of Sinners or Saints.



Natutuwa si Raymond Bagatsing na napasali siya sa cast ng indie film na Of Sinners or Saints ng See Thru Productions. Kasama niya rito sina Polo Ravales, Richard Quan, Sue Prado, at ang indie actress na si Chanel Latorre.

Direktor ng nasabing pelikula ang Italian filmmaker pero may dugong Pinoy na si Ruben Maria Soriquez na artista rin sa proyektong ito.

Malaki raw ang kaibahan ng estilo ng pagdidirek ni Ruben kung ikukumpara sa mga Pinoy directors na nakatrabaho ni Raymond.

“Niri-rehearse ‘yong mga importanteng eksena. Para pagdating do’n sa shoot, hindi ka na masyadong iintindihin ng director,” sabi ni Raymond nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kamakailan.

“Dahil nga alam mo na, e. Nagkaroon na kayo ng chemistry no’ng co-actors mo.

“So ang focus niya [the director] ay technical na talaga.

“E, ngayon dito sa Of Sinners or Saints, bukod sa pagiging director ay actor din siya. Tapos siya rin ang scripwriter at producer pa siya.

“So marami siyang sinusunod na responsibilities.

“Nagri-reading kami bago ang bawat eksenang kukunan. Pero talagang gusto niyang ma-perfect kaya ‘yong after take-after take, lalong pumapasok kami sa character ngayon.

“Mahirap lang talaga.

“Pero hindi naman siya istrikto, e. Kasi nakita na niya sa audition, nakita na niya sa reading namin ang kakayahan ng bawat isa so nagbibigay na lang siya ng konting tips.

“Kumbaga kapag kinuha na niya, ibig sabihin perfect ko na for your part.”

Bago siya kinuha ng Italian actor-director ay pinanood muna raw nito ang ilang mga pelikulang pinagbidahan dati ni Raymond. Gano’n din daw kina Polo at Richard.

Kasali silang tatlo sa top six good Filipino actors na nasa listahan nito.

“Wow! Natutuwa naman ako,” reaksiyon ni Raymond.
“I’m honored na nakasali ako sa pelikula niyang sinu-shoot dito. Ang style kasi ng directing niya… European.

“So inilagay niya ang Payatas diyan. Kasi Third World ang bansa natin at ‘yong ang gustong makita ng mga Europeans o ng Western world.

“Tapos makikita nila ang conflict ng isang European na pari interacting with ‘yong mga tagarito na mga locals.

“Exciting kasi… hindi ko pa maisip kung ano ang difference ng Euroepean sa Filipino director.

“Kung nakapanood na kayo ng mga European films, meron talaga silang bagal, e. At ‘yong temang ‘yon hanggang sa matapos ang pelikula, e.

“Pero talagang nakatutok kang gano’n.

“Mas malalim dapat ang characterization mo, e. Sometimes ang Pilipino, ang acting natin very external.

“Makikita mo sa mga European lalo na sa mga Italian, sa loob ‘yong kulo na nag-iinit ‘yon, e.

“At saka mas relaxed lang sila.”

Ginagampanan ni Raymond ang character ng isang Spanish head priest na sampung taon na nagsisilbi sa isang parish. Ang nagtayo ng naturang parish ay dalawang Italian priests na namatay na.

“Mabait na pari ang character ko. Pero siyempre head priest kaya para siyang tatay ng organization pati ng community kaya may authority siya,” kuwento ni Raymond.

“Dapat Pinoy na pari ako. Pero no’ng makita niya ako sabi niya… hindi ka mukhang Pilipino. Lalo na may balbas ako.

“Ginawa na lang Spanish priest ‘yong character ko.”

Kadalasan ay kontrabida ang ginagampanang role ni Raymond kung saan lutang lagi ang husay ng acting niya. Mas mahirap ba for him kapag mabait ang gagampanan niyang karakter?

“Hindi naman. Pero ang kontrabida nga kasi, malakas talaga ang dating.

“Ang mabait, masasapawan talaga ng character na kontrabida. Kasi very linear lang sila, e, di ba?

“Na hindi ka naman puwedeng masyadong mag-character kasi gusto mong makuha ang simpatiya ng tao. Kailangan very humble ka.

“Ang kontrabida mas exciting kasi marami kang magagawa. Puwedeng sinisigawan mo ‘yong kalaban mo, puwede ring under acting.

“Pero this one, makikita mo ako bilang mabait pero malakas ang dating no’ng pari na character ko."


ON HIS CINEMALAYA 2014 ENTRY. Bukod sa Of Sinners or Saints, kasama rin si Raymond sa Cinemalaya 2014 entry na The Janitor.

Aniya, “Katatapos ko lang din ng isang indie film with Direk Mike Tuviera for Cinemalaya, ‘yong The Janitor na kasama ko naman si Derek Ramsay at si Dennis Trillo.

“Iyon naman, bank robber naman ako no’n. Siga naman ang role ko na ‘yon so talagang total shift.”

Sa dami na ng mga ginampanan niyang characters, mas masasabi pa ba siyang dream role na hindi pa niya naipu-portray?

“Wala na. Dati nga ‘yong dream role ko ‘yong may cerebral palsy. Nag-gano’n na ako sa Maalaala Mo Kaya at nanalo na ako ng award do’n sa Asian TV Awards.

“Ako ngayon… in my life at this point now, pasalamat ka na lang na ‘yong work mo tuloy-tuloy. So you just have to be thankful that you’re blessed.

“Tapos kapag binigyan ako ng role, I just have to make sure na na nagagampanan ko nang maayos. Hindi lang one hundred percent kundi one thousand percent.

“Iyon na ang kaligayahan ko ro’n.”

Mayroon ba siyang uumpisahan na bagong soap opera?

“Kakatapos ko lang ng Carmela. Pagod na pagod na ako.

“Ang TV kasi nakakapagod, di ba? Puyatan tapos three days a week ang taping.

“Hindi ka pa nakaka-recover, gigising ka na naman nang maaga. Siyempre no complaint pero mahirap talaga.

“Sa movie para sa isang aktor ang sequence mo…tatlo lang o apat. E, sa TV umaabot ng 20 hanggang 25 sequences sa isang araw.

“Imagine mo ang difference no’n?

“E, kung pagalitin ka pa o paiyakin sa 25 sequences na iyon buong araw? Pag-uwi mo nanginginig ka na kasi punumpuno ka na ng emosyon, di ba?

“So no’ng tinawagan ako ni ‘Nay Lolit [Solis, his manager] kung gusto ko ng bagong soap, nakiusap ako na huwag muna. Pahinga muna ako.

"May ginagawa man akong dalawang indie film, hindi naman siya gano’n kasagad na araw-araw.

“Mabigat ang characterization. Pero ang maganda lang sa pelikula, dahil hindi masyadong maraming eksena ang tini-take, puwede mong pigain talaga nang matindi ‘yong character mo nang mas malalim.

“Ngayon, ito muna. Relax-relax.

“Kailangan din naman nating maging normal, e pagkatapos ng mga taping. Kasi kapag taping, iba ang mundo mo dahil gumigising na ng ibang tao, ikaw patulog pa lang.”

‘Yong ibang artista, sinasabi na nakaka-bipolar nga lang kapag may magkakasabay na project na ginagawa tapos iba-iba ang ginagamp[anang characters na kung minsan ay extreme opposite ‘yong isa sa isa pang role?

“This is a very eccentric business. Hindi mo pupuwedeng sabihing we are normal because we are not.

“Because or sleeping habbits are not normal. Our work ethics are not normal.

“We’re dwelling into human psychology and human emotions. We’re dealing on actually pinaka-ngative of human emotions, e.

“Kasi iyon ang nagpapatakbo ng pelikula, e. Dahil kung puro happy, parang ang boring namang panoorin.

“Ang gusto ng tao ay ‘yong may ups and downs. So naglalaro ang utak mo sa mga roles na ginagamapanan mo, nagiging bipolar ka.

“Kaya kailangan talaga, may break sa gitna. Para pumasok ka ulit sa society.

“Gigising ka ng maaga. Manonood ka ng sine. O di kaya ay may pupuntahan ka na ibang negosyo o trabaho.

“Para ‘yong schedule o ‘yong psychology mo, maging patas sa ibang tao.

“Tapos kapag medyo okey ka na, ang mahirap no’n… mapupunta ka na naman sa pagiging bipolar mo dahil napasok ka na naman sa isang project para mag-portray na naman ng role o character.

“Ang aktor hindi mo puwedeng sisihin na… up and down talaga. Those are are the consequences of our job.

“And kapag normal ang aktor, I don’t think an actor is a great actor. Hindi pupuwede, e.

“Minsan nga, sa sobrang puyat niya, nakatunganga na lang at wala sa mood, e, di ba?

“Kahit kausapin mo, wala na sa mood ‘yan, e. So hayaan mo na lang siya hanggang sa makakawala sa character at makabalik sa pagiging siya,” panghuling nasabi ni Raymond.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN