Ritz Azul recalls how she became close to Direk GB Sampedro because of Separados

Ritz Azul says about Separados director: “Si Direk GB [Sampedro] ay isang gentleman, mabait, pasensiyoso… Ano siya, e, dedicated siya sa ginagawa niya."


First movie ni Ritz Azul ang Separados na isa sa mga entries sa Cinemalaya X na gaganapin from August 1-10. Pero kahit baguhan sa pelikula ang naturang TV5 Princess, hindi naman siya nakaligtas sa intriga.

Sa presscon ng naturang pelikula na ginanap sa Lola Café & Bar last Thursday, July 24, inusisa ng mga miyembro ng entertainment press si Ritz kung totoo ang balita na may relasyon na sila ng Direk GB Sampedro na siya ring nagdirek ng Separados. Pero itinanggi naman ito ng Kapatid actress.

“Hindi po, hindi kami,” paliwanag ni Ritz. “Well, lumalabas po kami, pero, may ibang kasama,” dagdag pa niya.

Nang makausap naman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) later on si Ritz, inusisa muna namin siya kung paano ba sila nagkakilala at naging malapit ni Direk GB.

Nagulat kami sa sagot ni Ritz dahil inamin niya na nang una niyang makilala si Direk GB, ang first impression daw niya sa direktor ay mayabang ito.

“Kasi, hindi ko inisip talaga na magiging magkaibigan kami. Ang tingin ko sa kanya ay sobrang yabang.

“Iyon ang feeling ko, iyon ang tingin ko sa kanya three years ago nang nagkatrabaho kami sa Gellicious ni Gelli de Belen sa TV5.”

Bakit ka nayabangan sa kanya?

“Nayabangan ako sa kanya, the way na kumilos siya, the way na magsalita siya. Parang ang angas niya, ganoon. Kaya hindi ko ine-expect na magiging magka-ibigan kami ngayon at kabaligtaran lahat ang pagkakakilala ko sa kanya noon,” nakangiting saad ni Ritz.

Bakit may balita na nagde-date raw kayo?

“Lumalabas po kami, pero mayroon naman kaming kasama, kasama ang parents ko. Nakakatuwa siyang kasama, mabait siya, gentleman siya.

“Nagja-jogging din kami sa UP sa umaga, nagkikita lang kami sa UP, tapos ay sabay kami tumatakbo.”

Tapos ay ihahatid ka niya pauwi?

“Ay hindi po! May dala ako mismong sasakyan,” wika pa ni Ritz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Inamin ni Direk na iyong closeness ninyo ay parang panliligaw na rin, dahil hindi raw siya marunong manligaw?

“A… ewan ko sa kanya, hindi naman niya sinasabi sa akin na manliligaw siya, e.”

Gusto mo ba iyong traditional na panliligaw?

“Sa akin, depende siguro sa atake ng guy, kung paano niya ipapakita kung nanliligaw na siya or not.”

Hindi mo ba naramdaman na may balak manligaw sa iyo si Direk?

“Naramdaman ko na gusto niya, naramdaman ko na may balak siya. Pero hindi ko ano na ngayon na mismo.”

Paano ba kayo naging close ni Direk GB?

“Ngayon ko lang siya nakilala talaga, naging magkaibigan lang kami habang ginagawa itong movie [Separados].

“Hindi ko nga alam kung paano… a, naging close kami, kasi noon ay nagkasama kami sa set pero hindi kami nagkaka-usap. Talagang hindi ko siya pinapansin totally noon, kasi ay naiilang ako sa kanya noon, e.

“Pero ngayon, naging close kami kasi, naano ako… Kasi, siya iyong lumapit sa akin noong first day ng shooting, siya iyong lumapit sa akin.

“Siyempre na ano ako, na ang humble ni Direk. Direktor siya, then lumapit siya sa akin as an artist niya, so doon kami unang nag-usap. Tapos, tinuturuan niya ako palagi sa mga eksena ko.”

So, dito lang kayo naging close ni Direk, habang ginagawa ang movie na ito?

“Oo, dito lang kami naging close talaga ni Direk sa movie na ito, sa Separados.”

Paano mo ide-describe si Direk GB?

“Si Direk GB ay isang gentleman, mabait, pasensiyoso… Ano siya, e, dedicated siya sa ginagawa niya.

“So iyon, iyon yung pagkakakilala ko sa kanya ngayon.”



AGE DOESN’T MATTER. Dahil 18 years ang agwat ng edad ninyo, ang age difference ba ay factor sa panliligaw niya sa iyo?

“Sa akin naman, age doesn’t matter, e. Ang tingin ko kasi, hindi naman sa age siguro, sa maturity siguro. Doon din sa, kung nagsu-swak kayo ganoon. Iyon lang ang tingin ko,” wika ng 20-year-old na dalaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano kaya ang percentage na sasagutin mo siya, kapag ready ka nang ma-in-love?

“Hindi ko pa talaga masagot iyan, e… pero… Ako kasi, hindi ako nagmamadali sa ganyang bagay. Para sa akin ay maaga pa na pumasok sa ganyan.

“Tapos, hindi pa ako masyadong ano sa industriya.

“So, gusto kong mag-focus muna talaga sa kung ano ang gusto ko. Iyong mga bagay na ganyan ay makapaghihintay naman talaga, e. Pero kung gusto ka talaga niya, hihintayin ka talaga niya,” nakangiting saad ni Ritz.

Dagdag pa niya, “So tignan na lang natin, ayaw kong mag-advance, ayaw kong magmadali. Kasi alam ko rin, nakikita ko rin sa ibang relasyon na kapag nagmamadali sila ay madali rin na … alam mo na ang nangyayari, ‘di ba?”



SEPARATED MEN SHARE PERSPECTIVE. Ang Separados ay kuwento ng anim na lalaking hiwalay sa kanilang asawa. Bukod kina Victor Neri at Ricky Davao, ang bumubuo pa sa anim na Separados ay sina Alfred Vargas, Anjo Yllana, Jason Abalos, at Erik Santos.

Ang pelikulang ito na mula sa Five To Seven Entertainment Production at Alternative Vision Cinema ay magkakaroon ng dalawang gala screenings. Ang una ay sa August 2, Saturday, 6 PM sa Fairview Terraces at sa CCP sa August 3, Sunday, 9 PM.

Tungkol naman sa pelikulang Separados, ano ang role ni Ritz rito?

“Ako si Gabby, anak ni Marcel and Joanna played by Mr. Ricky Davao and Ms. Melissa Mendez, respectively. Isa akong Culinary Arts student na siguro ay nasa late twenties.

“Tapos, pakakasalan ko si Santi [Victor Neri] na isang separado. Kumbaga, ako ang second chance niya sa love sa buhay niya.

“Tapos nakita ko iyong eksena sa tatay ko… na bading pala siya.”

Ano ang iyong masasabi na sa first movie mo, nakatrabaho mo ang tulad nina Ricky Davao at Victor Neri?

“Ay naku, sa akin, sobrang blessed ako! Kasi, mahuhusay na artista na agad ang nakatrabaho ko, mga veteran sila. Ang makatrabaho ang mga veteran artists, malaking opportunity iyon sa akin para matuto.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siyempre, sa industriya kapag nakita na kasama ko silang katrabaho, malaking bagay din iyon, e.

“Kaya masuwerte ako rito sa Separados na nakasama ako, sobrang saya ko na first film ko ay Cinemalaya pa, tapos ay tenth year pa ng Cinemalaya.

“Sa akin, malaking opportunity para sa akin, e, kapag sinabing Cinemalaya ay prestigious iyan, e. Maging part ka lang niyan, kahit na sobrang liit lang ng role, malaking bagay na sa akin iyon.”

So, wish mo ba na tuloy-tuloy na rin ang paggawa mo ng pelikula?

“Oo naman, oo naman. Sana, magkaroon pa ako ng susunod na film. Indie man o mainstream, basta film,” nakatawang pahayag niya.

“Kasi, ang saya pala sa film. Hindi ko naman sinasabi na mas masaya ang film kaysa sa TV. Ang ano ko lang, ngayon ay nae-excite kasi ako sa film dahil first time ko ito at gusto ko pang mag-grow sa film industry.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN