Puro indie films pa lang ang nagagawa ng lady director na si Maricel Cariaga.
Kabilang dito ang mga pelikulang Journey Man Finds Home, Pitong Kabang Palay at ang pinakabago niyang obra, ang Children of the River.
Wala ba siyang plano na tumawid sa pagdidirehe ng mainstream movies?
“Soon,” mabilis niyang sagot.
“Actually, sumulat na ako ng mainstream for Direk Maryo.
“Nakamatayan lang po niya.”
Ang namayapang direktor na si Maryo J. delos Reyes ang tinutukoy niya.
Dagdag niya, “Supposedly, nung time na… parang January siya namatay po, ano?
“February sana, isu-shoot na niya sana po yung script.”
January 27, 2018 pumanaw si Direk Maryo.
“Si Direk Maryo po kasi ang nagpasulat,” pahabol pa ni Maricel kung bakit hindi niya itinuloy ang pelikula at siya na rin ang magdirek nito kung sakali.
Nakausap namin si Direk Maricel sa Limbaga 77 restaurant (sa Quezon City) June 20, para sa pocket interview ng indie movie na Children of the River na produced ng Spears Films (ni Albert Almendralejo) sa pakikipagtulungan ng Luna Studios at GMA Films.
Ang nabanggit na pelikula ay sa panulat at direksyon ni Maricel at pinagbibidahan ni Noel Comia, Jr.(Cinemalaya 2017 Best Actor para sa Kiko Boksingero) kasama sina Jay Manalo, Juancho Trivino at Rich Asuncion.
Dalawa ang entry ng Spears Films sa Cinemalaya 2019: ang Children of the River at Malamaya nina Sunshine Cruz at Enzo Pineda na co-prod naman ng ALV Films.
Gaganapin ang Cinemalaya Film Festival mula August 2 hanggang August 11, 2019.
RELEVANT THEME
Tinanong namin si Direk Maricel kung may pinagbasehan ba siya sa kuwento ng Children of the River.
Paliwanag niya, “Fictional, fictional pa rin naman po, e.
“Pero ibig sabihin, kasi yung inspiration niya is from the experiences or yung mga nangyari during the Marawi siege.
“Iyan po kasi yung inspiration nung film.
“Kasi I’ve watched a lot of films that tackle or discuss the lives of the soldiers, but then no film has ever tackled about the family.
“So what’s happening with the family while the husband or wife is actually in the war fighting? Iyon.
“So I decided to... alam mo yun, gumawa naman ng pelikula na may silip naman sa pamilya, kung ano bang ginagawa nila, anong nangyari sa kanila.”
Alam ni Direk Maricel na may sariling kuwento o journey ang pamilya ng mga sundalong nasa giyera.
Saad niya, “Yes, of course, everyday!
“It’s like, pag kung ako ba yung asawa ng sundalo na feeling ko anytime mamamatay yung asawa ko, ano bang ginagawa ko?”
DIRECTOR'S CHOICE
Si Maricel mismo ang pumili kay Noel para magbida sa Children of the River.
Kuwento niya, “Kasi last year nagkita kami sa Cinemalaya.
“So sabi ko, ‘Meron akong entry sa Cinemalaya. Kukunin kita,’ sabi ko na sa kanya kaagad.
“'Tapos, medyo matagal bago kami ulit nag-usap. Pero siya talaga, walang iba.
“Sa Kiko Boksingero, bilib na bilib ako sa kanya.
“Napaka-subtle ng acting niya pero totoong-totoo.
“Ganun din siya dito sa Children of the River.
“Sabi ko talaga, nakikinikinita ko...
“Hindi naman sa ano pero talagang feeling ko lang...
“Malakas lang yung aking pakiramdam, sobrang galing.”
ADMIRABLE CAST
Kinumusta naman namin kay Direk Maricel na bukod kay Noel ay pinagsamang Kapuso (sina Rich at Juancho) at Kapamilya (Jay) ang mga artista niya sa Children of the River.
Lahad niya, “Wala naman pong problema!
“Ano naman, ang na-appreciate ko naman sa mga actors ko, ano sila e, parang, sige ibibigay muna nila yung kaya nila.
“Kapag medyo nakulangan or nasobrahan, magaling rin silang makinig sa instructions.
“Lalo na ako. Ako naman, ang gusto ko lang yung sakto lang, yung ganun.”