Liza Lorena describes kissing scene with fellow actress: “It was nice but brief..."

Liza Lorena reveals that she had a stroke, which is why she begged off from doing soap operas. “Wala pa akong teleserye ngayon, kasi ay na-stroke ako nitong June 30 lang. So, nagpapagaling pa ako. Three days lang ang inilagi ko sa ICU, bale eight days ako sa hospital."


Isa ang veteran actress na si Ms. Liza Lorena sa tampok sa pelikulang Hari ng Tondo. Ito ang naging entry ng APT Productions, Inc., MZET TV, at Reyna Films Inc. sa nagdaang Cinemalaya X. Dito’y nakakuha ng ilang parangal ang nasabing pelikula na pinamahalaan ng award-winning direktor na si Carlos Siguion Reyna.
Bukod kay Liza, ito’y tinatampukan din nina Robert Arevalo, Cris Villonco, Rafa Siguion-Reyna, Rez Cortez, Lui Manansala, Mark Tayag, Lorenz Martinez, Aiza Seguerra, Carlos Canlas, Ciara Sotto, Gian Magdangal, Ali Sotto, Audie Gemora, Mengie Cobarrubias, at Eric Quizon.
Palalabas na sa mga sinehan ang Hari ng Tondo simula ngayong October 1.

(To view the Cinemalaya awards received by Hari ng Tondo, CLICK HERE)


ON KISSING A WOMAN. First time ginawa ni Liza ang magkaroon ng kissing scene sa kapwa niya babae at sinabi niyang kakaiba ito para sa kanya.
“Yeah, first time kong ginawa ito. Kay Lui Manansala iyon na classmate ko noong high school. Kaya sabi ko, ‘O my God, ang mga madre [sa school] baka pagalitan tayo! Baka isipin, kung ano na nangyari sa atin!’
“It was nice but brief, pero mas masarap pa rin ang lalaki,” nakangiting pahayag niya sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kamakailan.
Nahirapan po ba kayong kumbinsihin na gawin ang eksenang ito?
“Hindi naman, excited nga ako, e,” nakatawang sagot pa niya. "Kasi, it’s something new, at saka excited nga ako na makunan iyong eksena. Kasi, sa halos pa-ending na, doon malalaman na hindi pala kami babaeng-babae.”
Hindi po ba kayo nakaramdam ng awkwardness noong actual take na?
“Hindi naman, kasi nagbibiruan pa nga kami, e, ‘O, sino bang mas lalaki sa atin?’”
Paano ang naging instruction ni Direk Carlitos sa eksenang iyon?
“Ano lang, parang kami ang bahalang mag-ano… Tapos, pinanood niya. Minsan sabi niya, ‘O masyadong mabilis.’
“Naka-ilang takes din kami sa eksenang iyon, pero ang bilis lang naman,” paliwanag pa ng nanay ni Tonton Gutierrez.
Ikinuwento pa ni Liza na nahirapan sila sa pagsu-shooting ng pelikulang ito sa Tondo, subalit at the same time ay nag-enjoy naman daw sila.
“Ang mahirap kasi rito, mainit! Dahil ang tenement na pinag-shooting-an namin ay tinakpan ng parang black na [cover]… So, the whole shooting ay laging ganoon, kaya mainit.
“Pero iyon lang naman, doon lang sa init. Pero sa kabuuan, maayos ang shooting, masaya. Wala namang problema kahit sa crowd.”
Paano niya ide-describe si Robert Arevalo bilang co-star?
“Alam mo si Robert, ang first movie ko—Dahil Sa Isang Bulaklak [1967]—siya ang AD [assistant director] ko at siya rin ang nag-tutor sa akin ng Tagalog at umarte.
“Kaya matagal ko na siyang katrabaho, dahil 46 years na akong artista, e. Kaya 46 years ko na siyang kakilala. At saka siya iyong nag-coach talaga sa akin noon, tapos ngayon ay katrabaho ko na siya bilang bida rito.”
Ano ang masasabi ninyo kay Direk Carlos?
“Ang galing niya talaga! Talagang to-torture-in ka, pero masarap, masarap. And he is good, he’s really good!
“At saka kahit indie ito, hindi ito yung Pito-Pito na sinasabi nila. Binusisi ito talaga.
“Like itong katatapos ko lang na T'yanak, ilang days din namin ginawa ito at binusisi rin yun,” saad pa niya patungkol sa pelikulang tinatampukan nina Judy Ann Santos at Solenn Heussaff.

(To learn more about T'yanak, CLICK HERE)
Forty-six years na si Ms. Liza sa mundo ng showbiz, ano ba ang sikreto niya at hanggang ngayon ay active pa rin siya sa industriya?
“Iyong ano… mahal ko ang trabaho ko… at saka gusto ko talaga itong ginagawa ko. At saka mabait akong tao, e…” nakatawang wika niya.
“Iyong professionalism, importante iyan. At saka ako, after 46 years ko sa showbiz, enjoy pa rin ako sa trabaho ko rito, e.
“Enjoy ako kapag may pahinga ako, like ng isang buwan, ganoon. Pero after one month ay nami-miss ko na ang showbiz, nami-miss ko na iyong stress ng work. Hahaha!”


RECOVERING FROM STROKE. Naibalita rin ng aktres na na-stroke siya noong June ng taong ito, kaya hindi muna raw siya gumagawa ng teleserye ngayon.
“Wala pa akong teleserye ngayon, kasi ay na-stroke ako nitong June 30 lang. So, nagpapagaling pa ako.
“Three days lang ang inilagi ko sa ICU, bale eight days ako sa hospital.
“Pero hindi na ako nag-therapy, nawala rin iyong pag-slur ng speech ko.
“Siguro by October or November ay puwede na akong mag-soap. Ina-avoid ko lang iyong sobrang stress. Iyong mga eksenang galit na galit ka.”
Idinagdag pa niyang iba talaga ang mga artista noong panahon nila, kompara sa mga bagong henerasyon ngayon ng movie stars.
“O yeah, malaki ang kaibahan namin noon sa mga artista ngayon.
“Unang-una na sa pag-ano pa lang ng script, sa pag-alaga namin ng script… Iyong mga batang artista kasi, patapon-tapon lang ng ganoon, e.
“Kami, talagang may breakdown at lahat. Pagdating mo sa set, talagang prepared na, alam mo na ang gagawin mo.”
Ano ang pinaka-ayaw at pinaka-gusto niya sa showbiz?
“Ang pinaka-ayaw ko sa showbiz, iyong sobrang puyat. Kasi, kapag sobrang extended na iyong working hours mo, pagod na pagod ka na, hindi na maganda iyong balat mo, nabubulol ka na…
“Kapag ganoon kasi, hindi ka na makapag-anong mabuti, hindi ka na makapag-focus mabuti sa trabaho.
“Iyong intriga sa showbiz? Okay lang sa akin iyon. Wala naman kasing mga intriga sa akin dahil hindi naman ako mahilig gumawa ng mga kababalaghan!” nakatawang saad pa niya.
Dagdag pa ng aktres, “Ang pinakagusto ko naman sa showbiz, unang-una, aside from kita mo, iyong pera… ay nakakapunta ka sa mga lugar na hindi mo aakalain na may ganoong mga lugar.
“Na magbuhat sa mga squatter at kung saan-saan pa, nakakalibreng biyahe ka. Libreng punta sa iba’t ibang part ng Pilipinas, specially. Iyong nakaka-ikot ka sa Pilipinas na hindi mo mapupuntahan kung hindi ka artista.”
Nagbigay din siya ng payo sa mga young stars para mas tumagal sila sa showbiz.
“Well, first of all, hindi na iyong professionalism lang ha, iyong maging magalang sana sila sa mga kapwa nila artista, lalo na sa mga nakatatanda. Na matuto silang dumating on time or matutong mag-sorry kapag late.
“Dapat ay matuto rin silang makisama sa lahat. Ganoon sa palagay ko, dahil malaking bagay iyong pakikisama, e.”
Kapag pasaway po ang ilang nakakasama ninyong artista, naiirita po ba kayo minsan?
“Hindi naman ako naiirita. Kaya lang, hindi ako nagkaka-amor sa kanya, hindi ko siya mahal. Kumbaga, hindi ko siya feel,” nakangiting pagtatapos na ni Ms. Liza.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN