Perci Intalan says getting grade A for Dementia is an “answered prayer”

Dementia director Perci Intalan (left) says Nora Aunor’s character (right frame) is somewhat patterned after his own mother with Alzheimer’s disease who sees people and things that are not there.


Pakiramdam ni Direk Perci Intalan ay para siyang nanganak dahil sa pelikulang Dementia, na siyang debut niya bilang filmmaker.

“Para akong nanganak, para akong nanganak,” nakatawang saad niya.

“Oo, ito bale ang first baby ko, definitely. Eto, mula noong ipinagbubuntis, hanggang eto na, niluwal ko na ang first baby ko,” nakangiting pahabol pa niya.

Nagpasalamat din si Direk Perci sa magandang feedback sa mga nakapanood ng pelikulang ito na tinatampukan ni Ms. Nora Aunor.

“Salamat sa mga sumuporta at mga nagpunta rito ngayong gabi. Sa mga hindi pa nakapanood, sana ay manood po kayo at sana isama ninyo ang mga kaibigan at mga kamag-anak ninyo na panood rin ang pelikula.

“Maganda po ang pelikula at magaling po iyong cast. Sana ay magandahan kayo at sabihin nyo sa iba na panoorin ang Dementia, PG-13 siya, kaya puwedeng isama kahit mga anak ninyo,” wika pa ni Direk Perci nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Palabas pa rin ang Dementia na bukod kay Ms. Aunor, ay tinatampukan rin nina Jasmine Curtis Smith, Bing Loyzaga, Yul Servo, Chynna Ortaleza, Althea Vega, Jeric Gonzales, Lou Veloso, at iba pa.

Ano ang iyong na-feel nang nalaman mong Graded A ng Cinema Evaluation Board ang Dementia?


“Ipinagdarasal ko na sana magustuhan ng mga tao ang Dementia, ‘di lang naman ako kundi ang buong team namin ay talagang pinaganda nang husto ang pelikula. Kaya sobrang saya ko noong nalaman ko na nagustuhan ng CEB.

“May mga natanggap pa kaming messages afterwards na gandang-ganda raw ang reviewers,” paliwanag pa ng dating TV5 executive.

Dagdag pa niya, “Ang Dementia ay naiibang horror film kasi, ang kuwento nito hindi puro takutan lang. May malalim na istorya ito na likha ni Jun Robles Lana na ang ganda ng pagkakalatag sa screenplay ni Renei Dimla [a Carlos Palanca Literary awardee].

“May mga moments talagang nakakatakot, pero hindi iyon inilagay para lang manakot. May development ang kuwento. Magugulat kayo sa tutumbukin nito.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ito ba yung tipo ng horror movie na kapag napanood mo, parang maiilang kang mag-isa o lagi kang titingin sa paligid mo lalo na kung madilim?

“Kung ma-achieve ng Dementia na tumatakbo pa rin ang imahinasyon mo kahit pag-uwi mo after watching the film, then nagtagumpay kami.

“Lahat ng magagandang horror films na napanood ko, ganoon ang nagagawa sa akin. Hindi mo siya makalimutan, dinadagdagan pa nga siya ng imahinasyon mo habang tumatagal!”

Inusisa rin ng PEP si Direk Perci sa spooky incident na nangyari habang nagsu-shooting sila ng pelikulang ito.

“Yes, yung kay Chynna [Ortaleza] iyon, e! Iyong look test ni Chynna iyon, naglitrato siya noong picture na pinost niya, pero hindi niya kamukha, e. Iba iyong itsura ng lumbas, e.”

Personally Direk, naniniwala ka ba sa multo o sa mga kababalaghan?

“Alam kong may mga bagay na hindi na abot ng ating kamalayan. Pero naniniwala ako na hindi naman sila nandiyan para lang manakot sa atin.

“Kung live and let live ang philosophy ko sa ibang tao, live and let be naman sa mga multo,” nakatawang sagot pa niya.

Bakit may lumabas na photo na binubuhat si Nora habang nagsu-shooting kayo noon, nagkaroon ba siya ng injury sa shooting?

“Hindi. Kasi, ang hirap umakyat-baba doon sa bundok. So, umabot kami sa point na kailangan namin siyang isakay sa duyan.

“Kasi sabi ko, ‘Ate Guy huwag mo nang i-attempt. Buhatin na lang namin kayo, paakyat-pababa.’ At saka kasi hindi ba, namamaga ang paa niya kung minsan? Kaya hayun, binuhat na lang namin siya.”







SIMILARITIES WITH HIS MOTHER. May similarity ba ang kaso ng mother mo na may sakit na Alzheimer’s disease, sa karakter dito ni Nora?

Paliwanag ni Direk Perci: “Ang mom ko ay may Alzheimer’s, na mayroon talaga kaming situation na ganoon. And common siya sa mga kaibigan ko na may Alzheimer’s ang parents. Iyong bigla na lang may sasabihin na: ‘Sino iyan?’ tapos wala naman palang tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


“Pero hindi naman pareho, kasi ang ano nga lang sa mga dementia patients, ayon din sa mga consultants namin, walang isang pattern. Minsan talaga ay biglang okay, minsan ay biglang hindi. Na mayroong dementia patients na bigla na lang nagagalit daw.

“So, medyo pinaghalo-halo ko iyon. Iyong kay Mara [character played by Nora], halo-halong iba-ibang kaso na pinagsama ko.

“Ang mom ko ay hindi naman umabot sa nagagalit. Hindi naman kami umabot sa nawawala na lang siya bigla. Pero may mga kaso raw talaga na ganoon,” saad pa niya.

Bago nagsimula ang gala screening ay nakapanayam ng PEP si Direk Perci at ito ang sinasabi niya ukol sa acting dito ng Superstar.

“Sabi ng mga Noranians na nakapanood, ibang klaseng Nora Aunor na naman daw ito. Ako ang masasabi ko lang ay napaka-tapang talaga ni Ate Guy. Wala siyang pakialam sa mga anggulo o sa pagpapaganda. Ang importante sa kanya ay yung character.

“Abangan n’yo yung eksena na nagsabog na talaga ng emosyon ang character ni Ate Guy. Wala siyang hinold back. Ang ibang artista, matatakot gawin ang eksenang yun kasi wala kang maitatago.

“Nang kunan ko ito, ten minutes siyang naka-close up at nakatitig lang sa camera! Hindi halos kumukurap!”

Kaya after nang screening ay inusisa namin si Direk Perci sa eksenang sinasabi niya na habang lumuluha si Nora ay tumutulo rin ang sipon ng Superstar. Dito ay binigyan niya ng kaunting scoop ang PEP ukol sa naturang eksena na nagpakita ng kakaibang husay ang premyadong aktres.

So, masasabi mo ba Direk na si Nora lang talaga ang makakagawa ng role na ginampanan niya sa Dementia?

“Alam mo, eto ha, bibigyan kita ng scoop, since ikaw ang nagtanong niyan. Binura namin iyong eksenang iyon, na tumutulo iyong uhog ni Ate Guy.

“Gumastos ako ng malaki para burahin. Tapos ay tinignan namin ulit, tapos ay kinonsulta ko kay Ate Guy. Gusto talaga niya ay ilabas iyon [eksenang tumutulo ang uhog niya].

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ako talaga, sabi ko nga kay Ate Guy, mas gusto ko na mayroong ganoong eksena, kaysa burahin. Kasi feeling ko, iyong character, nakita mong reserve na reserve, tapos ay biglang sumabog ng ganoon.

“Tapos ay maiintindihan mo sa dulo kung anong klaseng tao pala siya, to begin with, ang laking bagay. Kaya hayon, ibinalik namin iyong eksenang iyon ni Ate Guy.

“Kaya sabi ko sa iyo, hindi siya nag-hold back dun sa eksenang iyon. Na kung ibang artista ay baka matakot gawin ang eksenang iyon, e.”

After Dementia ay Shake Rattle and Roll 15 naman ang movie mo, pang-horror ba talaga ang isang Direk Perci Intalan?

“Hindi naman! Nagkataon lang, actually ay takot ako sa horror, e. Kaya hindi ko alam kung hanggang kailan ko magagawa ito na may tibay pa ng loob.

“Pero masaya, e, masaya!” nakangiting pagtatapos ni Direk Perci na kasalukuyang ginagawa ang SRR segment titled “Flight 666.”



(To read movie review of Dementia, CLICK HERE)


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN