Ai-Ai delas Alas, Rufa Mae Quinto relate experience with bullying in showbiz

IMAGE Noel Orsal

Ai-Ai delas Alas and Rufa Mae Quinto work together for the first time after 12 years.


Palaos na aktres ang papel ni Ai-Ai delas Alas sa comedy film na And Ai, Thank You.

Pumapapel naman si Rufa Mae Quinto bilang karibal niya sa showbiz.

“Na-miss kong katrabaho si P-chi [palayaw ni Rufa Mae],” sambit ni Ai Ai sa media conference noong Agosto 7, Miyerkules sa Max's Restaurant, Quezon Avenue, Quezon City.

“Marami kasi 'yang kuwento parati. 'Tsaka madalas, tungkol sa love life namin ang topic.

"Kaya natuwa ako na magkasama ulit kami sa isang movie.”

Una silang nagsama sa pelikulang Booba (2000), at sumunod sa Pasukob (2007).

Kuwento ni Ai-Ai, "Sa Booba, ako yung kontrabida niya.

"Ako yung ate niya na gusto siyang patayin dahil naiinggit ako sa kanya.

"Dito sa And Ai, Thank You, siya yung kontrabida ko."

Patuloy ng Comedy Queen, "Kami naman ni P-chi, hindi kami nawalan ng communication.

"Kahit hindi kami madalas magkita, nandiyan ang social media para magkumustahan kami parati.

"Nandoon ang respeto namin parati sa isa't isa."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

BULLYING IN SHOWBIZ

Tungkol sa showbiz at sa kapalaran ng isang bitchy actress ang And Ai, Thank You. Kaya tinanong sina Ai-Ai at Rufa Mae kung naging biktima ba sila ng bullying sa showbiz.

Ayon kay Ai-Ai, hindi pa uso ang social media at nagsisimula pa lang siya sa showbiz ay marami nang nam-bully sa kanya.

Lahat iyon ay tinanggap niya kahit masakit, pero pinalakas siya dahil sa pananalig niya sa Panginoon.

Pahayag ng Kapuso star, “Sa mundong ginagalawan natin, meron talagang mga mambu-bully sa iyo kahit na wala ka namang ginagawang masama sa kanila.

"Minsan nga, kapwa artista mo pa o yung mga tinuring mong kaibigan sa trabaho, sila pa yung mga magiging buwisit sa buhay mo, di ba?

“Nanalig lang ako sa Panginoon na alam ko na hindi Niya ako papabayaan.

“Minsan kasi, binibigyan Niya tayo ng mga bagay na siya lang ang nakakaalam at nakakaintindi.

"Maging negative man o positive, blessing iyon sa ating lahat.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Darating po ang panahon na yung negative na yun, magiging positive sa buhay natin."

Patuloy ni Ai-Ai, "Itong lahat na nangyayari sa buhay ko, ine-enjoy ko na lang ito. Gift ni Lord sa akin ito.

"Ito ang extension ng career ko for so many years.

"God is so good, kasi hanggang ngayon, marami pa rin akong projects at pelikula and God is so good to me.

"Doon ko na-realize nung marami akong ginagawang pelikula ngayong taon na ito, nakakatuwa rin yung mga naaalok na projects sa akin is iba-iba yung character ko.

"Huwag na nating pangalanan ang mga taong iyon na naging bully sa atin.

"Pinagdarasal ko na lang sila na sana, maging maayos pa rin ang buhay nila."

Natuto si Rufa Mae na huwag patulan ang mga taong sinisiraan siya kapag nakatalikod siya. Ayaw niyang magpatalo sa mga nararamdaman niyang negative.

Lahad ni Rufa Mae, “Lagi naman pong may ganoon, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Minsan, hindi mapigil ng ibang tao yung naiinggit.

"Ako naman kasi, trabaho lang ang gusto ko. Yung maging maganda ang kalabasan ng trabaho na ibinigay sa akin.

"Basta gagalingan ko kung gusto kong umuwi, magtrabaho, kumita, ganun lang naman ako.

"May ibang tao kasi na hindi mo naman sila inaano, bigla kang inaaway, iba naman tsinitsismis ka patalikod, or nanakawin lang mga ideas mo.

“Kaya ako, unti-unti na-turn off.

"'Yan din po ang dahilan kung ba’t ako umalis sa showbiz. Parang, 'Ano ba naman ’tong mga nasa dinosaur place?'

“Maraming tarantula and everything!

"Kaya ako umalis nang umalis. Hindi ko na alam kung sino ba yung kausap ko talaga na magiging totoo sa akin.

"Mas malala noong magkaroon na ng social media. "E, palabasa ako ng comments. Unti-unti akong na-hurt kaya parang ayoko nang mag-artista na.

"Mabilis kasi akong maapektuhan. Parang kryptonite ko yung feelings ko.

"Kapag apektado ako, lahat nadadamay kasama na roon ang work ko. Nawawalan ako ng gana.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero ngayon, kalma na ako. Hindi na ako super-sensitive at super-emotional.

"Natuto na akong deadmahin ang mga salbaheng at mayayabang na tao.

"In fairness, ang mga taong iyon na nam-bully sa akin noon, either pumangit sila or na-tokhang na!" natatawang sabi ni Rufa Mae.

MUTUAL ADMIRATION

Masaya si Ai-Ai para kay Rufa Mae. Nagawa nitong iwan ang showbiz para matupad ang dream na magkapamilya.

Saad ni Ai-Ai, “Humanga ako sa kanya. Kasi, yung iwan mo ang career mo for the a chance to have a happy family, mahirap gawin iyon lalo na kung in demand ka pa bilang artista.

“Pero nagawa nga iyon ni P-chi.

"Natagpuan niya ang right man at nagpakasal sila. Meron na silang anak.

"As in, natupad lahat ng mga pangarap niya kaya masaya ako for her."

Bilib naman si Rufa Mae sa pagbalanse ni Ai-Ai sa career at pamilya.

Hanash ni Rufa Mae, “Parang wala siyang kapaguran, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Imagine, mabalanse mo ang magkaroon ka ng pamilya, 'tapos busy ka rin sa career mo. Iba ang powers niya, di ba?

"Si Ate Ai talaga ang matagal ko nang iniidolo kaya naging masipag din akong gumawa ng mga pelikula noon.

"Iba talaga ang energy ni Ate Ai. Parang hindi na nga siya natutulog noon, e.

"Kaya noong i-offer sa akin na magsasama ulit kami sa movie, pumayag talaga ako.

"Twelve years din bago kami nagkasama ulit."

NO REGRETS

Walang pagsisisi si Rufa Mae na nagpahinga siya sa showbiz.

Aniya, “Dumating yung time na kailangan kong mamili—kung career ba o ang magkaroon ng pamilya.

"Wala akong pinagsisihan, kasi nagkaroon ako ng asawa na sobrang bait at anak na kasingkulit ko.

"Hindi ko ini-expect na aabot ako sa ganoong chapter ng buhay ko.

"As in, hindi madaling iwan ang matagal mo nang minahal na trabaho, di ba?

"Pero worth it ang desisyon ko. Na-experience ko na rin ang magkaroon ng pamilya tulad ng kay Ate Ai at sa ibang mga kaibigan ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero sa totoo lang, na-miss ko rin ang showbiz.

"Ilang taon din akong nawala. Na-miss ko ang kaguluhan ng showbiz.

"Pero updated naman ako dahil panay naman ang Google ko. 'Tsaka may mga tagabalita ako para hindi ako mahuli.

"Hopefully, dahil sa movie na ito, magtuluy-tuloy na rin ang paggawa ko ulit ng movies at makatrabaho ko yung mga bagong mga artista ngayon na tini-Tita na ako!" malakas na tawa pa niya.

Ang And Ai, Thank You ay idinirek ni Joven Tan at ipalalabas simula sa August 14.


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN

Close