The Fresh Men of Anak ng Macho Dancer: Sean de Guzman, Charles Nathan, Ricky Gumera, David Lucas

by Jerry Olea
Nov 3, 2020
Newbie actors (from left) Sean de Guzman, Charles Nathan, Ricky Gumera, and David Lucas will play macho dancers in the upcoming film Anak Ng Macho Dancer.
PHOTO/S: Jerry Olea

Nagkasama sina Allan Paule at Sean de Guzman sa shooting ng launching movie ni Paolo Gumabao na Lockdown noong Setyembre 12, Sabado, sa police station ng Cavite City.

Sandali lang ang eksena nila sa nasabing pelikula na idinirek ni Joel Lamangan, mula sa panulat ni Troy Espiritu.

Sa casting call ng kasunod na movie ni Direk Joel na Anak ng Macho Dancer noong Setyembre 30, Miyerkules, sa Sikat Studio, Morato Extension, Quezon City, napili si Sean na magbida.

Fresh kasi siya, mukhang inosente, napakahusay sumayaw, at malaki ang pagkahawig kay Allan Paule, na inilunsad sa pelikulang Macho Dancer (1988, idinirek ni Lino Brocka, mula sa panulat nina Ricky Lee at Amado Lacuesta).

Sequel ng Macho Dancer itong Anak ng Macho Dancer, mula sa panulat ni Henry King Quitain.

Ire-reprise dito nina Allan Paule at Jaclyn Jose ang kani-kanyang role.

Kasama sa cast nito sina Rosanna Roces, Jay Manalo, Emilio Garcia, Miko Pasamonte, at ang mga baguhang sina Charles Nathan, Ricky Gumera, at David Lucas.

Continue reading below ↓

Nagkita muli sina Allan at Sean sa presscon ng Anak ng Macho Dancer nitong Oktubre 28, Miyerkules, sa Game Over restaurant, Xavierville Avenue, Loyola Heights, Quezon City.

Sabi ng mga nakakita, mukha silang pinagbiyak na bunga.


Allan Paule (left) and Sean de Guzman

E, ang apelyido ni Allan sa tunay na buhay ay de Guzman, kaya inusisa ng beteranong aktor si Sean, “Sino ba ang nanay mo? Patingin ng picture ng nanay mo!”

Continue reading below ↓

Natawa na lang si Sean.

Pagbibiro pa ni Allan, “Syempre, noong kabataan natin, medyo malikot din tayo.”

SEAN DE GUZMAN: SARILING-SIKAP

Tinimbang-timbang ng prime movers ng Anak ng Macho Dancer kung dapat bang magpalit ng screen name si Sean.

Napagkasunduan nilang huwag na lang, dahil marami na itong followers sa socmed, lalo na sa TikTok.

Tatlong taon nang member si Sean ng all-male dance group na Clique V, kaya hindi matatawaran ang husay niya sa pag-indayog.

Sa pelikulang Lockdown ay masisilip ang galing ni Sean sa paggiling. Wala mang saplot ay confidently handsome siya sa pag-indak, at ang kanyang ngiti ay lubhang mapang-akit.


Continue reading below ↓

Kahit napili na si Sean bilang bida sa Anak ng Macho Dancer, hindi siya nag-inarte sa studio shoot ng Lockdown Boys noong Oktubre 5 sa Chino Roces Avenue, Makati City.

Bumilib kay Sean ang photographer na si Lee Santiago aka Black Ant Lensman. All the way na ang kapangahasan ni Sean sa Lockdown, kaya higit pa roon ang ipapakita niya sa pelikulang siya ang bida.

Sabi ni Sean, wala siyang gay lover. Paano kung may eksenang makikipagtalik siya sa bading o lalaki, mahihirapan kaya siya?

“Kung ano po iyong hinahanap sa character ko po, gagawin ko po. Handa po ako!” bulalas ng baguhang aktor.

Naka-bonding ni Sean ang co-stars na gaganap din bilang macho dancers sa kanilang rehearsal noong Oktubre 27, Martes, sa Mankind gay bar sa Timog Avenue, Quezon City.

Aniya, “Masaya naman po iyong nangyari kahapon na rehearsal with the boys, ‘yon po. Medyo nakakapanibago, kasi nga po, hindi pa kami magkakakilala ng mga boys.

Continue reading below ↓

“Pero masaya po kami. Tawanan, ganyan. Masaya po ako na katrabaho sila.”

Kanino siya nagmana ng galing sa pagsayaw?

“To be honest po, sa sarili ko lang po. Natutunan ko lang po sa sarili ko,” saad ni Sean.

“Kasi noong bata pa po ako, nanonood pa po ako sa computer shop, mga three hours akong babad doon, para lang manood ako ng mga dance competition.

“And pag-uwi ko po, tumatapat po ako sa salamin. And then, ginagaya ko po iyong mga sayaw na napanood ko. Doon po ako natuto.”

Natitiyak ni Sean na hindi si Allan Paule ang kanyang ama.

Sampung taon nang hiwalay ang kanyang ama at ina, at mula noon ay hindi na nakita ni Sean ang kanyang ama bagamat nakaka-chat niya ito sa Messenger. Tatlong buwan o higit pa ang pagitan bago ito mangumusta sa kanya.

Si Sean ang breadwinner ng kanilang pamilya. Pinapag-aral niya ang dalawang nakababatang kapatid. Sa bahay lang ang kanilang ina.

Continue reading below ↓

Ang Anak ng Macho Dancer ay tungkol sa pagmamahal ng isang anak sa kanyang ama na dating macho dancer.

Sa totoong buhay, OK ba ang relasyon nila ng kanyang ama?

May bahid ng pait ang ngiti ni Sean, “May ibang pamilya na po siya... Hindi ko po alam... hindi ko po alam kung kunyari, makita ko siya ngayon, hindi ko po alam ang mararamdaman ko.”

May pagmamahal pa rin ba siya sa kanyang ama?

“Oo naman po. Kahit baliktarin po natin ang mundo, doon pa rin po sa kanya ako galing.”

CHARLES NATHAN: SIBASIB KING

Viral ang second teaser ng BL (Baklaan Lang) series na Beki Problems kung saan sinibasib ng baguhang si Ardel Presentacion ang mga labi ng pakipot na si Chad Kinis.

Naka-5.9M views na iyon sa Facebook page ni Chad mula nang in-upload noong Setyembre 24.

Hindi pa man naipapalabas ang Beki Problems sa website ng heyPogi, may dalawang pelikula na si Ardel sa Godfather Films ni Joed Serrano.

Continue reading below ↓

Ito ngang Anak ng Macho Dancer, at ang Joed na tungkol sa life story ni Joed.

Bago na ang screen name ni Ardel—Charles Nathan.

Sa teasers at naunang poster ng Beki Problems ay Ardel Presentacion pa siya, pero sa full trailer nito ay Charles Nathan na.

Aniya, “Real name ko kasi siya, iyong nagamit ko. 'Tapos, parang ngayon ko lang naisip na baguhin siya, kasi mahaba masyado ang Ardel Presentacion.

Continue reading below ↓

“'Tapos, iyong Charles, parang ang bangu-bango niya.

"Wala pang gumagamit ng Charles. Di ba? Parang sosyal. Masasanay rin sila. Charles Nathan.”

Handa si Charles na mag-macho dancing. Pag-aaralan niya. Keri niya ang skimpy swimwear, at butt exposure.

“Likod lang. Parang hindi ko pa kaya ang frontal, kasi baguhan pa lang ako,” malumanay na pahayag ni Charles.

“Parang... siyempre, kabado, ganun.”

Makinis ba ang puwet niya?

“Masasabi ko, oo.”

Maraming nagsasabi na kahawig ni Charles si Wendell Ramos, na sakdal kinis ang behind.

Tuwang-tuwa si Charles na silang dalawa ni Wendell ang gaganap na Joed Serrano sa pagsasapelikula ng buhay nito.

Kumbaga, si Charles ang batang Wendell/Joed.


Continue reading below ↓

Joed Serrano (left) will be portrayed in a film by Charles Nathan (center) and Wendell Ramos (right)

Ang boyfriend ni Joed sa istorya ay gagampanan ni Ricky Gumera, na kasama rin sa pelikulang Anak ng Macho Dancer.

RICKY GUMERA: EXPERIENCED

Totoy na totoy si Clyde Drexler sa sexy photo shoot noong Oktubre 26, 2017 sa studio ni Lee Santiago sa Makati City.

Bahagya lang siyang sumagot kapag kinakausap, at idinadaan na lang sa pagngiti-ngiti ang mga tanong na pangungulit. Haling na haling noon si Clyde sa kanyang kasintahang gandara.

Nagpa-borta ng katawan si Clyde, at sa pagsali sa mga beauty pageant ay ginamit ang tunay na pangalan niyang Ricky Gumera.

“Since 2016, sumasali po ako sa modeling at mga pageant. Tuluy-tuloy po iyon,” kuwento ng 21-anyos na si Ricky sa presscon noong Oktubre 28.

“Sa school po ako nag-start. High school pa lang ako. Bawal ang swimwear doon.

"Second runner-up lang po ako noon, pero nakahiligan ko na po... masaya po ako pag nakakapag-join ako sa mga pageant.

Continue reading below ↓

“Then, sumali po ako sa Hannah’s [resort sa Pagudpud, Ilocos Norte] noon ding 2016. Naging top finalist ako, then nagugustuhan ko siya.

"Kasi, marami akong lugar na napupuntahan, at marami akong nakikilalang tao.

“Until nanalo ako ng title sa G. Calabarzon. After G. Calabarzon, ni-represent ko ang Calabarzon sa Mr. Global Philippines.

“Nanalo po ako sa Mr. Global Philippines. Noong September 2019, ako po ang nag-represent sa Philippines sa Mr. Global sa Bangkok, Thailand.

“Two weeks po ako doon. Thirty-eight [38] countries po ang kasali. Top 16 lang po ako roon.”


Continue reading below ↓

Handa siya kung ano man ang ipagawa sa kanya ni Direk Joel sa pelikulang Anak ng Macho Dancer.

“Sinabi ko po sa sarili ko na kung ano ang ibigay sa akin na role ay gagawin ko lang po, without any doubt. Alam ko naman na itong movie na gagawin ay de kalibre talaga,” saad ni Ricky.

Kahit frontal nudity?

“Wala pong problema, basta alam ko pong ito iyong role ko.”

Confident siyang maghubad?

“Kung ire-rate natin from 1 to 10, siguro mga 7 or 8. Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!” pagtawa ng binata.

Ballroom dancer si Ricky. Nagsasayaw siya ng salsa, Argentine tango, at standard.

Noong audition ay awkward pa si Ricky sa macho dancing, pero sa rehearsal nila noong Oktubre 27 ay nakasabay na raw siya sa konsepto ng production number.

“Nagsasayaw ako ng modern dance, at may disiplina ako para matuto ng iba’t ibang klase ng sayaw, pero kasi, iba talaga ang sayaw ng macho dancer, e,” pagbuntong-hininga ni Ricky.

Continue reading below ↓

“Mga sexy dance. Pero ngayon, pinag-aaralan ko talaga. Nanonood ako ng mga video ng mga macho dancer. Then, iyong Magic Mike [2012], pinanood ko rin.”

Single si Ricky. Apat na taon na ang kanilang pagmamahalan nang lumipad pa-Amerika ang kanyang kasintahan.

Natanto nilang napakahirap ng LDR (long distance relationship), kaya pinalaya nila ang isa’t isa early this year, February or March.

Breadwinner si Ricky sa kanilang pamilya. Pang-apat siya sa labing-isang magkakapatid sa ina, na pito ang ama.

“Ang mama ko po, labandera. Hindi ko po kilala ang father ko,” pagtatapat ni Ricky.

“Hindi ko po alam kung ano talaga ang pangalan ng father ko. Noong bata ako, tinanong ko si Mama. Jun daw po ang pangalan.

“Hindi ko na rin po kinukulit ngayon. Wala pong picture. Hindi alam ang surname. Ang alam ko lang, taga-Batangas daw po. Sa Nasugbu.

“Wala na po akong stepfather ngayon. Sabi ko sa mama ko, huwag na siyang mag-asawa. Baka mabuntis pa!

Continue reading below ↓

“Ang mga kapatid ko po, nasa father nila. Ang magkakasama lang po sa bahay namin, ako, ang mama ko, ang panganay kong kapatid na babae, at ang tito ko, kapatid ni Mama.”

Ang hirap maging breadwinner sa panahon ng pandemic.

“Oo nga po, e. Mabuti na lang po, pagkatapos kong lumaban sa Thailand, sunud-sunod po ang mga raket ko. Mga judging, saka modeling. Nakaipon po ako,” lahad ni Ricky.

“May na-save naman po akong konting pera. 'Tapos, ngayon po, pinapagawa ko yung bahay ng mama ko sa Bacoor [Cavite], para at least, may maayos kaming tulugan.

“Before kasi, lumang bahay na, na parang babagsak na. Ngayon, pinasemento ko na po lahat. Pero hindi pa po siya tapos.

“Nag-iipon po uli ako. Nagka-pandemic kaya nahinto.”

Dati, ayaw ni Ricky na mag-artista. Pakiramdam kasi niya, magugulo ang buhay niya sa showbiz. Ngayon, dalawang pelikula agad ang gagawin niya.

Napangiti muli ang binata, “Nakakagulat nga po. Sa kabila ng pandemic, may nag-open na opportunity sa akin. Nagpapasalamat po ako kay Lord, na hindi pa rin Niya kami pinapabayaan.”

Continue reading below ↓

DAVID LUCAS: GERMAN CUT

Disiotso (18) anyos pa lamang ang half-German na si David Schon, na Aleman ang ama.

“Ipinanganak po ako sa Germany. I lived there for nine years. Last 2011 na kami pumunta dito sa Philippines,” salaysay ni David, na nakatira sa Binangonan, Rizal.

“Nahirapan ako sa pagsasalita ng Tagalog. Kasi, sa Germany, ang alam ko lang is German. So, even English, nahirapan ako.

“It took me maybe a year, ganun... 'Tapos, ayun, may mga family problems. Muntik nang magkahiwalay yung parents ko.”

Naging kontesero si David sa mga timpalak na barangayan.

“Naka-more than 10 na po na barangay ang nasalihan kong pageant sa Rizal,” saad ng binata.

“Nag-start po ako sa mga barangay hanggang nag-national na po ako, sa Mr. Grand Philippines last year, September 2019. Third runner-up lang po ako.”


Continue reading below ↓

Sa casting call ng Anak ng Macho Dancer, ang requirement sa auditionees ay 20-30 anyos. Nagbakasakali pa rin si David, at agad siyang pumasa. May dalawa pang 18 anyos na napili rin.

Nang mabalitaan ko po iyong audition, na may chance ako na makapasok sa pag-aartista, I grabbed the opportunity,” paliwanag ni David.

Ako po iyong tao na grab lang nang grab, kahit na halimbawa sa pageant, I was just 16 years old at the time, siyempre naka-bikini kami, naka-trunks.

“Noong bata pa lang ako, sobrang mahiyain po ako. Kasi noon, iyong ngipin ko, may gap. Kaya parang wala akong confidence at all.

“Pero noong naayos po ang ngipin ko, at nasanay na po ako sa pagbi-bikini, na-develop po ang confidence ko.”

Nag-audition siya para gumanap na macho dancer, pero ibang papel ang ibinigay sa kanya. Mas masustansiya. Second lead.

“Challenging po talaga yung role na Kyle na napunta sa akin. Kasi, marami po akong ganap doon,” napangiting sambit ni David.

Continue reading below ↓

“Medyo mahirap po sa part ko, dahil there are so many daring scenes. Pero siyempre, ready naman po ako sa mga gagawin ko.”

Sabi niya noon sa audition, handa siya sa mga mapangahas na eksena, di ba?

“Kaya ko pong ibigay kung ano iyong gusto ng direktor, pero nabasa na po namin ang script, at iyong role ko po ay hanggang butt exposure lang talaga,” pagmamatuwid ni David.

E, kung i-require ni Direk Joel na mag-frontal siya, papayag ba siya?

Mabilis ang tugon ni David, “Papayag ako, kasi...”

Kasi, may ipagmamalaki siya?

Natawa si David, “Gano’n? Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Porke German, ano? German size. Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!

“Ano naman... ‘yon. Siguro, kung ire-require sa akin ang frontal na ano, tatanggapin ko pa rin. Kasi, sayang po yung opportunity, e.”

So, palaban na talaga siya sa totoong buhay?

Opo, palaban po talaga ako,” walang pag-aalangang pag-ayon ni David, na ginawang David Lucas ang screen para mas madaling i-spell ang kanyang apelyido.

Continue reading below ↓

“Maraming bagay na gusto kong matutunan pa. Kasi, marami na rin po akong na-experience sa buhay.

“Gaya nga po iyong problem sa family. Ayoko pong mangyari iyon sa future ko... Ang pinaka-cause kasi, kaya ako sumasali sa mga ganito, ay dahil yung father ko, matanda na, 73 years old na.

“Maykaya naman po kami sa buhay. Ang goal ko, parang gusto ko pong ipakita na habang nandiyan pa ang father, gusto kong maging proud siya sa akin.”

MORE GUIDE STORIES

Ano ba ang latest sa showbiz? Find out kung anong level ang showbiz IQ mo by subscribing to PEP.ph Viber Chatbot here. Join our community para laging updated!

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Newbie actors (from left) Sean de Guzman, Charles Nathan, Ricky Gumera, and David Lucas will play macho dancers in the upcoming film Anak Ng Macho Dancer.
PHOTO/S: Jerry Olea
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results