Director Joven Tan says Isko Moreno did not fund biopic for political campaign

by Rose Garcia
Nov 29, 2021
isko moreno joven tan
Joven Tan (right) on Mayor Isko Moreno running in the 2022 elections: "Pero yun nga, [nung] ginagawa namin ‘to, wala namang planong tumakbo si Yorme... It was the time na maingay ang pangalan nila ni Mayor Vico Sotto. Wala sa hinagap namin na tatakbo at pagkatapos, naabutan pa kami ng pandemic, so 'yon."
PHOTO/S: Jerry Olea

Inihayag ni Joven Tan na hindi nabuo ang pelikulang Yorme: The Movie para sa kampanya ni Manila Mayor Isko Moreno.

Ang Yorme ay musical biopic ni Isko na kumakandidatong pangulo sa 2022 elections.

Si Joven ang director, writer, at composer ng mga kanta sa proyekto.

Wala raw ideya si Joven na tatakbo sa pinakamataas na posisyon si Isko nang simulang i-conceptualize ang pelikula bago magpandemya noong March 2020.

"Humahabol din kami sa election ban kaya kailangan naming i-showing siya,” lahad niya.

"Pero yun nga, [nung] ginagawa namin ‘to, wala namang planong tumakbo si Yorme.

"Ito yung maingay na maingay ang pangalan niya. Magaganda yung mga nagagawa niya sa Manila.

"So, nakipag-usap kami, and from there, nagsimula na kami.

"Wala sa hinagap namin na tatakbo at pagkatapos naabutan pa kami ng pandemic, so yun."

Mahaba raw ang naging proseso sa paggawa ng pelikula—mula sa personal nilang pakikipag-meeting kay Isko para makuha ang movie rights at interviews hanggang sa nag-shooting nitong 2021.

Continue reading below ↓

May 2019 nang manalo sa mid-term elections si Isko bilang alkalde ng Manila.

Patuloy ni Direk Joven: "Wala talaga sa hinagap namin na tatakbo. It was the time na maingay ang pangalan nila ni Mayor Vico Sotto.

"Tapos sabi ko, 'Why not musical?' Kasi, alam din naman ng lahat na ang pinagmulan ni Yorme is basurero, so bigyan natin ng ibang approach."

Nagustuhan naman daw agad ni Yorme ang konsepto na gawing musical film ang buhay nito.

Ang isa lang daw sa mga unang tinanong nito: kung sino ang aktor na gaganap sa biopic.

"Nagustuhan niya. Sabi niya, 'Maganda ‘yan, makaka-inspire tayo.' Tapos sabi niya, 'Sino gaganap?'"

Tatlo ang aktor na gaganap sa bawat yugto ng buhay ni Isko—si Raikko Matteo para sa batang Isko, McCoy de Leon sa teenage years, at Xian Lim sa adult years.

Inisipan na lang daw nila ng paraan kung paano mag-adjust sa napili nilang locations para ipakita ang batang Isko na laking Tondo.

Continue reading below ↓

Lahad ni Direk Joven, "Kasi, kung noong kino-conceptualize ito na may pandemya na, hindi na namin itutuloy kasi ang hirap.

"Ang pinakamahirap yung kay Raikko dahil siyempre, bawal mag-shooting ang bata, bawal lumabas ng bahay.

"Pumunta kami ng Zambales. Pinuntahan namin siya at dun kami nagtayo ng set sa compound nila.

"Ang hirap, kasi ang set, basurahan. So, sa maganda nilang bahay, sa gilid, dun kami naglagay ng basura."

DIREK JOVEN: ISKO IS NOT THE FILM PRODUCER

Nanindigan din si Direk Joven na walang katotohanan ang usap-usapan na ang tunay umanong producer ng Yorme: The Movie ay si Isko mismo.

Iprinodyus ito ng Saranggola Films na pagmamay-ari ni Edith Fider na siyang nagprodyus ng 2020 biopic na Father Suarez: The Healing Priest. Ang Viva Films ang distributor ng pelikula.

"Hindi naman siya talaga, swear to God," diin ng direktor.

Patuloy niya, "Kasi, unang-una, kung siya ang producer, e, di sana hindi kami nahirapan sa mga permit.

Continue reading below ↓

"Sana hindi kami nahirapan sa mga location. Kahit sa Manila kami nagsu-shoot, mas mahirap pa nga.

"Kasi siyempre, yung mata ng mga tao, siyempre dapat sumunod ka sa mga protocol. Hindi talaga.

"At saka kung siya ang producer, sana nasunod siya sa mga casting.

"E, natapos namin ang movie, hindi niya alam kung sino ang tatay niya [na gaganap] sa pelikula, wala siyang idea."

Hands off daw si Mayor Isko liban sa kaisa-isang tanong kung sino ang gaganap na Yorme at isang "suggestion" sa "ending" ng pelikula.

"Basta tinanong niya lang, sino ang gaganap na bida? Hindi siya nakialam.

"Isang beses niya lang binasa ang script.

"Tapos, noong mapanood na niya ang pelikula, yung rough cut, meron siyang sinuggest lang sa ending na 'baka puwedeng baguhin natin nang konti.' Yun lang ang comment niya."

Tinanong namin kung puwedeng malaman kung ano yung ending sana na pinabago.

Ibinahagi ni Direk Joven na may kinalaman ito sa talumpati ng alkalde sa dulo ng pelikula.

Continue reading below ↓

"Well, may isang speech kasi sa ending, e, sabi niya, 'Parang masyadong political. Puwede ba nating gawing inspirational?'

"Ayoko sanang sabihin kasi baka sabihin sinu-showbiz ko.

"Pero sa kanya galing na, 'Huwag pulitika. Masyadong political ang statement sa ending. Gusto ko sana kung ano lang ang buhay ko. Huwag susuko, huwag bibitaw, kapit lang. Magsipag, magdasal.'

"Inayos naman namin kasi may last day pa kami bago matapos and ipinakita namin talaga sa kanya before kaming mag-last day."

ADVANCE SCREENING OF YORME: THE MOVIE

Magaganda ang naglalabasang review sa mga nakapanood na ng Yorme: The Movie.

May mga nagsasabing ito raw ang "best movie" na nagawa ni Direk Joven.

"Salamat," tila nahiyang sagot niya.

"Siguro ang masasabi ko lang, ang nakikita ko lang sa mga nanoood, parang tinamaan sila. Hindi nila maaalala yung tumatakbong Yorme.

"Ang maalala nila, yung bata. Maalala mo yung Kuya Germs, That’s Entertainment.

Ang tinutukoy ni Direk Joven na "Kuya Germs" ay ang yumaong Master Showman na si German Moreno, na itinuturing na mentor at tatay ni Isko sa showbiz.

Continue reading below ↓

Si Janno Gibbs ang gumanap bilang si Kuya Germs. Dalawa ang original songs nito sa 15 original compositions mismo ni Direk Joven sa movie.

Sa huli, tinanong namin si Direk Joven, bilang direktor at manunulat ng biopic, kung nagkataong election na ngayon, si Isko ba ang isusulat niya sa balota bilang presidente niya?

"Oo. Puwede naman," mabilis na sagot ng direktor.

"Puwede kong sabihing puwede naman kasi sa mga kandidato, siya ngayon ang pinakakilala ko.

"Kumbaga, siya yung nabigyan niya ako ng chance na makilala siya.

"Kung saan siya galing at kung ano ang ginagawa niya. Paano siya mag-isip, di ba?

"Kumbaga, ipinakita sa akin ang mga finalist, siya ang pinakauna kong na-interview.

"So, kung boboto ako ngayon, oo naman."

FIRST FILIPINO FILM IN THEATERS

Maaaring maitala sa history ang Yorme, The Movie na kauna-unahang Pinoy film na mapapanood sa mga sinehan matapos ang isang taon at walong buwang tigil-operasyon dahil sa pandemya.

Continue reading below ↓

Aminado si Direk Joven na kinakabahan siya ngayong ipapalabas na ito sa December 1.

Pero umaasa siyang magiging maayos ang lahat basta't sundin ang safety protocols.

"Parang mga two weeks na rin namang bukas ang mga sinehan. Nakakakaba pero ganun talaga, e, kailangan simulan nating bumalik. Kailangan may magsimula.

"Nakakatakot man, pero ganun talaga, e. Kung puro takot lang ang iisipin mo, walang mangyayari sa ating lahat. So, kailangan nating sumabay sa situwasyon.

"Hoping kami na maging positive ang resulta."

Sa ngayon, ang Yorme: The Movie ang Pinoy movie na sa mga sinehan lang muna eklusibong mapapanood.

Makalipas pa raw siguro ang ilang linggo o buwan bago ito i-release sa mga online platforms tulad ng ktxt.ph at VivaMax.

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Joven Tan (right) on Mayor Isko Moreno running in the 2022 elections: "Pero yun nga, [nung] ginagawa namin ‘to, wala namang planong tumakbo si Yorme... It was the time na maingay ang pangalan nila ni Mayor Vico Sotto. Wala sa hinagap namin na tatakbo at pagkatapos, naabutan pa kami ng pandemic, so 'yon."
PHOTO/S: Jerry Olea
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results