Watch Now

Meet Direk Boyong: Ang high-school graduate na filmmaker

by KC Cordero
Dec 3, 2021
Direk Boyong filming a scene
Kahit walang formal training sa filmmaking, kapos sa equipment at budget, nagawa ni Nestor Daguines na makabuo ng mga pelikula at makalahok sa mga local film festivals.

Walang pormal na edukasyon at training sa filmmaking si Nestor Daguines, 33, pero nakakagawa ito ng sariling pelikula.

Mas kilala bilang Boyong, siya ang lumikha ng Lampitok, isang sikat na animated series sa Cordillera.

Ang laking Buguias, Benguet ay graduate ng high school, at dating driver ng van.

Aniya, mula pa noong bata siya ay pangarap na niyang makagawa ng pelikula.

Direk Boyong's photo

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Pagbabahagi niya, “Nagkainteres ako sa filmmaking dahil bukod sa mahilig ako sa movie, may mga naunang kasama kami dito sa Benguet na gumagawa ng local films.”

Ang ibig niyang sabihin sa local films, mga pelikulang ang tema at istorya ay nakasentro sa lugar nila sa Benguet at Cordillera.

Nakapanayam si Boyong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong December 2, 2021.

MGA SIMPLENG GAMIT LANG SA UMPISA

Para mapalawak ang kanyang kaalaman, nanood si Boyong ng YouTube tutorials, at lumahok sa mga seminars at workshops tungkol sa filmmaking.

Kuwento niya, “Nung unang gawa ko ng film, mga 2010 yun, ang gamit ko lang ay handycam, plastic na tripod, at core 2 duo na desktop.

“Walang ibang gamit. Hanggang unti-unting na-upgrade. Naging miniDV camcorder hanggang nag-DSLR at fluid head na tripod at nakagamit na rin ng slider.”

Ang mga pelikula niya ay may habang 70 hanggang 120 minutes.

Direk Boyong filming a scene

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

LUMAHOK SA PINOY INDIE FILM FESTS

Noong 2012, kasama ang isa pang Igorot director na si Sendong Talaw ay nabuo nila ang Igorot indie film na Busol.

Ipinalabas ang Busol sa pinakamalaking pagtitipon ng Pinoy indie filmmakers sa Cebu City, ang Cinema Rehiyon 7, na ginanap noong August 6-9, 2015.

Ang event ay nagtampok sa iba pang locally produced films mula sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas.

Ang likha nina Boyong at Sendong ang kauna-unahang pelikula na ginawa ng isang Igorot na naipalabas sa naturang event.

Ilan pa sa mga pelikulang nalikha niya ay ang Sik-a Et Baw, White Lady, Di ka Maupay, at Timplan di Layad.

PATOK DIN ANG KANYANG ANIMATED FILM

Nag-aral din si Boyong ng film animation, at nagawa niya ang kauna-unahang Igorot cartoon movie na Lampitok.

Naging popular ito sa kanilang rehiyon.

Direk Boyong doing an animation scene

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Nang tanungin kung saan niya nakukuha ang kanyang film ideas, ani Boyong, “Karamihan sa mga films ko ay based sa true events.

“Yung ibang ideas ay galing din sa mga napanood ko na movies.

“May ibang idea din na mismo sa mga karakter nanggaling, lalo kung naka-relate sila sa story.”

Direk Boyong's character Lampitok

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ang kuwento ni Lampitok ay nagtampok sa isang Igorot farmer na binagyo at napeste ang mga pananim.

Ginamit sa movie ang ilang facts sa kanilang kultura at tradisyon, at fiction para sa mga animated character, gaya ng palakang nagsasalita.

PROSESO AT MARKETING

Gaano niya katagal buuin ang isang film?

Ani Boyong, “Kung may budget naman, ang full movie ay natatapos ng one to two months kasama na ang editing.

“Pero kung tingi-tingi ang budget ay umaabot ng 5 to 8 months.”

Kumpara sa commercial films, iba ang marketing ng mga nabubuo niyang pelikula.

“Pag may producer na kukuha sa akin, gagawin yung movie at pag natapos at magkakasundo kami, ipapa-film showing sa mga gym.

“Parang concert for a cause kasi may ticket.

“Pagkatapos ay gagawan ng CD o DVD copies at idi-distribute sa mga outlets o sa mga grupo na nagha- house-to-house o naglalako ng mga produced movies at MTVs.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Ipinapalabas lang po commonly via CD and DVD copies. Kung minsan, sa nag-o-organize ng film showing.

"Nasubukan ko na ring maipalabas ang films ko sa Cinematique Baguio, Manila, at yun ngang sa Cinema Rehiyon sa Cebu.”

APEKTADO NG CABLE TV AT INTERNET

Sa ngayon ay wala munang movie projects si Boyong.

Malungkot niyang pagbabahagi, “Dahil patay na ang marketing namin mula nang ma-phase out na ang CD at DVD player.”

May iba pa aniyang factor na nagpahina sa kanilang market.

“Uso na kasi sa mga baryo dito ang mga cable TV at may internet na rin. Doon na sila nanonood. Kaya hindi na kami nakakabawi sa gastos.”

Abala muna si Boyong sa maliit niyang negosyo, “May rolling store ako saka junk shop.”

Direk Boyong during light moment

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Pero hindi pa rin nawawala sa kanya ang passion sa paglikha ng movies.

“Basta may producer na maggagastos, puwede pa naman.”

Gumagawa naman siya ng mga 20-minuter short films na naka-upload sa kanyang YouTube channel na Boyong Lampitok.

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Kahit walang formal training sa filmmaking, kapos sa equipment at budget, nagawa ni Nestor Daguines na makabuo ng mga pelikula at makalahok sa mga local film festivals.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results