Naaalala niyo si Vida Verde?
Siya ay isang bold star na sumikat noong 1980s, at ngayon ay isa nang senior citizen na naninirahan sa hometown niyang Tumauini, Isabela.
Inilunsad si Vida sa pelikulang Nene (1985), kung saan co-stars niya sina Daria Ramirez, George Estregan, Raul Aragon, Donna Villa, at Ricky Davao.
Sa direksiyon ito ni J. Erastheo “Baby” Navoa.
Pagbabalik-tanaw ni Vida sa online forum na Sex Cinema and Society: Popular and Religious Approaches nitong Disyembre 29, 2021, Miyerkules ng umaga:
“Naghahanap sila noon ng Nene. Nakita nila akong kumakain sa Sunburst restaurant.
“Yung producer at si Direk Baby Navoa, kumislap daw ang kanilang mga mata, ‘Eto na yung Nene!’ Kahit anong mangyari, kukunin daw nila ako.
"So kinausap ako ni Direk Baby Navoa kung gusto ko raw mag-artista. ‘Oo,’ ang sabi kong ganun. Tinanong niya kung payag ako sa hubo’t hubad, yung lalakad lang, walang sex. Lalakad sa dagat.
"Sabi ko, ‘Basta hindi makikipag-sex sa akin ang direktor saka ang producer, papayag akong maghubo’t hubad.’"
Sinariwa rin ni Vida kung bakit Vida Verde ang kanyang naging screen name.
Sa pagpapatuloy ng dating aktres, "Nung nasa shooting na kami, wala pa akong screen name. E, mahilig akong mag-green jokes. Si Daria Ramirez saka si George Estregan, lagi silang may green jokes.
"Pati si Direk Erastheo Navoa. 'Tapos, bigla akong papasok na maggi-green jokes. So, ang sabi nila sa akin, ‘Ikaw talaga, bida ka ng kaberdehan!’
“Yun! Dun nila nakuha ang pangalan ko. Bida sa kaberdehan. Vida Verde. So, yun na, may pangalan na ako."
May isa pa siyang kakaibang kuwento tungkol naman sa birthday cake niya sa set.
Aniya, "...ang hinding-hindi ko makakalimutan na nangyari doon, yung nag-birthday ako na ang cake ko ay pupu ng kalabaw. Tae ng kalabaw. Yun ang cake ko.
“Yun ang hinding-hindi ko makakalimutan, dahil swerte raw yun. Kasi, walang mabiling cake, e. Nasa bundok kami, saka sa kalagitnaan ng dagat sa Quezon province.
“So, may nakita silang buung-buo na pupu ng kalabaw, nilagyan nila ng kandila para ma-greet nila ako ng happy birthday. Yun ang hinding-hindi ko makakalimutan."
Nagkasunud-sunod ang mga pelikula ni Vida.
Noong 1985 ay nakasama rin siya sa pelikulang Katawang Putik.
Kabilang naman sa movies niya noong 1986: Ang Walang Malay, Nude City, Unang Gabi, Desperada, Bawal: Malaswa, at Raid: Casa.
Noong 1987, tampok siya sa Katalik, Anak ng Asawa Ko, at Takot Ako, eh.
Noong 1988, kasama siya sa Batang Matadero na pinagbidahan ni Gino Antonio.
Paano niya pinili ang mga pelikulang nilabasan niya?
“Kailangang maging malawak ang pang-unawa ng bawa’t isa. Katulad ng pagtanggap ko ng pelikula, babasahin ko muna lahat,” salaysay ni Vida.
“Ano’ng kuwento? Kung kinakailangan ng sex, hindi naman ipinapakitang buong kaluluwa mo, e, ilalabas mo.
"Depende sa artista iyan kung paano niya mapapaayos o mapapabuti yung kanyang eksena, na, for example, may sex scene. Ang dapat, maging passionate ka. Ganun ang para sa akin. At kailangang maging malawak ang pang-unawa mo kung talaga bang kailangan sa isang pelikula ang katulad ng sex.”
Hanggang saan ang boundaries niya sa mga eksenang maselan?
“Ang direktor ang nasusunod diyan, di ba? Minsan may direktor na sobrang wild,” tugon ni Vida.
“Ang gagawin ko, para ma-please ko yung direktor, kukuha ako ng masking tape. For example, sa eksena, kailangang kita yung pubic hair, ganun. Ang gagawin ko, kukuha ako ng masking tape, ite-tape ko yung akin, at lalagyan ko ng itim na pentel pen yung ano para pagtingin niya, para akong nakahubo’t hubad. Ganyan ang ginagawa ko.”
Inamin ni Vida na niligawan siya ni George Estregan at ng iba pang naging leading man niya sa bold movies.
“Bago kami mag-eksena ng mga leading man ko, pag nililigawan ako, ang ginagawa ko, para akong bata,” napapangiting kuwento ni Vida.
“Walang malisya, hahawakan ko yung kanila, ganun. Bigla kong hahawakan na walang malisya, ganun lang, 'tapos, matatakot na sila. Ganun ang ginawa ko kay the late George Estragan kaya naging OK kami.
“Hindi ako binabastos. Hindi rin ako bastos sa kanya. Ganun ang paraan ko, e. Bago mo ako mabastos, uunahan na kita. Ganun ako,” pakli ni Vida.
Ang online forum series na Sex Cinema and Society ay kaugnay sa libro ni Boy Villasanta na SekSinema (Gender Images in Philippine Sex Cinema Enfolding Pandemia). Inilunsad ito noong Disyembre 15, Miyerkules ng hapon, at panauhin sa online launch sina Direk Brillante Mendoza at Maria Isabel Lopez.
Nang sumunod na Miyerkules, Disyembre 22, inumpisahan ang online talakayan na Sex Cinema and Society, with Gem Suguitan as host-moderator.
Nag-focus iyon sa Popular and Academic Approaches, at panauhin doon sina Direk Neal “Buboy” Tan, Janice Jurado, at Isadora.
Sa second session ng online forum series ay tampok din si Direk Edz Espiritu, ang anak ni Vida na si Ina Coronel (a.k.a. Katrina Verde), at Mario L. Tolentino na presidente ng Men’s Ministry Kaytitinga Evangelical Church ng Alfonso, Cavite.
Panauhin rin dapat doon ang US-based nang si Julia Lopez, pero hirap itong makakonek sa zoom. Hopefully, makasali na si Julia sa online talakayan ng Sex Cinema and Society sa Enero 5, Miyerkules, kung saan ang subtopic ay Sex Cinema and Migration.