Gusto ni Markki Stroem na makilala bilang "character actor," hindi "bold star."
Malaki ang pagpapahalaga ni Markki sa pag-arte at niyayakap niya nang husto ang bawat papel na ginagampanan.
"Depende sa gusto mo, sa gusto ng director, sa gusto ng production. Gagawin ko.
"Kunwari, gusto ninyong magpaitim ako, mag-iba ng ugali, mag-iba ng emotion, mag-iba ng hair, mag-iba ng suot or heels, or shoes, or sandals or slippers... gagawin ko," saad niya.
Kaya raw sadyang may variety ang roles na tinatanggap niya.
"Marami ring nagtatanong sa akin na mga taga-industry, 'Markki, ba’t parang nag-iba ang personality mo every single time?'
"Well, like ngayon, for example may pinaghahandaan ako na bagong movie. I think, mainstream. Di ko pa puwedeng sabihin [yung title].
"Pero straight yung character ko dito. Kontrabida ang role ko. That’s why lumaki yung katawan ko.
"The last time na nagkita tayo, drag queen naman yung karakter ko. So, payat, medyo flamboyant, medyo feminine," pagtukoy niya sa pinagbidahang online series na My Delivery Gurl.
"For this, iba naman. So, depende sa ginagawa ko, at the time.
"Super kontrabida ako sa movie na gagawin ko. Kaya nagpalaki ako ng katawan ko."
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang reporters si Markki sa press preview ng BL series na Love At The End Of The World, na ginanap sa Cinema ’76 sa Anonas, Quezon City, noong February 15, 2022.
FINALE OF LOVE AT THE END OF THE WORLD
Isa si Markki sa mga bida ng Love At The End of The World sa direksiyon ni Shandii Bacolod.
Ipinalabas ang last episode via streaming app na Gagaooolala kagabi, February 17.
Mapangahas ang mga eksena sa opening ng finale episode.
At sa opening credits, makikitang sama-sama na ang mga artist mula sa apat na iba’t ibang kuwento ng pag-ibig. Ang tanging suot nila ay puting tuwalya sa kanilang harapan.
"I guess, part ‘yan ng role, e. So, ginawa ko. Hahaha!" bulalas ni Markki.
Patuloy niya, "Prepared naman ako kasi, I mean, nagawa ko naman yun sa Unlocked dati, yung isa kong series.
"Part lang ng role so kailangan kong gawin. And if it’s part of the story, wala akong arte sa ganyan."
Patunay nito ay ang daring scenes na nagawa na raw niya noon sa teatro.
"Dahil kasi, galing ako sa teatro. We’re super ano... may orgy kami dati sa Hair The Musical. So, I mean, depende sa role. Pag kailangan at pag love ko, gagawin."
Sabi pa ni Markki sa naging experience niya sa opening scene ng Love At The End Of The World, "I think masaya siya. Kasi never ko pa siyang nagawa, e. So, very artsy."
Hindi naman nakakaramdam ng pressure si Markki sa feedback ng audience sa BL series.
"Kung magustuhan nila, go. Kung hindi, okey lang din. It’s really up to the audience.
"At the end of the day, wala na akong paki!" natatawang sabi ni Markki.
Patuloy niya, "So, kung gusto nila, gusto nila. Kung ayaw nila, ayaw nila. It’s okay.
"For me, ginawa ko yung part ko, ginawa ko yung gusto ng director."
Pero proud daw si Markki sa online series na ito.
"And for me, napanood ko, ako, nagustuhan ko, especially yung opening na, 'What is happening?!'
"Kasi ano talaga ang mangyayari sa last days of the world? Mababaliw at mababaliw ka talaga.
"So, nagustuhan ko yung final product. Hindi ko pa napapanood, e. First time ko today.
"Nung shinoot namin, di ko alam kung ano yung nangyayari. Hindi ko alam kung anong parts na ipapakita."
Kung mayroon mang maselang bahagi sa series, hindi raw iyon ikinailang ni Markki.
"I do all the same thing dahil I have to. Saka artists din sila and mga friends ko rin sila, e.
"Iyan din ang rule ko sa work. Walang sikat dito," diin niya.
Patuloy ni Markki: "Gawin nating lahat ang trabaho natin para maganda yung kalabasan. And from what I saw, maganda yung kinalabasan.
"I’m happy. I’m proud of all the new actors, older actors. Ginawa nila yung parts nila. So proud of them."
SWIMSUIT SPONSOR FOR MALE PAGEANT
Bukod sa bago niyang proyekto, excited si Markki sa ilulunsad niyang underwear line.
"Actually, I wanted to launch it. Kaso lang, nagkaroon ako ng interesting offer na parang, ano siya, male pageant.
"So, ilu-launch ko yung line ko sa pageant na yun. Hindi ko pa sasabihin kung ano," pabitin na sabi ni Markki.
Rarampa rin ba siya sa pageant?
"No, no. Ako lang yung underwear sponsor. Swimsuit sponsor," paglilinaw niya.
Ayon kay Markki, nakatakda ang male pageant sa July 2022.
"Kilala sa ibang bansa yung pageant. Pero sa July pa ‘to. Hindi pa puwedeng i-reveal, e. International, pero may version sila dito.
"It’s exciting. Initially, gusto ko ilabas last December," aniya. "Pero parang I wanna wait for that. Kasi, para bongga ang launch."