Trending sa Twitter ngayong araw, April 11, 2022, ang tatlong lead characters ng 2014 Star Cinema movie na Starting Over Again na sina Marco, Ginny, at Patty.
Ito ay kasabay ng pagdeklara ni Piolo Pascual ng kanyang suporta kay Vice President Leni Robredo, na tumatakbong presidente sa darating na May 2022 elections.
Read: Piolo Pascual, Regine Velasquez declare all-out support for Leni Robredo
Ang tatlong characters mula sa Starting Over Again ay ginampanan nina Piolo (Marco), Toni Gonzaga (Ginny), at Iza Calzado (Patty).
Kinonekta ng maraming netizens sa pagdeklara ni Piolo ng suporta kay VP Leni ang ending ng pelikula kung saan mas pinili nito si Patty kaysa kay Ginny.
Bagamat mas binanggit ng netizens ang characters nila sa Starting Over Again, hindi kaila na magkaiba ng sinusuportahang kandidato sina Iza at Piolo kay Toni.
Bago pa magdeklara ng suporta kay VP Leni si Piolo ay nauna nang nagpahayag ng suporta si Iza at um-attend pa noon sa ilang campaign rallies.
Si Toni naman ay nagdeklara ng suporta sa kalabang kandidato na si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. o BBM mula sa partidong UniTeam.
Umani ng batikos ang desisyong ito ni Toni mula sa mga tagasuporta ng ABS-CBN at maging kapwa Kapamilya stars at employees.
Kasama rin kasi sa tiket ng UniTeam si SAGIP Party-list Representative Rodante Marcoleta, na nanguna sa panggigisa sa ABS-CBN top executives sa isinagawang hearing sa Kongreso tungkol sa franchise renewal application ng Kapamilya network noong 2020.
Sabi naman ni Toni sa mga bumatikos sa desisyon niya sa campaign rally ng UniTeam sa Cavite noong March 24, 2022, “Sa UniTeam, hindi uso ang cancel culture.”
Read: Toni Gonzaga, Paul Soriano publicly declare support for Ferdinand Marcos Jr. amid criticisms
NETIZENS’ TWEETS
Samantala, sa tweets ng netizens ay binalikan nila ang love triangle nina Marco, Ginny, at Patty.
Sa kuwento kasi ng Starting Over Again, matagal na naging magkarelasyon sina Marco at Ginny, subalit biglang iniwanan ni Ginny si Marco at nagpunta sa ibang bansa.
Pagkalipas ng maraming taon, na-realize ni Ginny na mahal pa niya si Marco. Subalit nang subukan niyang balikan ito ay karelasyon na ni Marco si Patty.
Sinubukan pa rin ni Ginny na makipagbalikan kay Marco, pero sa dulo, mas pinili pa rin ni Marco si Patty at nag-propose pa rito.
Karamihan sa mga tweets na ito ay sumang-ayon sa desisyon ni Marco na piliin si Patty.
Nagbigay pa sila ng references sa mga linya ng pelikula tulad ng “kamukha ni Mama Mary” si Patty.
Ang iba naman, sinasabing si Piolo ang nakapagbigay ng “explanation” at “acceptable reason” na hiningi ni Marco noon kay Ginny.
Meron ding mga nag-tweet na sumang-ayon sa linya ni Patty na “ang lungkot-lungkot ng buhay” ni Ginny.
May ilan ding natuwa dahil nangyari raw sa tunay na buhay ang pagka-History professor ni Marco sa pelikula.
Kasulukuyang trending pa rin ang mga pangalan nina Marco, Ginny, at Patty sa Twitter Philippines.
Number one trending din ang "Papa P" at sumunod naman dito ang #PioloForLeni.
Dahil nga sa trending ang Starting Over Again, isang netizen ang nakaisip sa partnership ng Star Cinema at GMA-7: