Coco Martin says it was his wish to do a movie with Toni Gonzaga

Coco Martin gushes about his new movie, You're My Boss: "First time ko talagang makagawa ng ganitong klase na pelikula.... sabi ko nga, baka pagkatapos nito, para na akong si Babalu. Ang sarap ng pakiramdam na nakagawa ako ng ganitong pelikula."


Nagpapasalamat si Coco Martin sa Star Cinema management na pinagbigyan nito ang kahilingan niyang makatambal sa isang pelikula si Toni Gonzaga.

Magkapareha sina Coco at Toni sa bagong Star Cinema movie sa ilalim ng direksiyon ni Antoinette Jadaone, ang You’re My Boss, na nakatakdang ipalabas sa mga sinehan sa Abril 4.

“Winish ko ito sa Star Cinema talaga, e.

"Sinabi ko talaga na sana makatrabaho ko si Toni.

"And then, nagkataon naman na si Toni, may magandang konsepto para sa amin dalawa," pahayag ni Coco sa presscon ng You’re My Boss na ginanap noong Martes ng gabi, Marso 17, sa 9501 restaurant sa ABS-CBN compound.

Bago ito, sinabi naman ni Toni na kasama sa bucket list niya ang makatrabaho si Coco bago man lang siya magpakasal ngayong taon kay Direk Paul Soriano.

Kaya nang mag-pitch ang aktres ng istorya sa Star Cinema ay si Coco agad ang naisip niya para sa huling pelikulang gagawin niya bilang single woman.


BOTTOM STARTERS. Natanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sina Coco at Toni kung ano ang dadalhin nilang memories tungkol sa isa’t isa bilang magkaibigan na sila ngayon, lalo na pagkatapos nilang gawin ang pelikula.

Saad ni Toni, “Siguro meron kaming common story na nakakatuwa.

"Nalaman na lang namin dahil siyempre 'pag nagse-setup, hindi na kami bumabalik sa tent, nag-uusap na lang kami sa gilid.

"Nakakatuwa kasi doon sa isang teleserye na nag-talent ako, nag-talent din pala siya.

"Sabi ko, ‘Bakit hindi tayo nagkita? Hindi nga?’

"Nag-uusap kami, sabi ko, ako yung barkada nung isang artista.

"Sabi niya, ‘Ha? Ako naman yung barkada nung isang artista.’

"Magkahiwalay siguro yung set namin.

"Nakakatuwa, kasi yung common denominator namin is really that we started from the bottom.

"Talagang nagsimula kami sa audition, sa talent, sa support, hanggang sa napansin.”

Dagdag naman ni Coco, “At saka marami kaming pinagdaanang challenges na punung-puno kami ng hinanakit.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi nakatikim kami ng maraming mga rejection bago pa kami napunta dito sa kinaroroonan namin ngayon.

"Kaya 'pag binabalikan namin iyon, nakakatuwa kasi alam mong pareho kaming nanggaling sa wala.

"And then, hanggang sa nagsumikap, nagtiyaga, nagtiis, hanggang sa 'eto na, magkasama at magkatrabaho na kami ngayon."


KISSING SCENE? Aware naman daw si Coco na engaged na si Toni sa direktor na si Paul Soriano.

Kaya natanong si Coco kung nagkausap ba sila ni Toni kung aprubado ba kay Direk Paul ang mga eksenang gagawin nila sa You’re My Boss.

Sagot ng aktor, “Honestly, hindi na.

“Ako naman, as an actor, alam ko yung limitation ko.

"Sabi ko nga, hindi ko na kailangang tanungin dahil alam ko namang direktor si Direk Paul, kumbaga sobrang alam na niya iyan.

"And si Toni naman, alam niya yung kaya niyang ibigay, at ibibigay niya.

"Si Toni, napakataas ng pagtingin niya sa trabaho niya… kung ano yung kinakailangan, hindi siya magdadalawang-isip kung ibibigay niya ba ito o hindi.

"Kumbaga, as an actor, nagkakaintindihan na po kami."


KISSING SCENE? Okay din ba kay Coco ang kissing scene?

“Actually, hindi nga lang kissing scene, e.

"Sabi ko nga, si Direk, meron siyang karisma na hindi ko mahindian.

"Siguro ang dami ko nang… After kong mag-soap opera dito sa ABS-CBN, yung mga eksenang medyo sexy, pahirapan na.

"'Tapos sabi ni Direk, ‘Tanggalin mo iyang T-shirt mo. Tanggalin mo iyang pants mo.’

"Kasi 'pag ipinakita sa iyo ng tao na 'Ako ang bahala sa iyo, alam ko ang ginagawa ko, magtiwala ka sa akin,' talagang ibibigay mo lahat.

"Alam mong poprotektahan ka nung tao, kaya alang-alang sa project na ito, ibinenta ko na lahat ng kaluluwa ko.

"'Pag sinabing hubad, hubad talaga.

"Pero enjoy, kasi first time kong makagawa ng ganitong klaseng pelikula at ibibigay ko lahat para dito."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


TONI REACTS. Sa parte naman ni Toni, aniya, “Sa ngayon, sa takbo ng mga shooting namin, wala pa kaming nakunan na may kissing scene.

"E, may mga last remaining days kami, doon magkakaalaman siguro kung magdadampi ang mga labi.

"Pero sa ngayon po, wala pa po kaming nakunan."

Papayag ba siya sa kissing scene?

“Siyempre po… ang lahat naman po iyan, nasa takbo ng istorya.

"Hindi naman po puwede yung basta mag-uusap lang kami 'tapos basta na lang kami naghalikan.

"Baka po doon magtaka si Direk Paul, ‘E, bakit bigla namang nagkaroon ng laplapan doon? Nakakainis naman ang eksenang iyan, oo!’” biro ni Toni.

“Pero kung halimbawa towards the end, e, ma-in love sila at kinakailangan talaga na i-kiss, maiintindihan na ni Direk Paul iyon.

"Pero sa ngayon po, wala pa po kami sa direksiyong iyon.”

Pahabol pang biro ni Toni, “Siguro po 'pag nag-last shooting day na, malapit na po.

"Mamaya po, last shooting day na, magdadampian na ng mga labi."


WORKAHOLIC. Ratsada na naman sa trabaho si Coco dahil bukod sa You’re My Boss ay may bago pa siyang ginagawang show sa ABS-CBN na Wansapanataym Presents: Yamishita’s Treasures.

Natutulog pa ba siya dahil sabay-sabay ang mga proyektong ginagawa niya?

Pag-amin ng aktor, “Actually po, halos hindi na po ako natutulog dahil sa pelikulang ito.

"Kasi medyo malapit na po kasi yung playdate namin, sa April 4.

"Every day na po talaga kami nagsu-shooting.

"Siguro masuwerte na kaming nakakatulog ng four hours.

"Honestly, noong isang araw nga po, medyo nilalagnat na ako.

"Pero sabi ko nga, kahit anong hirap ng trabaho namin para sa pelikulang ito, ang kapalit naman nito yung kaligayahan namin.

"Napakasaya po namin sa set, 'tapos first time ko talagang makagawa ng ganitong klase na pelikula.

"Hindi ko nga matawag na rom-com [romantic-comedy] ito, sabi ko nga, baka pagkatapos nito, para na akong si Babalu!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang sarap ng pakiramdam na nakagawa ako ng ganitong pelikula.

"Thankful ako na nabigyan ako ng ganitong proyekto ng Star Cinema, and then nakatrabaho ko si Toni at si Direk Antoinette.

"Kumbaga, kahit halos hindi na kami natutulog, masarap po sa pakiramdam.

"At wala pong halong pagsisisi dahil alam po naming maganda yung proyektong ginagawa po namin."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN