Gumawa ng kasaysayan si Dolly de Leon dahil siya ang kauna-unahang Pilipinong pinarangalang best supporting performer ng Los Angeles Film Critics Association (LAFCA) at nominado sa best supporting actress category ng 80th Golden Globes.
Ang dalawang pagkilala ay para sa kanyang mahusay na pagganap sa Triangle of Sadness, ang Palme d’Or recipient sa 75th Cannes Film Festival noong May 2022.
Sa kauna-unahan ding pagkakataon, nag-trending sa Twitter Philippines ang pangalan ni Dolly — noong Lunes ng gabi, December 12, 2022, at hanggang ngayong Martes, December 13 — dahil sa nominasyon niya sa 80th Golden Globes.
Kasama ni Dolly sa dinner kagabi ang international fashion designer na si Oliver Tolentino nang matanggap niya ang balitang nominado siya sa Golden Globes 2022.
Pinaniniwalaan na si Oliver ang gagawa ng mga damit na gagamitin ni Dolly sa dadaluhan nitong annual banquet ng LAFCA na magaganap sa January 14, 2023, at sa Golden Globes 2022 na idaraos sa The Beverly Hilton sa January 10, 2023.
Lilipad si Dolly sa Amerika sa January 4 para sa awards night na dadaluhan. Posibleng nasa Amerika pa rin siya sa announcement ng mga nominado sa competitive categories ng 95th Academy Awards sa January 24, 2023.
“Thank you to the Hollywood Foreign Press. Thank you to the Golden Globes for including me in that very short list of very, very talented supporting actresses.
"It is such an honor to be part of that prestigious list. Thank you so much," mensahe ng pasasalamat ni Dolly sa video na ipinadala niya kay Mario Dumaual ng ABS-CBN News.
Makakalaban ni Dolly sa kategoryang Best Supporting Actress in a Motion Picture sina Angela Bassett (Black Panther: Wakanda Forever), Kerry Condon (The Banshees of Inisherin), Jamie Lee Curtis (Everything Everywhere All at Once), at Carey Mulligan (She Said).
Marami ang maligaya sa tagumpay na tinatamasa ni Dolly sa kasalukuyan, lalo na ang pamilya at mga kaibigan niyang saksi sa kanyang mga pinagdaanan bago napagtuunan ng pansin ang husay sa pag-arte ng 53-year-old actress.
Minsan nang naranasan ni Dolly gumanap na cow mascot at kamatis para may pambili ng gatas ng mga anak at pambayad sa pinutol na kuryente sa tahanan nila dahil sa kawalan ng pera.
Read: Dolly de Leon on odd jobs in the past: "Naglinis na ako ng kubeta... Gumanap din ako na kamatis."
Ngayon, kaliga na si Dolly ng mga popular at talented Hollywood actresses na sina Angela Bassett at Jamie Lee Curtis na mga kapwa niya nominado sa best supporting actress category ng 80th Golden Globe Awards.