17th Gawad PASADO winners revealed; Lotlot de Leon accepts double Best Actress award of Nora Aunor

During the 17th Gawad PASADO Awards, the Best Supporting Actress went to (L-R) Lotlot de Leon, Gretchen Barretto and Iza Calzado. JM de Guzman (right frame) was the only Best Actor winner who personally received his trophy from the academe based award-giving body.


Star-studded ang ginanap na 17th Gawad PASADO awarding ceremonies kagabi, April 11, sa San Sebastian College-Recoletos auditorium sa Maynila.

Dinaluhan ito ng mga guro at tagapamahala sa iba't ibang unibersidad sa buong Pilipinas, na kasapi sa Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO).

Bilang host ng parangal sa taong ito, ang San Sebastian College-Recoletos ay ni-represent ng Pangulo nito, na si Rev. Fr. Cristopher Maspara, OAR.

Maliban sa mga hindi nakarating na awardees sa karamihang parangal pan-teknikal, ang karamihan sa mga aktor at aktres na nagwagi ng tropeyong PASADO ay nakadalo sa gabi ng parangal.

Unang nagawaran ng kanyang award ang isa sa PinakaPASADOng Aktor si JM De Guzman para sa That Thing Called Tadhana.

Ang dalawa pang co-winners ni JM, sina Allen Dizon (Magkakabaung) at John Lloyd Cruz (The Trial) ay parehong may commitments, kaya hindi nakasipot sa parangal.

Masayang tinanggap ni JM ang award niya mula sa mga guro.

"Maraming maraming salamat po sa PASADO... mabuhay po ang mga guro. Sana po, magpatuloy ang PASADO Awards!" maikling talumpati ni JM.

Bukod kay JM, ang isa pang well-applauded at pinagkaguluhan ng mga tagahanga sa venue ay ang news anchor na si Atom Araullo, na pinarangalan bilang PinakaPASADOng Mamamahayag sa Larangan ng Kamalayang Pilipino.

DRAMATIC ENTRANCES. Karamihan sa mga top winners ay nagsidatingan sa venue habang ongoing ang awards proceedings.

Dumating ang mga kilalang artista tulad nina Gretchen Barretto, kasama ang partner na si Tonyboy Cojuangco; Iza Calzado, Richard Gomez, with Lucy Torres-Gomez and daughter, Juliana; pati ang child star, James "Bimby" Aquino Yap, na maraming PSG escorts kasunod ang actress-mother na si Kris Aquino.

Sa pagpasok ni Bimby Yap sa venue, siya ring hudyat iyon ng pagtawag sa kanya bilang Natatanging Gawad PASADO awardee, o ang PinakaPASADONG Huwarang Bata sa Larangan ng Edukasyon at Sining.

May prepared speech si Bimby na kanyang binasa nang mabilis, sabay pagpapasalamat at patakbong bumaba ng entablado na nasa bungad si Kris Aquino; sabay labas ng mag-ina at ng kanilang escorts sa venue.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

In contrast, maagang dumating sa venue si Miggs Cuaderno, ang isa pang batang honoree, as PinakaPASADONG Likhang Bata (Child Performer), para sa Asintado.

Hindi nagmamadali si Miggs at halatang na-enjoy ang muli niyang pagwawagi ng parangal.

TRIPLE TIE. Naging masaya naman ang pagtanggap ng awards ng tatlong Katuwang na Aktres (Supporting Actresses) na sina Gretchen Barretto, Lotlot de Leon at Iza Calzado; at ng tanging Katuwang na Aktor, na si Richard Gomez.

"Uunahan ko na po dito, dahil tatlo pala kaming winners!" pa-kwela ni Gretchen as she delivered her acceptance speech.

After her speech, tinanong niya kung sino ang susunod. "By age ba?"
At si Lotlot nga ang sumunod, being older than Iza.

Tuwang-tuwa naman si Lotlot sa ikalawa niyang best supporting actress award para sa Kubot: The Aswang Chronicles 2 na napanalunan din niya sa MMFF 2014.

"Salamat po sa PASADO... para akong nag-graduate, na may super-duper honor!... Iniaalay ko ang award na ito sa pamilya ko, na naging inspirasyon ko; gaya ng naging inspirasyon sa akin ng mga mahal ko sa buhay."

Para kay Iza Calzado, malaking karangalan ang kilalanin (para sa Starting Over Again), kasabay nina Lotlot at Gretchen.

"I'm in good company, with Lotlot and Greta. Kung noon, hindi tayo pumapasa sa klase, ngayon pasado na ako!" birong-sambit pa ni Iza.

Bilang PinakaPASADOng Katuwang na Aktor, solong tinanggap ni Richard Gomez ang kanyang parangal para sa The Trial.

Isa raw sa pinakamahirap na roles na nagampanan niya ay bilang abugado [lawyer], tulad din sa teleseryeng Your Honor (2000) na tinampukan niya.

"Thank you, PASADO, for recognizing our craft!" pasalamat ni Goma.

Inialay niya ang parangal sa kanyang anak na si Juliana na aniya'y, "inspirasyon ko... at malaki na siya!" pagmamalaki pa ng actor-dad.

Kasunod nito, sabi rin ni Richard, "I'd like to share this award... hindi, para sa kanya ito... sa asawa ko, kay Lucy [Torres-Gomez]; na laging nagpapasigla at nagbibigay sa akin ng inspirasyon... kaya tuwing gigising ako sa umaga, sasabihin ko sa sarili ko, 'Ang pogi ko naman!’"


Narito ang kumpletong talaan ng mga nagsipagwagi sa 17th Gawad PASADO Awards:

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

PinakaPASADOng Aktres:

Nora Aunor (Hustisya)

Nora Aunor (Dementia)

Mga PinakaPASADOng Aktor:

John Lloyd Cruz (The Trial)

Allen Dizon (Magkakabaung)

JM De Guzman (That Thing Called Tadhana)

Mga PinakaPASADOng Pelikula:

Magkakabaung (ATD Entertainment Production)

Dementia (The IdeaFirst Company; Octobertrain Films, TV5)

Alienasyon (Voyage Studios, Skyweaver Productions and Talent Factory)

Mga PinakaPASADOng Direktor:

Jason Paul Laxamana (Magkakabaung)

Perci Intalan-Lana (Dementia)

Arnel Mardoquio (Alienasyon)

Mga PinakaPASADOng Katuwang na Aktres:

Gretchen Barretto (The Trial)

Iza Calzado (Starting Over Again)

Lotlot de Leon (Kubot: The Aswang Chronicles 2)

PinakaPASADONG Katuwang na Aktor:

Richard Gomez (The Trial)

Mga PinakaPASADOng Istorya:

Ricky Lee (Hustisya)

Jason Paul Laxamana at Ferdinand Lapuz (Magkakabaung)

PinakaPASADOng Disenyong Pamproduksiyon:

Rom Factolerin (Alienasyon)

PinakaPASADONG Tunog:

Addiss Tabong (Dementia)

PinakaPASADOng Musika:

Cesar Francis Concio (Starting Over Again)

Mga PinakaPASADOng Editing:

Carlo Manatad (The Trial)

Vanessa de Leon (Hustisya)

Mga PinakaPASADOng Dulang Pampelikula:

Jason Paul Laxamana (Magkakabaung)

Antoinette Jadaone (That Thing Called Tadhana)

Mga PinakaPASADOng Sinematograpiya:

Mackie Galvez (Dementia)

Rain Yamson II (Magkakabaung)

Mga Natatanging GAWAD PASADO

PASADO Lifetime Achievement Award: Ryan Cayabyab

PinakaPASADONG Huwarang Bata sa Larangan ng Edukasyon at Sining

James "Bimby" Aquino Yap

PinakaPASADONG Likhang Bata (Child Performer)

Miguel "Miggs" Cuaderno ("Asintado")

PinakaPASADONG Dangal ng Kabataan:

Gerald Santos

Janella Salvador

PinakaPASADOng Pelikula sa Paggamit ng Wika:

Magkakabaung

Dementia

PinakaPASADONG Lingkod Bayan (Serbisyo Publiko):

Atty. Persida Acosta

PinakaPASADOng Mamamahayag sa Larangan ng Kamalayang Pilipino:

Atom Araullo, ABS-CBN

Jessica Soho, GMA-7

PinakaPASADOng Guro sa Komunikasyong Pangmadla:

Nestor Cuartero

IMPORTANT AWARDS. Bukod sa parangal nina Atom Araullo at Jessica Soho, binigyan din ng parangal ang PinakaPASADOng Lingkod Bayan (Serbisyo Publiko) at ang recipient sa taong ito ay si Public Attorney's Office Chief, Atty. Persida Acosta.

Bahagi ng talumpati ni Atty. Persida ay ang patuloy na paghahanap natin ng matuwid na landas, sanhi ng iba't ibang katiwalian at katulad na suliranin. Ani Atty. Persida, "Hindi po ako titigil para ipaglaban ang karapatang pantao..."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ginawaran din ng mga guro ang isang kapwa guro, bilang PinakaPASADOng Guro sa Komunikasyong Pangmadla. Ang tumanggap ng parangal ay ang beteranong manunulat-kolumnista (TEMPO and Manila Bulletin Entertainment), si Nestor Cuartero.

Dahil marami ang absentee winners sa technical categories, ilang beses umakyat ng entablado sina Ferdinand Lapuz, producer ng mga obrang Magkakabaung; at Perci Intalan, co-producer at direktor ngDementia.

Nanalo ang dulang pampelikula ng Magkakabaung at That Thing Called Tadhana, pero hindi nakarating si Antoinette Jadaone, writer-director, na naipit daw sa traffic, ayon sa producer na si Bianca Balbuena, na tumanggap ng parangal on her behalf.

Nanalo si Ricky Lee, para sa istorya ng Hustisya, pero wala rin siya sa gabi ng parangal; credited naman si Ferdy Lapuz sa story ng Magkakabaung kaya tinanggap niya ang parangal para sa co-writer niyang si Jason Paul Laxamana.

Ang Magkakabaung at Dementia, pati ang Alienasyon ni direktor Arnel Mardoquio ang tinanghal na Mga PinakaPASADOng Pelikula ng taong 2014.

Nasa awarding rites din si Mardoquio; si Jason Paul Laxamana ay kasalukuyang nasa U.S.

Isa rin si Perci Intalan sa PinakaPASADOng Direktor para sa una niyang pelikulang Dementia.

"Nagpapasalamat po ako sa Gawad PASADO. Hindi ko akalain na sa una kong pelikula, magkakaroon ako ng ganito, at galing sa PASADO, sa mga guro. Para akong naging cum laude bigla... maraming salamat!"

In-acknowledge ni Direk Perci ang buong team Dementia, "lalo na ang ating bida, si Miss Nora Aunor!"

NORA GIVES MESSAGE. Pinakamaraming taga-suportang fans sa venue ang pelikula nina Perci Intalan at Nora Aunor.

Nanalo ang Dementia ng anim na parangal: PinakaPASADOng Pelikula, Direktor (Perci Intalan), Aktres (Nora Aunor), Sinematograpiya (Mackie Galvez) at Tunog (Addiss Tabong).

Nauna nang parangalan ng PASADO ang Superstar na si Nora Aunor, noong Abril 8, 2015, sa San Sebastian-Recoletos conference room.

Batid ng mga bumubuo ng PASADO na kasabay ng kanilang parangal ay ang awarding ceremony din ng 2nd ASEAN International Film Festival and Awards (AIFFA) sa Sarawak, Malaysia, kung saan ginawaran ng Lifetime Achievement Award si Nora Aunor bilang international actress.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kauna-unahan sa kasaysayan ng pagbibigay-parangal sa buong Pilipinas ang paggagawad ng PASADO kay Nora Aunor bilang Best Actress para sa dalawa niyang kalahok na pelikula: ang Hustisya, sa direksiyon ni Joel Lamangan; at ang Dementia, sa direksiyon ni Perci Intalan.

Sina Perci Intalan at ang adopted actress-daughter ni Nora na si Lotlot de Leon ang tumanggap ng double best actress award ni Ate Guy (Nora) sa PASADO.

Simple at madamdamin ang naging talumpati ni Lotlot, para sa kanyang actress-mother, Nora Aunor.

"Sigurado ako, isa lang ang sasabihin ni Mommy, kung narito po siya. 'Hangga't nandiyan ang mga Noranians, na nagmamahal at sumusuporta, hindi siya titigil sa paggawa ng mga makabuluhang pelikula.

"Salamat po sa PASADO sa patuloy na pagbibigay ng halaga at karangalan sa mga naiaambag ng aming mahal na ina. Mabuhay po ang PASADO!"

Si Direk Perci Intalan ay may binasa namang talumpati na mula mismo kay Ate Guy, na sabi niya ay "mahalaga po sa akin ang okasyon ng Gawad PASADO... kaisa po ako sa kanilang pananaw at misyon, na ang pelikula ay isang sining na mahalagang sangkap sa pagtuturo."

Sinabi rin ni Nora sa talumpati na ang PASADO ay malapit sa kanyang puso; na marami na silang pinagsamahan, at nais niyang makadalo rito kundi lamang sa naging commitment niya sa AIFFA.

Nagpapasalamat din si Ms. Aunor sa PASADO sa pagbibigay nila ng parangal sa mga pagganap niya sa dalawang pelikulang ipinalabas noong nakaraang taon.

Bukod sa naging makasaysayan ang parangal, kinilala ng PASADO ang lahat ng mga ginawang pelikula ni Nora Aunor sa nakaraang tatlong taon, tulad ng Thy Womb (2012) ni Direk Brillante Mendoza,Ang Kwento Ni Mabuti (2013) ni Mes De Guzman (2014), Hustisya ni Joel Lamangan; at ang Dementia (2014) ni Perci Intalan.

Sabi rin sa talumpati, "Iniaalay ko ang award na ito sa Nasa Itaas, sa aking pamilya, at mga kaibigan.... sa mga Noranians na patuloy na nagmamahal. Sa PASADO, maraming salamat. Mabuhay kayong lahat!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN