Nora Aunor headed for Cannes for the second time

Nora Aunor opts for discernment in her choice of projects: “Ito ba makakatulong din sa pinaghirapan kong career ng ilang taon? Ito ba ay makakatulong sa mga tao o matutuwa ba ang mga tao rito?”


Tuwang-tuwa ang Superstar na si Nora Aunor dahil matapos ang mahigit tatlong dekada ay muli siyang makababalik sa Cannes International Film Festival ngayong taon.

Ang pinagbibidahan kasi niyang pelikulang Taklub ang napiling maging entry sa Un Certain Regard section ng prestihiyosong international filmfest na gaganapin mula May 13 hanggang May 24.

Unang nakapunta si Nora sa Cannes noong 1980 para sa pelikula niyang Bona, na idinirehe ng yumaong si Lino Brocka.

“Siyempre sobrang natuwa naman ako dahilan sa yung una nga yung Bona.

“Nalungkot ako noon dahil hindi nakasali sa competition, pero sa Director’s Fortnight, nakasama naman.

“And then, ito [Taklub], kasi alam mong kasali sa competition kaya sobrang katuwaan,” sabi ni Ate Guy.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media ang Superstar sa presscon ng Taklub kahapon, Abril 28, sa Annabel’s restaurant, sa Tomas Morato, Quezon City.

Kasama rin sa presscon ang producer at brainchild ng pelikula na si Senator Loren Legarda, pati ang direktor nito na si Brillante Mendoza, ang itinanghal na best director sa Cannes noong 2009.

Ang Taklub ay ang latest collaboration project nina Senator Legarda at Direk Brillante, matapos ang ilang dokumentaryo na ginawa nila kabilang na ang Buhos; Ligtas; Philippine Marine Biodiversity, at Antique: Coral Restoration Program.

Kabilang sa mga advocacy ng senador ang disaster risk reduction at climate change.

Katulong nito sa pag-produce ng Taklub ang Department of Environment and Natural Resources at Presidential Communications Operations Office - Philippine Information Agency.

Kasama rin sa cast sina Julio Diaz, Lou Veloso, Ruby Ruiz, Soliman Cruz, John Rendez, Aaron Rivera, Romalito Mallari, at Shine Santos.

Ang Taklub ay base sa istorya ng mga survivor sa nangyaring trahedya at pananalanta ng Super Typhoon Yolanda sa Tacloban noong Nobyembre 2013.

Ginagampanan ni Ate Guy ang role ng isang ina na namatay ang mga anak dahil sa bagyo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


UNFORGETTABLE. Paano nakumbinsi si Ate Guy na tanggapin ang pelikulang ito?

Sagot niya, “Naku, hindi na ako kailangang kumbinsihin!

"Siyempre, si Direk Brillante iyan, nagsama na kami dati sa Thy Womb.

“And nagpapasalamat din ako kay Senator Loren Legarda, na siyang utak at nagpasimuno ng advocacy movie na ito.

“Napakaganda ng pelikula.”

Isa raw sa mga eksenang hindi makakalimutan ni Ate Guy ay iyong binisita niya ang pinaglibingan sa mga namatay niyang mga anak sa pelikula.

Kinunan daw ito sa mismong mass grave sa Tacloban para sa mga namatay sa Yolanda.

“Sa totoo lang, hindi ko maintindihan kung ano yung naramdaman ko, parang may pumasok na…

"Bigla na lang, yun bang kinilabutan, parang na-feel ko yung lungkot, sobrang lungkot.

“Ni hindi ko na nga inisip yung role ko sa pelikula, naramdaman ko na lang talaga na gusto kong umiyak.

“Kaya nung nagte-take kami... ang nakakatuwa rin kay Direk 'pag nangyayari na yung ganun, hindi niya kina-cut yung eksena.

“Basta pinapatuloy lang niya kung ano yung ginagawa ko.

“Sila na yung magtse-change ng anggulo kaya hindi nasisira yung momentum, tuluy-tuloy, sila na yung gumagalaw.”

Nakatulong din daw sa kanyang pagganap sa pelikula ang ginawa nilang pag-ikot sa Tacloban at pakikipag-usap sa mga nabuhay na biktima ng bagyo.

Nalaman niya raw kung paano itinuloy ng mga taga-Tacloban ang buhay nila sa kabila nang sinapit na trahedya.

Totoong tao raw ang pinagbasehan ng role ni Ate Guy at may special appearance mismo ang babae sa bandang dulo ng pelikula.

CHOOSING FILM OVER TELEVISION. Sa ngayon daw ay mas gusto ni Nora na mag-concentratesa paggawa ng pelikula kaysa sa teleserye o proyektong pangtelebisyon.

Sabi niya, “Mas gusto ko sa pelikula kasi ang telebisyon, yung nag-umpisa ka ng alas-otso ng umaga tapos matatapos ka na kinabukasan.

“Para bang sa kabataan ko ngayon, e, hindi naman ako marunong mapagod.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kailangan din naman mag-concentrate ako, kasi hindi na kagaya ng dati na basta gawa ka nang gawa.

“Parang walang kapaguran, at hindi mo iniisip yung klase ng ginagawa mo.

“Pero ngayon, pag may offer ang isang producer, nag-iisip ako kung ano ba talaga ang gagawin ko.

“Ito ba makakatulong din sa pinaghirapan kong career ng ilang taon?

“Ito ba ay makakatulong sa mga tao o matutuwa ba ang mga tao rito...

"Lalo na yung mga fans na talagang hanggang ngayon ay makikita mo yung paghanga nila sa ginagawa ko.”

Natutuwa naman si Ate Guy dahil pawang magaganda at may katuturan ang mga ginagawa niyang pelikula ngayon, katulad na lang ng Taklub.

“Ang lagi ko lang iniisip ay sana patuloy na paganda nang paganda yung mga pelikulang ginagawa ko.

“At may katuturan at kapupulutan ng aral at puwedeng maging inspirasyon sa kapwa ko mga artista rin, lalo na yung mga nag-uumpisa pa lang sa ngayon.

“Katulad nga nitong Taklub, katulad nung gagawin ko rin sa Bicol, yung ididirek ni Christian Cordero.

“Lahat ng dialogue namin puro Bicol talaga ang dialogue, ang title po nito ay Hinulid.

“At yung pangalawa na gagawin namin ay yung kay direktor Adolf [Alix], yung sa Tasaday.

“At may isa pa kaming gagawin, uumpisahan sa June yata, at sa ibang bansa kukunan.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN