Louie Ignacio depicts plight of Zamboanga natives via Isda and children with cancer via Child Haus

Louie Ignacio prefers to direct advocacy films such as Mga Isda sa Tuyong Lupa and Child Haus.





Mas nalilinya ngayon sa indie films si Direk Louie Ignacio. Matapos ang kanyang award winning movie na Asintado starring Aiko Melendez, dalawang projects agad ang naging kasunod nito.

Ano ang masasabi niya sa producer nilang si Baby Go?

Pahayag niya, “Tinutukso ko nga, sabi ko siya ang bagong Mother Lily [of Regal] ng indie films. Kasi, tuloy-tuloy yung pagpo-produce niya. Parang wala siyang paki-alam sa pera, pero alam niya ang advocacy na dapat gawin.

“Lahat ng movies niya, advocacy films. Itinutuloy niya kapag alam niyang may pupuntahan ang pelikula. Yun ang maganda sa producer namin dito.

“Like this one, itong Mga Isda sa Tuyong Lupa.

"Iyong mga kapatid natin sa Mindanao, umalis sila roon sa lugar nila kasi sobrang gulo, parating may giyera sa Mindanao. Apektado sila pati yung paghahanapbuhay nila, kaya ang ginawa nila’y lumipat sila ng ibang lugar.

“Palipat-lipat sila hanggang mabigyan ng settlement. From there, ang daming malalamang mga elements sa kanila like hindi pala nila alam ang mga birthday nila, wala silang birth certificate … Ganoon kasalimuot ang sitwasyon nila.

“Na parang hindi sila Filipino, na alam ba ng gobyerno ‘to? Na hindi pala sila puwedeng ilibing sa Catholic cemetery ng basta-basta dahil ire-refuse sila.

“So, medyo nakaka-touch para sa isang Filipino na ganoon pala sila sa kanilang sariling bayan,” mahabang saad pa ni Direk Louie.

Ang Mga Isda sa Tuyong Lupa ay isang advocacy film na ukol sa mga katutubong Sama Dilaut, mga taga-Zamboanga na dahil sa kaguluhan sa Mindanao ay na-resettle sa lahar area sa Mabalacat, Pampanga.

Tinatampukan ito nina Barbie Forteza, Ronwaldo Martin (ang kapatid ni Coco Martin), Gina Pareno, Ana Capri Roi Vinzon, Raquel Pareno, Jak Roberto, Kim Rodriguez, Rodjun Cruz, Suzette Ranillo, Felixia Dizon, Erika Yu, Benjie Felipe, at iba pa.

Okay lang ba na bansagan siyang indie director?

“Hindi naman… may mga hindi ako tinanggap, kasi hindi sila advocacy film. Kasi kung mag-aaksaya ako ng time ko, doon na sa panonoorin at may iiwanan kang legacy.

“Kailangan may katuturan iyong indie. Tinitignan ko rin yung project or ako nagre-recommend ng project. Like eto, pagkakuwento sa akin ni Ferdie [Lapuz], pinush ko siya kay Baby Go at binuo agad namin iyong kuwento.”

After mong ma-trauma sa Cairo International Film Fest, in the future ba ay willing kang pumunta pa sa ibang film fest sa abroad, including sa Cairo?

“Actually, ‘di naman ako totally na-trauma sa Cairo Festival. Sa susunod lang, siguro ang natutunan ko sa pag-attend ng ibat-ibang international festival ay dapat maging sensitive ako sa kultura ng ibat ibang lahi o tao.

“Sobrang sarap nga mag-attend ng international festivals, e, at marami akong nakikilalang mga filmakers at nakakapag-share kami ng maraming ideas tungkol sa paggawa ng mga indie films.”

Paano yung naging adjustment niya from mainstream to indie?

“Madali akong nag-adjust, kasi ‘pag pintor ka, ‘pag artist ka, lahat pinupuntahan mo, hindi ka namimili. Ako, like [sa budget], minsan nga libre lang ako, ‘pag gusto ko yung film. Walang problem sa TF.”

Kung may offer na gay indie film na matino, gagawin mo ba?

“Kung as good as Kasal ni Jay Altarejos, why not?” Matipid na sagot pa niya.

Paano niya ide-describe ang lagay ng indie films ngayon sa atin?

“Ang indie films ngayon ay buhay na buhay at halos lahat ngayon mapa -director o artista, lahat gustong sumabak sa indie.

“May kakaibang pakiramdam kasi ngayon, may fulfillment sa bawat project na ginagawa at higit sa lahat, ito rin ang nagbibigay daan para makilala ang isang artista sa kanyang pagganap dito man sa Pilipinas at lalo pang higit, sa ibang bansa.

“Malaki ang naitutulong ng indie sa movie industry. Nabubuhay niyang muli ang Philippine movies at maraming taga-industriya natin ang natutulungan bagamat di masyadong malaki ang budget. Pero kahit paano ay di nawawala sa mapa ng mundo ang ating mga indie movies.”

Ano ang dream project na gusto niyang idirek?

“Lahat ng ginagawa kong indie films ay mga dream projects ko. Bihira lang kasi dumarating sa isang director ang magandang concept ng isang movie, kaya lahat ito ay dream projects ko.”

Dahil identified siya siya sa GMA-7, may taga-ABS CBN ba siyang gustong mai-direk?

“Sa mga taga-ABS, si Sarah Geronimo and John Lloyd [Cruz], pero kailangan ang gagawin namin ay yung indie na challenging. Na tipong malayo sa lahat ng nagawa na nila, as in art film ang gusto ko for them.”


ON CHILD HAUS. Ayon kay Direk Louie, tapos na niya ang Child Haus at excited siya sa bagong pelikula sa BG Films International na pinamagatang Mga Isda sa Tuyong Lupa.

“Iyong Child Haus, post production na. Pero tapos na siya, ready for showing na. And hopefully, mayroon na siyang masasalihan na festival sa abroad,” saad ni Direk Louie sa panayam ng PEP.ph kamakailan sa story conference ng bago niyang project.

Ang pelikulang Child Haus ay hinggil sa temporary shelter ng mga batang may sakit na cancer na itinayo ni Mother Ricky Reyes.

Paano niya naisip na gawin itong pelikula?

“Kasi, involved ako sa Child Haus. Every Christmas, New Year…, nagdadala ako ng candies doon. Kaya nagkaroon ako ng idea at nai-feed ko ito sa kanila.

“Si Ms Baby Go [producer], first time niyang marinig, so ginawan namin ng movie. Ang sarap ng feeling, kasi with this movie ay parang ano, makakatulong pa tayo, di ba? Mapapagkalat mo pa na, ‘Uy may Child Haus! Mag-donate naman kayo.’”

Mabigat ba sa dibdib habang ginagawa niya ang movie?

Sagot ni Direk, “Light ang treatment, parang kuwentuhang bata, ganoon lang ang makikita mo at hindi heavy. Iyong manonood ang makaka-feel ng pagkabigat, pero yung acting ng mga bata, yung pagka-shoot ko, very-very light lang. Hindi complicated yung pagkakagawa.

“Ang ending mo, may pagkamabigat at may pagkamasaya. ‘Yung tipong, ‘Makapag-donate nga dito sa Child Haus.’ Ganoon yung mafi-feel mo, kasi ipinakita namin dito, yung totoong Child Haus.

“Nandoon si Mother Ricky, may three sequence siya roon. Dahil sa ayaw niya at sa gusto, dapat nandoon siya kasi kanya yung Child Haus. Mabuti nga pumayag, e.”

Paano nakumbinsi si Mother Ricky na lumabas sa pelikulang ito?

"The powers of…,” nakatawang wika niya. “Hindi, sabi ko… first time niya kasing lumabas kaya ayaw niya. Sabi ko, ‘Walang Child Haus kung walang Mother Ricky.

“Pero take one lang si Mother!

“Oo, pasado siya! Pasado ang acting ni Mother!” nakatwang saad pa ni Direk Louie.

Idinagdag pa niya na may pinagbasehan talaga siya sa karakter ng mga bata ritong may cancer.

“Mayroon. Yun ngang dalawa, totoong namatay na sila. Yung huling dinalaw namin totoong namatay na siya. Kaya pati yung mga damit-damit nila roon, yung mga kalbo, ganoon talaga sila.

"Naglalagay sila ng bandana, ayaw nilang kaawaan kasi sila e, gusto nila nakaayos pa rin kahit mga bata sila, kahit may sakit.

“Pero maganda yung movie at magagaling yung mga batang gumanap dito. Ang hirap idirek ng pelikulang iyon, kasi puro bata,” nakangiting wika pa niya.

Tampok sa Child Haus sina Miggs Cuaderno, Therese Malvar, Mona Louise Rey, Felixia Crysten Dizon, Erika Yu at iba pa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN