Glaiza de Castro finds self-fulfillment in doing indie films

by Archie de Calma
May 12, 2008
"Fulfilled ako sa indie films. Nabibigyan ako ng roles sa indie projects na mabigat kung ikukumpara sa mainstream. At saka madalang naman akong mabigyan ng offer sa mainstream," says Glaiza de Castro.

Overwhelming ang saya ni Glaiza de Castro sa nominasyong ipinagkaloob sa kanya ng Golden Screen Awards for the Best Actress category, para sa pagganap niya sa digital film na Still Life, isa sa finalists ng Cinemalaya last year.

Aminado si Glaiza na mukhang nalilinya na siya sa digital films, na baka nga raw maging disadvantage pa niya, kaya hindi raw siya naa-appreciate ng mainstream crowd.

"Kanya-kanyang opinyon naman 'yan," sabi pa ni Glaiza. "Ang sa akin lang, fulfilled ako sa indie films. Nabibigyan ako ng roles sa indie projects na mabigat kung ikukumpara sa mainstream. At saka madalang naman akong mabigyan ng offer sa mainstream.

"Malaki ang naitutulong sa akin ngayon ng exposure ko sa Kaputol ng Isang Awit. Palaging mataas ang ratings ng soap namin, kaya sa palagay ko, marami naman ang nakaka-appreciate sa akin ngayon."

NOT AFFECTED BY CRITICS. Ngayon pa lang ay hinihintay na ni Glaiza ang susunod na proyektong ibibigay ng GMA-7 sa kanya. Marami ang umaayaw kay Glaiza sa pagkakataong ibinibigay ng Siete para siya'y makapagbida, but she has proved her detractors wrong.

Continue reading below ↓

"Hindi mo naman talaga mapi-please ang lahat. Lagi na lang may masasabing negative ang iba, kaya I might as well not dwell on them. I just have to work harder.

"Walang mangyayari kung magpapaapekto ako. Kaya kahit ano pa ang ibigay sa akin, kahit indie or mainstream 'yan, binibigyan ko ng equal importance. Nagkakataon lang talaga na sa indie films, mas nabibigyan ako ng mabibigat na roles," sabi pa ni Glaiza.

BALANCING INDIE AND MAINSTREAM. Ngayon ay tinatapos ni Glaiza ang isang indie film titled Manghuhula, sa direksyon ni Paolo Herras. Mayroon siyang uumpisahang tipong musical, may pamagat na Rakenrol, at dito ay nag-audition pa siya.

"May role kasi roon na talagang gusto ko, kaya gumawa talaga ako ng paraan para mapunta sa akin yun. Nag-audition ako, and luckily, sa akin nga napunta 'yung role.

"Hindi ko iniisip na may negative repercussions yung pagtanggap ng indie films. Kasi, tingnan mo na lang, na-nominate pa ako for best actress sa Still Life, which is an indie film.

Continue reading below ↓

"Para sa akin, ibabalanse ko na lang. Pinagtitiwalaan ako ng GMA-7 kaya kung anuman yung maio-offer nila, I just have to make the most out of it," banggit pa ng young actress.

SETTING PRIORITIES. Hindi nali-link sa kahit kaninong showbiz guy si Glaiza kaya sinasabing kulang siya sa ingay sa aspeto ng publicity na may halong pampakilig.

"May mga pumoporma at nanliligaw rin sa akin, kaya lang, hindi ko dapat seryosohin. Kasi, gusto kong atupagin itong career ko.

"Marami akong dapat unahin kasi. Hindi sa anupaman, pero alam ng marami na hindi mayaman ang family namin, and I want to help them.

"Kaming dalawa ng kapatid ko [Alchris Galura], pinaghuhusayan namin ang trabaho namin para tumagal kami rito, and at the same time, kumita rin naman.

"Magka-love team kami ni Marky sa Kaputol ng Isang Awit, marami ang nagkakagusto sa team-up namin, pero ayaw naming papaniwalain ang mga tao na mayroon nga kaming relasyon. Kasi, wala naman talaga. Friends lang kami.

Continue reading below ↓

"Mas mabuti na yun kaysa pasakayin ang fans sa ilusyon, at baka nga magalit pa sila sa amin kung malaman nilang wala namang totoo. Kasi, trabaho lang talaga, but at the same time, yung closeness namin ni Marky, ini-enjoy na lang namin.

"Ngayon pa lang, mami-miss ko na siya. Malapit nang matapos yung teleserye namin, kaya bawat taping day, we really look forward. And I'm sure naman kasi, magkakatrabaho uli kami ni Marky, just like in the past. Bago pa ang Kaputol ng Isang Awit," pagwawakas ni Glaiza.

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
"Fulfilled ako sa indie films. Nabibigyan ako ng roles sa indie projects na mabigat kung ikukumpara sa mainstream. At saka madalang naman akong mabigyan ng offer sa mainstream," says Glaiza de Castro.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results