Pancho Magno considers indie film Tomodachi as his biggest break

Kapuso actor Pancho Magno narrates how working with director Joel Lamangan has boosted his stock as an actor: “Grabe yung growth mo as an actor kapag na-handle ka ni Direk Joel. As in, magagamit mo yung natutunan mo in your everyday life, e.”



Aminado ang hunk actor na si Pancho Magno na biggest break niya so far ang indie movie na Tomodachi na pinagbibidahan nina Jacky Woo at Bela Padilla.

Ayon sa GMA-7 actor, malaking bagay sa kanya na ma-handle rito ng batikang direktor na tulad ni Joel Lamangan.

“Grabe yung growth mo as an actor kapag na-handle ka ni Direk Joel.

“As in, magagamit mo yung natutunan mo in your everyday life, e.

“Itinuturo niya sa iyo, like being professional. Ang dami niyang insights kasi.

“Sabi niya, 'As an actor, kahit anong ibigay sa iyong role, kung talagang pag-aaralan mo…'

“Kasi ako, wala akong idea about sa Japanese time, sa Japanese era.

“So, sobrang dami kong natutunan talaga kay Direk Joel dito.

“Biggest break ko po talaga ang project na ito,” saad ni Pancho nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa press preview ng pelikulang Tomodachi sa Gateway Platinum Cinema.

Ang Tomodachi na ang kahulugan ay kaibigan, ay kuwento ng pagmamahalan nina Toshiro (Jacky) at Rosalinda (Bela).

Ang pag-iibigan na ito ng isang sundalong Hapon at Filipina ay naganap sa panahon ng digmaan.

Sinabi rin ni Pancho na alam niya ang reputasyon ni Direk Joel bilang istriktong direktor, kaya nag-alala rin siya noong una.

Pagkumpirma niya, “Alam ko strict siya, I mean, pag work, work, ganoon.

“There's time for work, there's time to make jokes, there's time to... alam mo yun, kulitan?

“Pero pagdating sa work, kailangan talagang doon lahat ng focus mo.”

“Pero si Direk Joel, hindi lang kasi siya basta good director, e.

“Parang gusto niya rin kaming maging good actors. Kumbaga, it's not just his movie lang. It's our movie, e.

“So hindi lang siya director, parang guardian na rin, e.”


DOING HIS HOMEWORK. Challenge ba sa kanya na naidirek siya ni Direk Joel?

Sagot ni Pancho, “Opo, as in, honestly, ang dami kong co-artist na parang wina-warning-an ako na kapag si Direk Joel daw, ibang klase, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya sa shooting namin, talagang naka-ready ako lagi. Talagang prepared ako sa lahat. Lahat ng lines ko kabisado ko na. Pagdating ko roon, talagang ready na ako.

“Hindi rin ako nagpa-late, kaya kung kailangan na doon ako mag-stay malapit sa shooting, ginagawa ko iyon.”

After Tomodachi, gugustuhin ba ni Panchong makatrabaho muli si Direk Joel?

“Of course! Working with Direk Joel is a dream for me. If I could work with him all the time, why not?”

May instance ba na napagalitan siya ni Direk Joel sa Tomodachi?

“Siguro naman, I’m confident to say na lahat kami napagalitan.

“Pero kung mapagalitan ka ng isang tulad ni Direk Joel Lamangan, sobrang dami mo namang matututunan out of it,” saad niya.

Ang pelikula ay tinatampukan din nina Eddie Garcia, Hiro Peralta, Jim Pebanco, Tony Mabesa, Lui Manansala, Elora Espano, Sue Prado, at ang Japanese actor na si Shin Nakamura.


DREAM PORTRAYAL. Ano ang feeling ni Pancho na siya ang lumabas dito bilang batang Eddie Garcia?

Aniya, “Honestly, I still can't believe that I portrayed the young sir Eddie Garcia.

“I'm so overwhelmed and blessed with my role in the movie. Kasi, si Tito Eddie at Tito Johnny [Delgado] ang mga actor na hinahangaan ko talaga, e.”

Ano sa tingin ni Pancho ang magiging reaksiyon sa kanya ng audience?

“Well, hopefully sana ay maganda, sana positive. I really prepared for this movie knowing that it’s gonna be Joel Lamangan directing it. So, it’s really a lifetime experience,” masayang saad pa niya.

Ano ang masasabi ni Pancho kina Jacky at Bela bilang co-actors?

Sagot ni Pancho, “I’ve worked with Bela before, so it’s much easier now to do scenes with her. Jacky is a very nice person and always smiling. They are very supportive actors.”


ENJOYING INDIE PROJECTS. Ikatlong indie film na ito ni Pancho.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nauna niyang ginawa ang Bigkis, starring LJ Reyes, at Whistleblower na pinagbibidahan ni Nora Aunor.

Ayon pa sa binata, okay lang daw sa kanya ang malinya sa indie films dahil enjoy siya rito.

“Actually, nag-eenjoy ako gumawa ng indie films.

“Being an actor kasi, ang sarap gumawa ng iba't ibang roles and it will also develop your acting skills,” pakli niya.

May dream role ba siya?

Ani Pancho, “Parang yung gusto ko, yung tipong psycho na bida-kontrabida, na pati audience, hindi alam kung ano ang mangyayari. Yung tipong ganoon.”


ACTION MOVIES. Dahil sa kanyang muscular built, nasabi rin ni Pancho na gusto niyang sumabak sa action movies.

Kung sakaling gawin siyang kontrabida ng isang action star, sino ang gusto ni Pancho na maging kalaban?

“Sana si FPJ [Fernando Poe Jr.], di ba? Kaya lang ay wala na, e.

“So, gusto ko si Robin [Padilla].

“Kasi parang, sa laki kong ito, parang hindi ako matatakot sumagupa sa ibang action star, e.

“Pero kay Robin, iba na iyon, e.

“Parang match kami, kumbaga,” nakangiting pagtatapos ni Pancho.



WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN