Ejay Falcon finds closure with ex-girlfriend Yam Concepcion while working on indie film




Blessing in disguise para kay Ejay Falcon ang pagsasama nila ng ex-girlfriend niyang si Yam Concepcion sa pelikulang Magtanggol sa ilalim ng Felix and Bert Film Productions.

Ang proyekto na ito ang naging daan upang tuluyan silang magkaayos at magkaroon ng closure matapos ang controversial nilang break up noong 2013.

Ang Magtanggol ang unang proyektong pinagsamahan nila matapos ang hindi magandang paghihiwalay nila noon. Matatandaan na nagkasama sina Ejay at Yam noon sa 2013 teleserye na Dugong Buhay.

“Parang nagbigay daan itong movie na ito para lalo naming maayos yung mga issues namin dati. At least ngayon masaya na kami na okay kami,” sabi ni Ejay.

Masasabi niya bang nagkaroon na sila ng closure mula sa pangit na nakaraan?

“Oo, nagkaroon na kami ng closure. May boyfriend na siya [ngayon] and masaya naman ako para sa kanya. Importante kasi yung closure naayos namin. And kung bibigyan ulit kami ng project na magkasama, wala ng problema.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ejay sa presscon ng Magtanggol na ginanap kahapon, June 6, sa Café Adriatico sa SM Mall of Asia. Nagkaroon din ng VIP screening sa SM Cinema ang pelikula pagkatapos ng presscon.

Directed by Sigfreid Barros Sanchez, ang Magtanggol ay mapapanood sa mga sinehan nationwide simula sa June 8.

 
NO MORE AWKWARDNESS. Nang i-offer pa lang daw kay Ejay ang Magtanggol ay alam na niyang isa sa co-star niya si Yam.

“Noong pinitch sa akin yung role, sinabi na posibleng si Yam yung isa sa cast. Tinanong nila kung okay lang sa akin. Sabi ko, ‘Okay lang.’ Kasi okay na nga kami and nakapag-usap na kami,” ani Ejay.

Hindi nga raw sila nagkaroon ng ilangan kahit noong unang pagkikita nila sa set.

“Nung pagdating ko nga nakatalikod siya, bineso ko kaagad, e, ginulat ko pa siya. Kaya siguro yung mapapanood nila sa movie maganda naman yung mga eksena namin, hindi kami naiilang or hindi kami nako-conscious sa mga eksena namin, siguro dahil nga okay na kami, okay na kami magkatrabaho.”

Masasabi niya ba na magkaibigan na sila ngayon ni Yam?

“Hindi ko kasi masasabi na totally magkaibigan, pero masasabi ko okay na kami pag nagkikita kami. Gusto rin naming makatrabaho yung isa’t isa. Wala nang problema.”

 
FOR OFWS. Magagandang memories ang ibinigay ng Magtanggol kay Ejay noong ginagawa nila ito. Bukod sa ibinigay nitong pagkakataon na tuluyan silang magkaayos ni Yam, maraming na-realize  ang Kapamilya actor tungkol sa mga overseas Filipino workers (OFWs), na naging paksa ng istorya.

Proud si Ejay na napasama siya sa cast ng Magtanggol.

“Noong binabasa ko pa lang yung script nagu-goosebump ako kasi para ito sa mga kababayan nating OFWs. 

“Masarap sa feeling na sa pamamagitan ng movie na ito maipapakita namin sa lahat ng tao kung ano yung kinalalagyan ng mga OFWs sa ibang bansa, kung ano yung pinagdadaanan nila. Di ba yung iba sa atin pag OFW pag umuwi sila, sinasabi nila parang, ‘Maraming pera iyan. Masarap ang buhay niyan.’

“Pero dito makikita nila yung hirap na pinagdadaanan nila, yung totoong nangyayari. Iyon ang kagandahan dito sa pelikulang ito. Kaya napakahirap tanggihan, kahit sinong artista tatanggapin ito. Napakasuwerte ko na ako yung napili para gampanan iyong role ng Anton Magtanggol.”

Bukod kina Ejay at Yam, kasama rin sa cast sina Tom Rodriguez, Denise Laurel, Joonee Gamboa, Dina Bonnevie, Albie Casino, Kim Domingo, Ricky Davao, Giselle Sanchez, Epy Quizon, Mavi Lozano, at Stephen Ku.

Ang Magtanggol the Movie ay graded B ng Cinema Evaluation Board.




ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW





WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN