James Blanco topbills Pilapil; TO Farm Film Fest extended for one week



Ang Pilapil na entry ngayon sa agriculture-themed TO Farm Film Festival ang kauna-unahang indie film na nagawa ng aktor na si James Blanco.

Nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Max’s Restaurant, Roces, Quezon City, sinabi niyang ang dahilan talaga kaya ngayon lang siya nakagawa ng indie ay dahil may partikular siyang hinahanap.

Ayon kay James, “Ang gusto ko kasi, kung may gagawin akong indie, yung advocacy. Gusto ko yung mga advocacy films. Yung ibang nabibigay sa akin, nagkakataon na may trabaho ko, tapos medyo half-hearted akong gawin kasi, hindi siya advocacy, e.”

Ang advocacy ng TO Farm Film Festival ay para sa mga magsasaka. Ang naturang film fest ay nakatakdang magtatapos bukas, July 20, sa SM North at SM Megamall cinemas. Ngunit extended ito for one more week (July 20 to 26) sa SM Megamall Cinema 7.

Ang karakter na ginagampanan ni James sa Pilapil ay isang anak ng magsasaka na umalis sa kanilang probinsiya sa dahilang ayaw niyang matulad dito na isang magsasaka.

“Sabi ng Tatay ko, wala kang mararating dun, ‘eto na ang negosyo natin, ‘eto na, palakihin na lang natin itong bukid natin. Pero sabi ko, ayoko," ani James tungkol sa kanyang karakter.

“Ayokong matulad sa ‘yo, gusto kong mag-aral. E, ang Nanay ko, mataas din ang pangarap sa akin, dinala niya ko sa Manila, tinakas niya ko sa tatay ko. Kaso dun na nagsimula ang iba’t-ibang pinagdaanan naman niya sa Maynila.”

Ang gumanap na Nanay niya ay ang StarStruck avenger na si Diva Montelaba, pero may twist daw kung bakit ito ang nanay niya na alam naman ng lahat na mas bata sa kanya.

Magkakaroon din ng awarding sa lahat ng kalahok na indie films sa naturang festival.

Posible siyang maging isa sa mga nominado sa Best Actor category. Kahit paano, umaasa ba siyang mananalo ng award?

“Wala, sa akin, hindi naman sa hypocrite ako ha, pero sino ba ang ayaw manalo. Pero ang sa akin kasi, gaya ng sinabi ko kay Direk, ang gusto ko talaga, makagawa ng isang magandang pelikula.

“Kung ibibigay sa akin, thank you Lord. Kung hindi, okay lang.”

Ang pahayag naman ng director ng Pilapil na si Jojo Nadela, si James daw ang masasabi niyang lalaking Nora Aunor sa henerasyon nito.

Sabi naman ni James, “Siyempre, nakakataba ng puso.

“Isang director na may mata, siyempre siya naman ang nakakaalam. Nakakataba ng puso para ihambing ka na lalaking Nora Aunor. Alam niyo naman si Ms. Nora, mata pa lang nun umaarte na.”

Katatapos lang gawin ni James ang The Millionaire’s Wife ng GMA-7, pero sa ngayon daw, ang plano raw ng manager niya na si Leo Dominguez, mag-focus muna siya ngayon sa paggawa ng mga pelikula.

Ayon kay James, “Si Boss Leo kasi, kapag wala kang TV na ginagawa, bibigyan ka niya ng movies.

“Naka-line-up sa aking indie films, tatlo. Kaso lang hindi ko nagawa kasi meron akong Millionaire’s Wife. At napag-usapan namin yun ni Boss Leo na gusto kong gumawa ng mga advocacy films, yung mga taong nakakalimutan na.”

Dahil sa mga pahayag niya, naitanong tuloy namin kay James kung may plano ba siyang pasukin ang pulitika.

“Hindi naman,” natawang sabi niya.

“Ayoko lang talaga sa taong corrupt, ayoko lang sa mga taong magnanakaw, ayoko lang sa ganun. Hindi naman kailangang maging pulitiko, itong film, makakatulong na ‘yan.”

Dugtong pa niya, “Wala akong planong mag-pulitika. Mahigpit ako, e. Para akong si Duterte [President Rodrigo Duterte]. Dati ko pang sinasabi ‘yan, bata pa ko. Marami na ring nag-alok sa akin, pero sabi ko, hindi, magugulo lang. Sobrang higpit ko talaga.”

Aminado si James na si Duterte talaga ang sinuportahan niya.

Ayon dito, “One hundred percent na naka-support ako sa kanya. Happy ako, wala pang three months, pero nakikita na natin. At saka, kaya ka nga nag-drugs para sirain ang buhay mo, e, ‘di wakasan na, papakamatay ka rin naman.

“Kapag naging addict ka, ang susunod diyan, papatay ka ng ibang tao, kesa makapatay ka pa.”

Labing-anim na taon nang artista si James kunsaan nagsimula siya sa Click. Pero nang magkapamilya, nag-leave siya ng limang taon sa showbiz hanggang sa bumalik na lang siyang muli.

Sa ngayon, masaya raw siya at intact pa rin ang pamilya at may tatlo silang anak ng kanyang partner.


ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN