Judy Ann: "Makakahilera kong muli si Ms. Nora Aunor sa Best Actress is more than enough for me."

IMAGE Noel Orsal

Judy Ann Santos wants to work with Vilma Santos and directors Lav Diaz, Brillante Mendoza, Olivia Lamasan, and Jerrold Tarog in the future.



Nagkaroon ng special screening para sa entertainment press ang Cinemalaya 2016 entry na Kusina na pinagbibidahan nni Judy Ann Santos kahapon, August 2, sa Director’s Club cinema ng SM Megamall.

Nandoon din si Judy Ann, pero mas pinili nitong huwag pumasok sa loob ng sinehan at huwag panoorin ang comeback movie niya. Aminado itong kinakabahan siya at kung naitawid nga raw niya ang ginampanan niyang karakter.

Gusto rin daw niya, kung manonood siya sa unang pagkakataon, ang kasama at katabi na niya ay ang mister na si Ryan Agoncillo.

Bakit may pressure sa kanya sa pagbabalik niya sa Cinemalaya?

“Well, siyempre kasi, ang daming...alam naman natin na kapag Cinemalaya, labanan ito ng mga baguhan, mahuhusay na director. Mga talagang gustong magpakita ng talento nila.

“Para hintayin ako ng isang script na ten years ago ay nanalo sa Palanca, malaking pressure na. Pangalawa, mahuhusay na artista ang mga katunggali mo. Nandiyan si Ms. Nora Aunor, ang dami namin.

“Pero, more than anything, it was the...yung pinakamalaking factor rito, yung nagawa ko siya na sapat sa deadline namin. Naihabol mo yung...malaki man ang waistline ko, naihabol ko naman ang tahi ko.

“Hindi siya bumuka habang nagbi-breakdown ako, ‘di ba?”

Dugtong pa ni Juday, “At saka, naghahanap talaga ko ng istorya na puwede kong pagtuunan ng pagod at pansin at worth it yung limang taon na nawala ako.”

Ngayon pa lang, marami na ang nagsasabi na sila ni Nora Aunor ang posibleng maging mahigpit na magkatunggali sa pagka-Best Actress sa 11th edition ng Cinemalaya na tatakbo mula August 5-14, 2016.

May expectation ba sa Young Superstar?

“Nag-e-expect ba ko? Masaya na ko na nagawa ko siya, hopefully worth it yung paghihintay sa akin ng buong production and at the same time, being able to do this film with the best directors, best cast and best production staff is more than award for me, okey na ko.

“Makakahilera kong muli si Ms. Nora Aunor sa pagka-Best Actress is more than enough for me.”

Pagkatapos ng Kusina at sa pagbabalik niyang muli sa paggawa ng pelikula, may mga gusto pa ba siyang gawin?

“Well I guess, lahat naman ng mga artista, di ba, gustong ma-experience at maka-trabaho yung mahuhusay na director. Sa generation ngayon at sa mga nangyayari ngayon, nandiyan sina Lav Diaz, Brillante Mendoza, si Direk Olive Lamasan, Jerrold Tarog, may intrigue factor sa utak mo na, paano kaya sila maka-trabaho?

“Paano kaya mag-travel sa mga festivals?” saad niya.

Hindi pa rin daw niya nakaka-trabaho ang Star for all Season na si Governor Vilma Santos.

Ayon kay Juday, “Of course, I still dream to work with Ms. Vilma Santos. The last time I worked with Ms. Charo Santos, Esperanza pa. You want na mapagtibay pa.

“Siguro, as you get older, naghahanap ka ng pelikula na magpapangiti sa puso mo at sa pagiging artista. Siyempre, I’m just grateful na binuhay ako ng Kusina, yung passion ko for acting, binuhay nila ko.

“And I’m just grateful dahil hinintay nila ko. Hanggang sa kahuli-hulihang sandali, hinintay talaga nila ko.”



FAVORITE DISHES OF RYAN. Kung may recipe naman daw siya, ang pinaka-paborito raw ni Ryan ay sinigang na baka.

“Ay, siningang din!” natawa niyang sabi.

Ayon pa kay Juday, “Hindi kasi siya mahilig sa sinigang, pero kapag baka, nagagawa niyang tikman. Hindi kasi siya mahilig sa maasim. Gusto niya yung bulalo, pero ayaw niya ng taba ng baka.

“So yung sinigang na baka was the perfect soup base recipe for Rye.”

Sa pelikula kasi, tila nakuntento siya na isang klase ng putahe lang ang inihahain niya sa asawa niya sa pelikula na ginampanan ni Joem Bascon. Kaya parang nagkaroon ng pagsasawa.

Naniniwala rin siya na sa totoong buhay, dapat iba-iba ang inihahain o nakikita sa kanya ni Ryan?

“Aba’y oo,” natawang sabi ni Juday.

“I guess, hindi lang naman sa asawa, kahit saang bagay. Kapag paulit-ulit, nakakaumay. Yung character lang ni Juanita, masyado siyang safe na tao, ayaw niyang mag-explore, ayaw niya ng iba pa, ayaw niyang lumabas sa comfort zone niya.

“Na yung feeling niya, lahat ng tao, yun lang ang gusto.

“Hindi naman ako ganun,” saad niya.

May dalawang ulam sa Kusina na si Judy Ann raw mismo ang nagluto. Ang pinakbet at ang Adobo ni Juanita.

Kuwento ni Juday, “Before the last shooting day, my director was actually requesting for the recipe, original recipe of my adobo. And of course, gabi yun ha…

“Gabi nila hiningi yung recipe sa akin. Kaya bago ako matulog, iniisip ko, paano ko ba babaguhin yung adobo na hindi siya typical at the same time, hindi siya malaki yung pagiging culinary, hindi siya cheffy."

Sa huli, ano ang nakikita niyang pinaka-mensahe ng pelikulang Kusina sa mga manonood?

“Personally, hindi sapat na mabuo ang mundo mo sa isang lugar lang. Hindi rin sapat na papaniwalain mo ang sarili mo na ang isang tao ay puwedeng mabuhay sa isang klase ng atensiyon lang.

“Bawat isa naman sa atin, nagba-vary naman tayo ng ugali sa kung anong emosyon, kung sino ang kasama natin, ano ang situwasyon. Importante na nakikinig ka rin sa mga tao sa paligid mo, hindi puwedeng puro ikaw.

“Kasi, hindi naman nabuo ang mundo na ikaw lang, so importante na buksan mo ang puso mo sa mga tao sa paligid mo para maintindihan ka rin nila, gaya ng pag-intindi mo sa kanila.”


ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN