Ai-Ai delas Alas shot scenes in actual prostitute house in Pampanga




Tinawag na superstar ni Direk Louie Ignacio si Ai-Ai delas Alas.

Si Ai-Ai at si Allen Dizon ang mga pangunahing artista sa pelikulang Area ni Direk Louie. Kasama rin dito sina Sue Prado, Sancho delas Alas, Sarah Pagcaliwagan, Tabs Sumulong, Irene Cervantes, at iba pa.

Gumaganap dito si Ai-Ai bilang isang laos na prostitute sa Area na kilalang red light district sa Angeles City, Pampanga.

Matapos ang Q & A sa presscon ng pelikula last week, inusisa ng PEP.ph si Direk Louie kung bakit superstar ang tawag niya kay Ai-Ai.

Nilinaw naman ng direktor na hindi niya sinasabing si Ai-Ai ang papalit kay Nora Aunor na kilala sa bansag na Superstar.

“Oo, Superstar talaga ang tingin ko kay Ai-Ai at kapag may nag-react, ipaglalaban ko talaga siya," ani Direk Louie.

“Kasi kapag nakatrabaho mo si Ai-Ai, iba siya, akala mo ay one of the pokpok lang doon. Na kapag tinawag mo ay eto na, ayos na, in character na.

“Hindi siya namimili, wala siyang airconditioned tent, na nasa isang sala lang siya at nakasalpak sa isang bahay ng tunay na prostitute roon.

“Wala siyang special treatment, kasi, na-brief ko na siya, ‘Na kapag indie films ang ginagawa natin, mahihirap lang tayo kaya huwag mo akong hahanapan. Tatanggapin mo ba?’

“At least honest ako sa artista ko. Alam niya na walang aircon at ganito ang pagkain doon.”

Dagdag pa ni Direk Louie, “Dito sa pelikulang Area, si Ai-Ai ay talagang isang superstar. Superstar sa pagiging professional, superstar sa pagiging cowboy, superstar siya sa kawalan ng kaartehan sa katawan, superstar si Ai-Ai sa galing dito, at superstar siya sa pakikisama sa lahat.

“Nagpapakain pa siya rito gabi-gabi, may dala siyang sariling catering niya na pinapakain sa lahat ng prostitutes. Gabi-gabi iyon, walang palya. May meryenda pang lugaw iyon. Para sa lahat ng prostitutes iyon sa community.”

Sinabi rin niyang sa actual location sila nag-shooting ng pelikulang ito mula BG Productions na showing na sa November 9, at dito’y talagang napaka-professional daw ng GMA-7 comedienne.

“Ang requirement ko kasi sa shooting, bawal galawin iyong bahay, bawal galawin iyong kuwarto. Walang ginalaw, ultimo yung mga bed sheets. Naano nga ako kay Ms. Ai-Ai, kasi gusto ko bago siya mag-take ay lagyan ng lysol yung paligid, pero sabi niya ay huwag, hindi niya pinalagyan, hindi niya pinagalaw.

“Even iyong CR na naligo siya, iyong ginamit niyang tabo at timba sa paliligo niya sa shooting, totoo iyon. Iyong tubig doon, hindi Evian, ang ginamit ni Ms. Ai-Ai ay iyong tubig talaga roon mismo. Iyong mga tira-tirang tubig doon sa CR.

“Iyong lugar doon ang gusto kong makita mismo sa pelikula, na maliit, masikip, at mabaho. Doon sa actual whore house talaga kami nag-shooting, as in doon talaga nangyayari."





Dahil sa actual "casa" sila nag-shooting, may pagkakataon pa na may nakita silang prostitute na kasama ang client nito.

“Mayroon ngang isang eksena roon na nire-rehearse ko sa blocking ang isang artista ko. Pero nang actual take na, pagpasok niya ay may nagse-sex na roon sa kuwarto, hindi namin alam kung saan dumaan o paano nakakalusot sa likod. Pero nagse-sex na yung babae at yung customer niya, kaya hindi na kami nakapag-take,” kuwento pa ni Direk Louie.

Disappointed ka ba nang hindi nanalong Best Actress si Ai-Ai sa 12th Eurasia International Film Fest?

Sagot niya, “No, hindi naman. Kasi, magagaling silang lahat, in fairness. Pero ang edge ni Ai-Ai, jury kasi iyan e, pero ang mga journalist doon, ang media, may sarili silang boto at si Ai-Ai ang pinili nila.

“Iyong mga journalist from London, ‘For us, you’re the best actress…’ Iyong pinaka-head ng critics nila sa Kazakhstan, si Ai-Ai ang best actress niya.

“At saka lima lang yung major awards at labingtatlo kaming naglaban. Tapos second highest pa kami, Best Film tapos yung Special Jury Prize na. Kaya roon pa lang ay panalo na, kaya huwag nang magreklamo dahil ang Area ang nakakuha ng second highest award sa isang malaking A-list international film fest,” nakangiting saad pa ni Direk Louie.

Ano’ng reaksiyon niya nang bigyan ng Grade-A ng Cinema Evaluation Board (CEB) ang Area?

Aniya, “Nang nalaman ko iyon-nagka-usap kami ni Dennis [Evangelista], at sigaw ako nang sigaw. And at that time, nagro-rosaryo ako, e.

“Siyempre malaking tulong iyon, I mean, like kapag i-promote mo iyong movie, iyong mga taong suplado ay manood. Kasi Graded-A siya, e.

“Pero kung sa award, sana ay manalo kung may chance. May laban naman, huwag lang ma-lock iyong mga jury o mga tao. Kasi ang daming nananalo, hindi ba? Na baka naka-lock sa ganitong pelikula [ang isip nila], kasi roon siya nanalo [sa ibang film fest].

“Ang hirap, e, kaya maganda rin na lumaban muna sa international [film fest]. At least doon, wala kang kilala. Kaya kapag nanalo ka ay sariling credit mo talaga iyon.”

Aminado rin si Direk Louie na dream niyang makagawa ng ganitong klase ng pelikula.

“Itong klase ng pelikula na ito, na-miss ko ito. Iyong mga panahon nina Lino Brocka at Ishmael Bernal. Sabi ko, ‘Bakit nawawala ang mga ganitong klase ng pelikula?’

“Iyong magtatanong ka or hahanapin mo iyong mga ganitong pelikula na nami-miss mo. Kaya sabi ko, dream ito ng bawat director na makagawa ng ganitong pelikula.

“Buti na lang at may ganitong klaseng materyal at salamat sa BG Productions. Kasi, ang ganda talaga ng materyal, sobra!”


(To learn more about Area, click: Ai-Ai delas Alas on indie film: "Noon ko pa sinasabi na gusto kong maging prostitute.")
 


(To read related article, click: Ai-Ai delas Alas indie film Area wins Special Jury Prize in 12th Eurasia International Film Fest)
 


ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN