Jerald Napoles names dream leading lady he describes as "mas maganda pa sa ibang Hollywood stars"

IMAGE Noel Orsal

Jerald Napoles recalls accompanying his mother to gawk at celebrities during MMFF parades: "Kakaway kami kina Phillip Salvador, Bossing [Vic Sotto] and FPJ [Fernando Poe Jr.]."



Nang makita namin si Jerald Napoles, naalala agad namin na bago pa man siya makapasok sa mainstream projects, mas nauna siyang napansin at nakilala sa ilang indie films na nagawa niya.
 
Sa 2016 edition ng Metro Manila Film Festival, ang pelikulang sinalihan niya, ang Enteng 10 and the Abangers, ay hindi nakasama sa Metro Manila Film Festival official entries.

Dahil dito, kasalukuyan na itong palabas sa mga sinehan ngayon, bago pa man ang simula ng MMFF sa December 25.
 
Naitanong namin sa kanya kung ano ang pakiramdam na mas indie movies ang nabigyan ng priority sa MMFF 2016.
 
Ayon kay Jerald, “Bilang actor, hindi lang dalawa ang deviation ko. Galing akong teatro. Iba rin yung dating na, 'theater actor ‘yan,' iba rin ang 'indie actor ‘yan,' iba rin sa mainstream.

"Pero, kasi, ang pananaw ng karamihan sa amin when it comes to acting, kapag binigyan ka ng trabaho, kesehodang tatlong minutong aktingan lang ‘yan, umakting ka nang matino at truthful.
 
“So, para sa amin, indie man o mainstream, kung ano ang hinihingi ng director, yun ang gagawin namin. Sa tingin ko...noong makita nila ang eight films, ang dating agad sa tao ay puro indie.
 
“Sa tingin ko, uso ngayon ang change because of the government, even sa abroad, e. So, sa tingin ko, part ng change yung nangyari.

"Kapag may hinain ka sa tao na sanay na nakakapanood o experience ng twenty years na ganung bagay, ang tao, siyempre, detach tayo agad sa change.”
 
Akala raw talaga ni Jerald, magiging pangalawang MMFF movie niya ang Enteng 10 and the Abangers.

Ang unang MMFF entry niya ay ang 2015 movie nina Jericho Rosales at Jennylyn Mercado na Walang Forever.
 
Pero hindi nga pinalad na makasama ang Enteng Kabisote 10, at aminado si Jerald na nanghihinayang siya.

Iba raw kasi ang memories ni Jerald ng film fest.
 
Aniya, “Dati kasi, sinasama 'ko ng nanay ko, taga-Tondo kami.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Automatic, ang nanay ko, kakaladkarin ako, kasama ang lola ko, kakaway kami kina Phillip Salvador, Bossing [Vic Sotto], and FPJ [Fernando Poe Jr.]. Kakaway ka riyan.

"Tapos, yung una ko noong last year, nandoon din ako sa tuktok, kumakaway rin ako,” natatawa niyang sabi.
 
“Pero, siyempre, na-appreciate mo na ganun pala ang pakiramdam. Kapag may kumaway, sige kaway, kasi naalala ko na ganun ako noong bata ako. 

"Madaanan ka lang ng mata, feeling mo 'nakausap ako ni Vic Sotto,' may ganun.”
 
Sabi pa ni Jerald, nasubaybayan niya ang Enteng franchise.

“Napanood ko lahat. Fan ako ng pelikula, e. Wala naman akong pakialam kung indie o mainstream. Siguro dahil actor ako.
 
“Kapag actor, ganun, e.  Pati yung Okay Ka Fairy Ko, lahat—at saka Vic Sotto, e.”
 
Unang beses lang niyang makatrabaho si Vic kaya hindi raw niya talaga makakalimutan ang Enteng 10 and the Abangers.
 
“Si Bossing kasi, relaxed, lalo na kapag nandiyan sina Kuya Jose [Manalo]. 

"Every shoot, ang masaya, yung tambay namin.

"Automatic, magkakasama kami sa mesa, nagkukuwentuhan, nagtatawanan, kumakain lang ng siopao.
 
“Very welcoming yung Vic Sotto, may siopao club kami alas-dos na. Para kasi sa amin kapag alas-dos na, sobrang sarap ng siopao ng 7-11 kasi, wala ka nang mabibilhan, wala ka ng choice, kaya yun na ang pinakamasarap na siopao,” natawa niyang kuwento.
 
Puwedeng-puwede namang sabihin na napakabongga ng taong 2016 niya. 

“Oo nga, e,” saad ng GMA-7 actor na mainstay ng Sunday Pinasaya.
 
“Akala ko nga, bongga na ang 2015, sana 2017 din, 2018,” masaya niyang sabi.

Biro namin kay Jerald, siguradong mas lapitin siya ngayon ng mga babae?
 
“Well, nasa sa kanila na yun. Ako naman, e, ganito na talaga 'ko ka-guwapo.

"Kung may maidadagdag pa sila, e, problema na nila yun, patingin na sila sa utak,” biro niya.
 
Pero may love life nga ba siya?
 
“Wala, wala, kasi ang babae at ang trabaho, pareho ng investment: oras!  Hindi mo mapagkakasya yung relasyon at trabaho sa isang buong araw.
 
“Kasi, matutulog ka pa, maliligo ka pa, so ngayon, kung punong-puno ka ng trabaho, ano ba asikasuhin mo muna? Ang trabaho.”
 
 
ON HIS INVESTMENTS. Katulad ng ibang artista, natuto na rin si Jerald sa mga dating artista na hindi masyadong nakapag-ipon o napaghandaan ang araw na hindi na ganoon karami ang trabaho nila.
 
Pagseseryoso ni Jerald, “Sa ngayon, siyempre, yung mga hindi ko naranasan noong bata ako, tini-treat ko ang sarili ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tulad noon, bibili ako ng bagong sapatos, gadgets, pero... treat lang yun sa kada-project. 

"Hindi puwedeng kalahati ng kinita.
 
“At ngayong kumikita ng pera, invest-invest.”
 
Ano na ang mga investments niya?
 
“Kumuha 'ko ng sariling matutulugan. Kumuha 'ko ng condo na binabayaran.

"Kasi, sa isip-isip ko, baka after five years hindi na ganito kalakas kumita at doon pa lang ako magde-decide, baka wala na akong mabibili.”
 
Hindi pa nagkakaroon ng solo movie si Jerald.  Hindi niya itinatangging isa rin ito sa pangarap niya.
 
Aniya, “Siyempre, kahit papaano, hindi naman tayo banong umarte. 

"Yun nga, kaya rin siguro maganda ang reception ng tao sa Magpakailanman, kasi hindi naman nila alam na marunong din pala akong mag-drama.
 
“Kung stepping stone yun para magkaroon ng lead, mapa-Magpakailanman yun, serye, o pelikula man.”
 
Comedy o drama ang gusto niya?
 
“Gusto ko yung dramedy, parang comedy at drama. Yung ginagawa nina Ate Uge [Eugene Domingo], Pokwang, Ate Ai [Ai-Ai delas Alas].

"Kasi, nakaka-relate ang mga tao.
 
“Ang Pinoy kasi, masayahin pero kapag iyak, iyak.”

Sino ang dream leading lady niya?
 
Mabilis naman ang sagot nito. Si Liza Soberano raw ang pangarap niyang makapareha.
 
“Ang taas, ‘di ba?  Sabi nga nila, kung mangangarap din lang, taasan mo na.  

"Kung mangangarap ka ng kotse, bakit Fortuner, Porsche na!”
 
Bakit si Liza?
 
“Ako talaga, sobrang-sobrang ang ganda!  Crush ko talaga si Liza Soberano.

"Sabi nga naming magkakaibigan, ang suwerte natin kasi naabutan natin ang era ng showbiz na may ganyang kagandang star.
 
“Mas maganda pa siya sa ibang Hollywood stars ha, kaya kung mangangarap din lang ako at mabibigyan ng chance, why not?”






WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN