Brillante Mendoza to mentor new directors in Cannes Film Fest

IMAGE Glen Sibonga



Gagawa na naman ng panibagong kasaysayan si Brillante Mendoza bilang kauna-unahang Filipino director na naimbitahan ng Institut Francais para maging “Godfather” sa 70th Cannes Film Festival.

Ito ay para sa La Fabrique des Cinemas du Monde na bahagi ng prestihiyosong Cannes 2017.

Muli nga siyang babalik sa Cannes sa May 21-23 hindi bilang participant sa film competition, kundi bilang mentor ng sampung upcoming directors mula sa iba’t ibang bansa.

Unang gumawa ng kasaysayan sa Cannes si Direk Brillante bilang kauna-unahang Pilipino at Asian na nanalo ng Best Director award para sa pelikula niyang Kinatay noong 2009.

Bago ito unang naimbitahan ang pelikula niyang Foster Child para maipalabas sa Directors’ Fortnight ng Cannes noong 2007. Noong 2008 ang pelikula niyang Serbis ay nominado bilang Palme d’Or, ang pinakamataas na parangal sa Cannes.

Matapos ang ilang taon muling nagbalik si Direk Brillante sa Cannes nang i-screen ang pelikula niyang Taklub sa Un Certain Regard section ng Cannes noong 2015. At noong isang taon, ang pelikula niyang Ma’ Rosa ay napabilang sa main competition ng 2016 Cannes, kung saan nanalo naman si Jaclyn Jose ng Best Actress award.

Wala man siyang entry sa Cannes ngayong taon, malaking karangalan naman para kay Direk Brillante na mapiling Godfather o mentor para sa La Fabrique des Cinemas du Monde, isang professional program set up by Institut Francais’ Cinema Department para i-encourage ang mga rising new breed of filmmakers mula sa iba’t ibang bansa.

“Well, kahit ano pa man iyan, ang sa akin dala-dala ko po ang pagka-Pilipino ko. Kung anuman iyang karangalang iyan, natutuwa ako at naise-share ko sa atin, sa mga kababayan natin at sa Pilipinas,” sabi ni Direk Brillante.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Direk Brillante sa presscon at special screening ng Brillante Mendoza Presents: Panata nitong May 17 sa Director’s Club sa Mega Fashion Hall ng SM Megamall. Sa event na ito inanunsiyo ang imbitasyon kay Direk na maging Godfather sa La Fabrique des Cinemas du Monde.

Dumalo rin sa special screening ang TV5 marketing head na si Lloyd Manaloto; SM SVP for marketing and communications Millie Dizon; at ang cast members ng Panata na kinabibilangan nina Kristoffer King, Sue Prado, Arnold Reyes, Lou Veloso, at Edwin Nombre.
 

MENTOR IN CANNES. Ano ba ang gagawin niya bilang Godfather sa La Fabrique des Cinemas du Monde?

“Bale magme-mentor ako ng filmmakers all over the world.”

Para ba itong seminar sa filmmaking?

“Para siyang ganun. Ipinadala na nila sa akin yung mga scripts nila, yung mga director’s statement, director’s treatment nila. So, alam ko na yung mga project nila bago pa ako magpunta doon. Napag-aralan ko na iyon. It’s just a three day affair from May 21-23.

"I will sit down with them, sit down with their producers, mga creative staff nila, to talk about the film. Yung mga films na ito hindi pa nila nagagawa, pini-pitch pa lang nila. Pero bago nila i-pitch sa ibang major film companies, kino-consult muna nila sa akin.

"Ang Cannes kasi marami siyang activities, may mga master class, may mga ganito, ayun kinukuha kang Godfather, so iba-iba. Tapos in-invite din ako sa ceremony kasi 70th anniversary ng Cannes, so I was one of the few filmmakers na na-invite all over the world to attend that event. It’s an important event kasi magkakaroon kami ng photo-op, magkakaroon kami ng dinner. Sa 23 yan. So, I’m leaving this Saturday [May 20].”

Ngayong taon ang 9th edition ng La Fabrique des Cinemas du Monde at bawat taon ay nagkakaroon sila ng mentors, na pinipili mula sa Festival de Cannes awarded directors.

Kaya susundan ni Direk Brillante ang yapak ng mga naunang mentors tulad nina Chinese film director and screenwriter Jia Zhan-Ke; French film director and writer Claire Denis; Brazilian filmmaker and film producer Walter Salles; Haitian filmmaker Raoul Peck; Palestinian film director Elia Suleiman; Portuguese director Maria de Medeiros; Argentine film producer and director Pablo Trapero; French film director and screenwriter Sandrine Bonnaire; at Cambodian documentary film director and screenwriter Rithy Panh.

Ano ang feeling niya na may bago na siyang titulo ngayong bilang Godfather sa Cannes?

“Oo nga, e, parang patanda nang patanda,” birong sambit ni Direk.

“Ewan ko, ano lang iyan… I mean, of course, they have to call you that kasi ako yung magme-mentor sa kanila.”

Samantala, ayaw munang magbigay ng detalye ni Direk Brillante ukol sa naunang napabalitang imbitasyon ng Cannes para sa ginagawa niyang TV series na Amo. Starring Derek Ramsay, ang tema nito ay tungkol sa drugs.

“At saka na ako magkukuwento diyan. Hindi pa pwedeng pag-usapan ngayon kasi under negotiation siya with another major international distributor. Tuloy pa rin siya. Ipapalabas siya sa TV5 within the year.”


TV5 AND SM SUPPORT. Nagpapasalamat din si Direk Brillante na suportado ng TV5 at SM Supermalls ang kanyang pagpunta sa Cannes ngayong taon, gayundin ang iba pa niyang mga proyekto kasama na ang kanyang monthly made-for-television movies na Brillante Mendoza Presents.

Malaking bagay para kay Direk na nabigyan siya ng TV5 ng oportunidad na mai-showcase ang kanyang mga obra maestra sa Brillante Mendoza Presents.

“For TV5 to give me this opportunity ay napaka-grateful ko. Ang TV5 lang ang nagbigay ng ganitong oportunidad sa akin. I think no other network will ever do this kind of endeavor. Because I’m given full creative freedom and they put their full trust on me,” ani Direk.

Matapos maipalabas ang Tsinoy noong Pebrero, ang Everlasting noong Marso, at ang Pagtatapos noong Abril, pang-apat na handog na ng Brillante Mendoza Presents Panata, na mapapanood sa May 27, 10:30pm.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN