Si Janine Gutierrez ang itinanghal na Best Supporting Actress sa 4th Urduja Heritage Film Festival na ginanap noong October 3.
Ito ay para sa pagganap niya sa Cinemalaya 2016 entry na Dagsin.
Isa sa mga nakalaban ni Janine sa kategoryang ito ay ang sariling ina na si Lotlot de Leon, na nominado para naman sa indie movie na MRS.
Tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Janine kung ano ang pakiramdam na sa una niyang acting award ay nakatunggali niya ang ina.
“Ang saya!” sabay tawa ng 28-year-old Kapuso actress.
“Well, hindi ko alam na magkalaban kami dun, pero…
“Happy po ako, happy po ako, kasi alam ko na happy siya for me, at talagang super excited siya.
“Siya po yung unang nagsabi sa akin tungkol sa Urduja, tungkol sa award.
“At hindi nga po niya minention sa akin na magkalaban kami.
“So, siguro ganun lang talaga ka-generous si Mama at ka-gracious, na hindi na nga niya sinabi sa akin na magkalaban pala kami.”
Patuloy ni Janine, “Pero idol ko kasi si Mama.
"At saka, di ba, recently po, ang dami niyang awards sa ibang bansa din?
“So, happy ako na kahit papaano naging proud din siya sa akin para dito.”
Umani ng parangal si Lotlot sa India at sa Amerika para sa lead role nito sa indie movie na 1st Sem.
Ayon sa pahayag ni Lotlot, sa unang pagkakataon ay hindi siya nalungkot na natalo siya sa isang awards night, dahil ang tumalo sa kanya ay ang sariling anak.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Janine sa Blue Rocket Café noong Lunes, October 9, sa pa-presscon para sa kaniya ng bago niyang manager na si Leo Dominguez ng LVD Management.
SPEECHLESS WITH GRATITUDE. Ano ang impact kay Janine ng una niyang acting award?
“Nakaka-inspire po!
“Sobrang nakaka-inspire kasi isa ito sa mga pangarap ko, e,” aniya.
“Sinasabi ko nga po nung una, na yung pangarap ko lang makasali sa Cinemalaya, which is yung Dagsin nga kasali sa Cinemalaya.
“So sobrang malaking-malaking bonus po para sa akin na nagkaroon ako ng ganitong award dahil sa movie na yun, so talagang wala po akong masabi.
“At talagang nagpapasalamat po ako sa bumubuo ng Urduja Heritage Film Awards, sa producers ng Dagsin, at sa Cinemalaya kasi nabibigyan po kami ng chance na makasali sa ganitong klaseng project.”