Guerrero director Carlo Ortega Cuevas names ABS-CBN stars he would like to work with

Guerrero director Carlo Ortega Cuevas says Filipino audiences are ready for more indie films. "Nakikita ko na ready na para sa mga bagong atake, mga bagong konsepto, na ikinukuwento sa pamamagitan ng mga indie films."


Pangalawang pelikula pa lamang ng indie director na si Carlo Ortega Cuevas ang Guerrero. 

Ang una niyang pelikula ay ang Walang Take Two, na nanalo ng mga international awards nitong 2016.

Ang mga napanalunang awards ng Walang Take Two ay Best Director for a Foreign Feature Film sa International Filmmaker Festival of World Cinema sa London, at Best Cinematography in a Foreign Language Film sa 2016 Madrid International Film Festival.

Nag-uwi rin ito ng Jury Award at Best Lead Actress in a Foreign Language Film sa Berlin International Filmmakers’ Festival, Platinum World Award, World Newcomer Filmmaker of the Year, at Golden World Award for International Film sa Jakarta, Indonesia.

Kuwento ni Direk Carlo sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), "Kumbaga talagang hindi po namin in-expect!

"Kasi nung ginagawa namin yung pelikula ang target lang namin na audience is, kumbaga maliit lang po na audience dahil indie.

"Tapos sabihin nating naging successful yung film kaya napagdesisyon po ng mga head ng INCinema [filmmaking contest ng Iglesia Ni Cristo] na isali siya abroad.

"At nanalo po."

Nakausap namin si Direk Carlo sa red carpet premiere ng pelikulang Guerrero ng EBC Films noong October 30 sa SM Megamall Cinema 3.

Tampok na naturang pelikula sina Genesis Gomez (bilang si Ramon Guerrero na isang struggling boxer) at Julio Cesar Sabenorio bilang nakababatang kapatid ni Ramon na si Miguel.

Sa panahon ngayon, nakikipagsabayan na sa box-office at awards ang mga indie films sa mga mainstream movies. 

Ano ang masasabi ni Direk Carlo tungkol dito?

"Kumabaga sa akin po parang, kung ako ang tatanungin, mas okay sana  kung wala ng branding na indie-mainstream. Kumbaga pelikulang Pilipino!

"Kung sinuman ang nag-produce niyan, mapa-big budget man 'yan, ang brand, pelikulang Pilipino. Quality film."

Bagaman nasa magkabukod na kategorya pa ang indie at mainstream movies sa ngayon, masaya na rin si Direk Carlo na kapantay na ng indie movies ang mainstream sa halos lahat ng aspeto.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siyempre nakakatuwa kasi ano kumbaga, iyon nga, kahit maliit lang yung production, kahit  hindi kilala ang mga artista ay naa-appreciate ng mga tao yung kuwento.

"Kasi sa akin talaga pinakamahalaga ang kuwento, e.

"Kaya naman tayo gumagawa ng pelikula ay para magkuwento.

"So pag nakikita ko na naa-appreciate ng mga tao yung kuwento no matter how small yung budget.

"Kumbaga parang… tumatalino yung audience natin, yung mga viewers natin, na tinitingnan nila hindi lang yung first layer ng pelikula kundi sa mas malalim na pagtingin ng pelikula."

Bukod sa pag-direk ng Guerrero, si Carlo rin ang sumulat ng script ng pelikula na ipapalabas sa mga sinehan sa November 12.

Tinanong naman namin ang newbie director kung sino ang dream cast niya para sa isang pelikula.

"Ako talaga, nung una, naiisip ko, iyan sila Jericho Rosales. Isa ko rin na gustong makatrabaho si Bela Padilla.

"Kasi parang nakikita ko rin si Bela kung gaano siya, kumbaga character actress, e.

"Marami siyang role na magagampanan."

Bago naging direktor ay nagtrabaho sa ABS-CBN si Carlo. 

"Actually graduate ako ng Communication Arts pero hindi ako talaga nag-aral ng Film," paliwanag niya. 

"After graduation ng college nakuha ako sa isang TV station na magdirek ng mga documentary programs, sa ABS.

"Ang una kong project yung Krusada, then Pinoy True Stories. 'Tapos May Puhunan, 'tapos Mission Possible.

"Pero siyempre sobrang ibang-iba yung atake ng mga docu kumpara dito sa mga ganitong narrative na tulad ng Guerrero at yung Walang Take Two.

"After po nun, after na sumali nga ako dito na INCinema, e, fortunately nanalo po yung film na ginawa namin [noong] 2014.

"And then nung nanalo yung film, ako yung napiling magdirek nung unang full length film, iyon nga yung Walang Take Two."

Para kay Carlo ay handa na talaga ang Filipino audience sa mga indie films na karamihan sa mga kuwento ay kakaiba at hindi ordinaryo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa akin ano po, kumbaga reding-ready na. Kung mapapansin natin yung mga sunud-sunod na pelikula, babanggit ako, Kita Kita, 100 Tula Para Kay Stella," sabi niya.

"Kumbaga tinatangkilik talaga, e. Marami ring audience na, sabihin na nating yung term, na kumbaga nagsasawa, sa ibang salita gusto nilang makatikim ng ibang putahe.

"Dahil siyempre sabihin natin na meron talagang format ang mainstream films.

"Kumbaga malinaw naman yun sa lahat, so nakakatuwa na yung mga audience, e, nakikita ko na ready na para sa mga bagong atake, mga bagong konsepto, na ikinukuwento sa pamamagitan ng mga indie films."



WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN