Edgar Allan Guzman is honored to win MMFF 2017 Best Supporting Actor award

IMAGE Allan Sancon

Edgar Allan Guzman says he wasn't disappointed with his Best Supporting Actor award even when people said he qualified for Best Actor at the recent Metro Manila Film Festival 2917: "Unang-una, marami po akong nababasa at nagsasabi sa akin na dapat sa Best Actor ako... Nung nakita ko po na nandun yung pangalan ko sa Best Supporting Actor, kasi hawak namin yung cue card, actually, hindi ako na-disappoint, e."


Memorable at kakaibang experience para kay Edgar Allan “EA” Guzman ang pagkapanalo niya bilang Best Supporting Actor para sa kanyang mahusay na pagganap sa Deadma Walking sa Metro Manila Film Festival 2017 Awards Night.

Unang-una, siya at ang co-star niyang si Joross Gamboa kasi ang presentors para sa naturang kategorya.

Pangalawa, hindi rin daw siya disappointed na sa Best Supporting Actor category siya na-nominate, kahit pa nga marami ang nagsasabing dapat ay sa Best Actor category siya na-nominate.

Kuwento ni EA, “Unang-una, marami po akong nababasa at nagsasabi sa akin na dapat sa Best Actor ako.

“So, nung nakita ko po na nandun yung pangalan ko sa Best Supporting Actor [category], kasi hawak namin yung cue card, actually hindi ako na-disappoint, e.

“Masaya pa rin po ako. Masaya ako kasi yung mapabilang ka lang sa nominees na Jake Cuenca, Robert Arevalo…

“Kumbaga, para sa akin malaking karangalan na iyon.

“So, wala po akong disappointment na naramdaman.

“Siguro, yun nga, ang maganda roon kasi, hindi po ako nag-expect.

“Kumbaga, hinayaan ko si Lord na gumawa ng way. Kung pananalunin Niya ako, pananalunin Niya kami.

“So, iyon ang maganda pa rin. Mas nakaramdam pa po ako ng kasiyahan dahil nandun yung pangalan ko.

“Nung nasa stage na, hindi ko talaga tinignan habang binabasa ni Joross yung winner.

“Kasi gusto kong maging deadma, ayoko kasing mag-expect, di ba, tapos hindi pala iyon yung pangalan mo.

“So, nung sinabi niya Edgar Allan, so ako ganun lang.

“Pero, siyempre, yung kaba ng dibdib ko.

“Totoo naman, sana manalo, di ba?

“Pero hindi po ako nag-expect. Nung binubuksan na niya, sabi nung mukha niya [makes face]… EA.

“So, nung nalaman ko at nakita ko yung pangalan ko, para na akong nasa alapaap.

“So, hinug ko na lang siya. Iyon po, ganun yung feeling, ang sarap.”

Ngayong nagsimula na ang panalo niya, handa na ba si EA humakot ng awards mula sa iba pang award-giving bodies next year?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Lahad niya, “Ako po, gusto ko po.

“Yun nga e, parang na-realize ko po nung nagka-award ako, honestly, nung nakaraan mga taon, kapag may festival na ganyan, awards night, iba yung mga pangalan na nababasa ko.

“Parang tinanong ko yung sarili ko na kailan ko kaya mararanasan ulit yung ganyan, kailan ko kaya makikita ulit yung pangalan ko?

“So, ngayon, sa nangyari, positive naman yung nangyari, so why not?

“Gusto ko po talaga, kasi yun naman talaga yung pangarap din natin, na magkaroon ng award, e.

“So, sana po, sana po mangyari.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media si Edgar Allan sa thanksgiving presscon ng Deadma Walking, na ginanap kahapon, Biyernes, December 29, sa Limbaga 77 restaurant sa Scout Limbaga, Tomas Morato Ave., Quezon City.

Present din dito si Joross, ang direktor na si Julius Alfonso, writer na si Eric Cabahug, at producer na si Rex Tiri ng T-Rex Entertainment.

Pasasalamat ito para sa tulong ng media sa promo ng Deadma Walking, na ngayon ay kabilang sa MMFF entries na humahataw sa takilya bukod pa sa natatanggap nitong magagandang reviews at comments.

Bukod sa pagkapanalo ni EA, ginawaran din ng Best Float award ang Deadma Walking.

SAPAWAN ISSUE. Ano ang masasabi ni EA sa mga komentong nasapawan niya si Joross sa pelikula?

Paliwanag ni EA, “Kasi magkaiba yung role namin, e.

“Kasi ako mas loud ako, e. Kay Kuya Joross kasi, mas pigil siya.

“Ganun talaga usually kahit sa tao, sa normal na buhay, kung sino yung maingay, yun ang mapapansin mo, e.

“So, feeling ko, walang sapawang nangyari.

“Hindi kami nagsapawan.

“Kahit kaming dalawa hindi namin naramdaman iyon while doing the film.”

Nagtulungan daw sila at nagbigay ng suggestions sa isa’t isa habang nagsu-shoot.

DOUBTING HIS SEXUALITY. Dahil sa galing ng pag-arte ni EA bilang flamboyant gay na si Mark, tila may mga kumukuwestiyon sa sexuality ng aktor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang reaksyon ni EA rito?

“Marami po, marami pong nag-aano sa akin, kahit sa pamilya ko. ‘Bakla ba talaga si Allan? Kasi malapit na, feeling ko bibigay na iyan,’” sabay tawa ni EA.

“So, wala, ako naman pagka ganun mas nakakatuwa po kasi dahil effective, di ba?

“Convincing, kumbaga.”

Natanong tuloy ulit kay EA kung willing pa siyang tumanggap ulit ng gay role pagkatapos ng Deadma Walking?

“Ako po, gaya ng sinabi ko sa past interviews ko, parang last ko na po muna ito, kasi nga all-out yung 'binigay ko.

“At saka baka matuluyan, isang ihip na lang ng hangin bakla na rin ako,” biro ni EA.

“So, para po sa akin hindi naman po ako nagsasara ng pintuan.

“Siyempre, depende pa rin po iyan sa materyal at proyektong io-offer sa akin.

“Pero this time, kung io-offer po ulit is yung gay na ladlad na ladlad, medyo magtatanong po ako sa sarili ko, kasi parang nagawa ko na rin lahat dito sa Deadma Walking.

“And gusto ko ring i-savor yung moment na first time kong magka-award sa isang gay role na ginampanan ko. Sa dami po [ng roles ko], dito po ako binigyan ng parangal.

“Kumbaga, gusto ko po munang i-savor yung moment na iyon, na i-enjoy ko po muna.

“Pero hindi po ako nagsasara ng pinto,” diin niya.

NO TALENT FEE INCREASE. Dahil sa tagumpay ng pagbibida nila sa Deadma Walking, posible bang magtaas na ng talent fee sina EA at Joross?

“Nandito po ngayon yung manager namin… Sir Noel [Ferrer],” ani EA.

Itinuloy na ni Joross ang pagsagot, “Kami naman po kasi ni EA, ever since, hindi kami maano sa talent fee, hindi kami mapresyo.

“Pero, siyempre, bilang artista, 'eto yung trabaho namin, kailangan naming alagaan.

“Pero hindi sa amin isyu ang pera.

“So, sa amin, basta maganda ang proyekto... kumbaga, maganda ang atmosphere ng mga makakasama namin, madali kaming kausap sa mga budget.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Basta po maganda ang materyal.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN