Marami pa rin ang nag-aabang kung kailan muling mapapanood sa telebisyon si Aga Muhlach, na bida ngayon sa pelikulang First Love kasama si Bea Alonzo.
Bukod sa kanyang mga blockbuster movies, tumatak din sa publiko ang ilan sa TV shows na ginawa ni Aga, partikular na ang karakter bilang Dok Aga sa sitcom na Oki Doki Dok ng Kapamilya network.
Bukas naman daw si Aga sa pagbabalik-telebisyon.
Aniya, "Parang ang hirap gumawa pero pag si Bea, okay ako. Gagawa ako ng soap with Bea, di ako nagso-soap ha? Para masaya, ang galing pa niya."
Dugtong pa ni Aga, "Wala na raw sitcom, sabi ko sana mag-sitcom kami, wala na raw sitcom. There's just one, meaning di na puwede like before na marami.
"Pag mayroon na yatang one sitcom, parang di na yata puwede, pero why not? Bea and I in a sitcom."
Aminado si Aga na na-miss niya ang paggawa ng sitcoms. Ang Oki Doki Dok ay tumagal ng pitong taon. Ilan pa sa sitcoms na nagawa ni Aga ay ang Da Body en da Guard (2001), at Ok Fine Whatever (2002).
Kuwento niya, "Yeah I've just done sitcoms before, yeah, of course [I miss it]. If I will be offered one, I'll be the happiest.
"Kung sinabi sa akin, 'Aga, you will start taping tomorrow.' I'm here tonight, I'm sleeping here tonight. Wala na raw yata talaga. Well ABS, you know, if you wanted to do another sitcom..."
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at Cinema News si Aga sa presscon ng First Love, na ginanap sa Dolphy Theater, ABS-CBN compound, Quezon City, noong October 10.
DIREK PAUL AS MOVIE'S ANCHOR
Huling napanood si Aga sa pelikulang Seven Sundays ng Star Cinema. Proud at masayang-masaya ang aktor na ginawa niya ang First Love at nakapareha niya si Bea.
"Like what I am saying it's all magical, unbelivable," sabi ni Aga.
"Ginagawa pa lang namin nun, iniiisip ko pa lang si Bea nun and then from that text to that call and now we're promoting, we did a film together.
"Di mo na mawawala yun, nandun na yun. Mayroon na tayong pelikula, mayroon kaming nagawa ni Bea. I'm just happy and grateful again that at this point I was able to work with this great actress."
Papuri din ang ibinigay ni Aga kay Direk Paul Soriano, na ayon nga sa aktor ay siyang nagsilbing pinaka-angkla nilang lahat sa pelikula.
Paliwanag ni Aga, "Yeah, because Paul you know why, he's quiet. Siya yung under-promise, over-deliver.
"Mahirap yung kahit pa 'yan artista o bilang tao, mas masarap talaga yung tahimik ka na lang and then just deliver. Kaysa ang dami mong kinukuwento and then pag nakita naman, wala naman pala.
"That's what Paul Soriano is, he's quiet. Kung ano ang saya namin, kaya kami nakaarte nang tama, kaya naging tama din ang pelikula, that's because of Paul Soriano also.
"He gives it to us but at the end he decides, we all decide."
Pagkukuwento sa amin ng aktor, excited at tuwang-tuwa din ang asawa niyang si Charlene Gonzales-Muhlach na ginawa niya ang First Love.
Aniya, "From day one, kahit siya nagsasabi sa akin when I stopped filming, she was the happiest when I went back filming.
"When I did Seven Sundays, and then this movie, she was one of the happiest. Alam niya ito talaga, ito ang nasa puso ko, ang paggawa ng pelikula."
SCHOOL BEFORE SHOWBIZ
Tinanong din namin ang aktor kung papayagan niya si Charlene kung saka-sakaling may mag-offer sa asawa na magbalik telebisyon at mag-host ng isang show.
Sagot ng former matinee idol, "Yeah, of course, yeah. Kasi akala ng mga tao I made her stop already. Di naman, di naman ganun. Nagkataon lang na we're just living our lives. Me and my wife would be happy to work."
Bagamat bukas si Aga na magbalik-telebisyon ang asawa, pagdating sa kambal na anak na sina Andres at Atasha ay mas gusto niyang mamuhay muna ito bilang mga normal na kabataan at magtapos ng pag-aaral.
Aniya, "Di ko naman tinatanggi sa kanila ang pag-aartista pero para sa akin maging normal muna sila.
"Tutal nagtatrabaho pa naman ako, hayaan munang mag-aral sila kasi pag pinasok nila ang pag-aartista, it changes your life.
"I want them to have a normal childhood first and when they finish college, feel free to be in this industry."
