Nagkaroon ng unang mall show ang isa sa official entries sa 2018 Metro Manila Film Festival, ang OTLUM na dinirek ni Joven Tan.
Ang OTLUM ang isa sa horror entries ngayong taon kaya nagkaroon sila ng pa-Halloween costume contest noong October 28 sa Sta. Lucia East Grand Mall. Dinaluhan ng ilang cast members ng pelikula sa pangunguna ng bida na si Ricci Rivero.
Basketball player ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) si Ricci na introducing sa MMFF 2018 entry na ito.
Dati siyang player ng La Salle, pero ngayon ay sa U.P. Fighting Maroons na nang lumipat siya sa University of the Philippines.
Sikat na basketball player si Ricci at kahit sa unang appearance niya sa mall show, nasaksihan namin kung gaano siya pinagkakaguluhan ng mga fans.
Makumbinse niya rin kaya na panoorin siya sa sinehan ng mga tagahanga niyang nanonood sa kanya sa basketball court?
“Siyempre I’m trying... pero hindi ko naman sila pinipilit. Kung sino lang ang gusto at willing at yun...sana mag-enjoy talaga ang mga nanonood at hindi yung napilitan lang.”
Anong pakiramdam niya sa kasikatan niya bilang player?
“Thankful...thankful ako na nandiyan sila at sumusuporta sa akin,” nakangiting sabi ng 20-year-old player.
Ang balita namin, marami na ang nag-aalok sa kanyang gumawa ng pelikula. Pero, bakit ang OTLUM ang napili niyang gawin?
“For me, it’s something new, gusto ko talagang mag-explore ng iba’t-iba pang bagay.”
Hindi pa masabi ng diretso ni Ricci kung tuloy-tuloy na ang pag-aartista niya. Pero bukod sa pagiging player, napakarami na rin niyang endorsements.
“As of now, ito muna,” nakangiting sabi niya.
Unang pelikula niya, naging entry na agad sa MMFF.
Anong pakiramdam niya tungkol dito?
“Siyempre, sobrang thankful. Hindi naman namin ine-expect, pero siyempre nag-pray rin. Pero inisip na lang namin na kung ano ang makakabuti sa amin at marami, yun na lang.”
Makakalaban niya ang mga batikan na pagdating sa MMFF na naglalaban-laban sa top highest grossing films.
Nandiyan sina Vice Ganda, Vic Sotto, Coco Martin, at iba pa.
Ano ang nakikita niyang laban ng OTLUM?
“Barkada kasi ang story at doon talaga umikot ang istorya. Tapos, feeling ko makaka-relate talaga ang mga millennials ngayon. Nasa age tayo na maraming nasa social media. Parang gusto nila ma-explore ang maraming bagay.”
Sabi pa niya tungkol sa kanyang unang pagsabak sa pag-arte, “Sana suportahan niyo kami rito at siyempre first namin ni Danzel [Fernandez]. Sana suportahan niyo kami this coming December 25 and it’s a simple, traditional horror movie na pang-film fest talaga.
“Pang-family and barkada.
“Story talaga siya about barkada na gustong mag-try ng different things. Siguro, makaka-relate yung mga millennials.”
Naaliw naman kami kay Ricci dahil kahit dati pa, isa pala ito sa mga teen fans ng Kathniel loveteam nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Kaya kung tatanungin daw ito kung sino pa ang mga gusto niyang makasama na artista, ang dalawa ang mabilis niyang sagot.
“Idol ko talaga ang KathNiel, ever since,” pag-amin ni Ricci.
“Lahat yata ng movies nila napanood ko sa movie house. Si Daniel, idol ko talaga.”