“Ang hirap ng ganung buhay!” lahad ni Paolo Contis nang tanungin ito kung bakit dati ay hindi niya ipinush na maging leading man o matinee idol katulad ni John Lloyd Cruz.
Ang isa sa mga aktor na kasabayan ni Paolo dati sa ABS-CBN ay si John Lloyd. Naging co-stars sila sa youth-oriented show na Tabing Ilog.
Ngayong 2018, ibang Paolo ang makikita ng mga manonood dahil pinasok na niya ang romance genre at pagiging leading man.
Si Paolo ang partner ni Alessandra de Rossi sa kanilang movie titled Through Night and Day.
“E, kasi ngayon uso siya. Hindi ka na kailangang maging stereotype na ganun,” sabi ni Paolo nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa ibinigay sa kanyang pocket presscon ng GMA Artist Center.
Dagdag pa niya: “Ako kasi, siguro when I was younger since nagsimula ako four, five, hindi na pumasok sa utak ko ang pagiging leading man, matinee idol ako.
“Kasi, ang dami ko nang ginagawa.
“So ang sa akin, work, work na lang talaga at mas naging interesado ako na mag-kontrabida.”
Unang beses pa lang daw talaga na gumanap siya sa pelikula na leading man talaga.
“Ang tawag dun, li-leading-man-in na ako!” natawa niyang sabi.
“Pero ayokong tawagin ang sarili ko na ganun. Actually, tawang-tawa ako sa Bubble Gang noong isang araw. May sketch ako na naka-pekpek shorts ako. Sabi ko, 'Direk, hindi pala puwede, leading man na ko!'”
Natatawang kuwento pa ni Paolo, “May iniingatan na ‘kong image ngayon.”
Dahil ngayon lang niya naranasan na maging leading man sa isang romantic movie, masasabi ba niya na masarap pala?
“Katulad nang sinabi ko, hindi na kasi siya stereotype. Siguro kung ilang years ago, hindi... hindi ko kayang magsumpaan kayo nang magsumpaan kada-presscon niyo.
"Tapos kailangan naka-ganun ang mata mo [naniningkit], hindi ko kaya, e.
“Saka hindi bagay sa akin, mukha akong gago.
“Pero ngayon, mas open ang tao sa storytelling, sa material. Pero siyempre, iba pa rin yung mga ibang leading man talaga. Pero ngayon kasi, mas adventurous na rin ang moviegoers.”
Sa mga susunod niyang teleserye, hindi ba niya papangarapin na makakuha ng lead role sa projects niya sa Kapuso Network?
“Ay ano, may cut-off na ko. Hanggang 6 a.m. na lang ako the next day,” biro niya.
“Dati kasi 12 noon ako, so 25 hours a day na lang ako magtatrabaho ngayon,” natatawang hirit pa rin niya.
Hindi niya talaga iniisip na maging bida naman sa mga gagawing teleserye?
“Wala, wala talaga,” pag-amin ni Paolo.
“Siguro I assume...baka, it can open doors or opportunity, pero hindi ako umaasa. Tapos, hindi rin ako magde-demand. Manganganak si LJ [Reyes], dyusko, kahit anong trabaho gagawin ko.
“Choosy ka pa ba?
“This is a good blessing, na-experience ko siya. Nabigyan ako ng chance. And hopefully, maging maganda ang reception ng tao or makita at ma-appreciate ng mga tao. It can open doors.
“At least, na-experience ko.”
Si LJ ang girlfriend ni Paolo na kasalukuyang buntis sa kanilang anak.
Nabanggit ulit si John Lloyd na nakasama niya sa Kapamilya Network.
Nang mabalitaan niya ang desisyon ni John Lloyd na pansamantalang iwan ang career at namumuhay ngayon na parang ordinaryong tao, ano ang naging reaksiyon niya dito?
“Oo, tama yun!” saad ni Paolo.
“Hindi naman sa tama. Well, si John Lloyd naman, when he worked, he worked his ass off, di ba? Nakahanap ng panahon at tamang dahilan.”
Dugtong pa niya, “For him, tamang dahilan yun na magpahinga siya.”
Pumasok din ba sa isipan niya na mamahinga sa showbiz lalo pa at nagsimula siya bilang child star?
“Hindi naman ako naging sobrang busy ni John Lloyd, e. Feeling ko, wala akong ganung klaseng ginive-up...”
ON MOVIE WITH ALESSANDRA
Sa pelikula nila ni Alessandra titled Through Night and Day ay nakitaan sila ng chemistry on screen. Malaking bagay raw na magkaibigan na sila nang matagal.
“Sobra, sobra kasi, wala ng ano yun...hindi ka na matatakot na baka ma-offend mo pa yung tao or ma-offend man siya, wala na kong pakialam,” natawang sabi niya.
“Parang tanga ka kung ma-offend ka pa sa akin, e, magkakilala na kayo, e. Matagal na kaming magkakilala and I think that it helped na matagal na wala nang hiya-hiya.”
Ano yung mga gusto niya kay Alessandra bilang ka-trabaho?
“She’s very professional,” saad niya.
“She knows kung ano ang gusto niya sa script, especially since it’s her story. Very focused siya sa gusto niyang mangyari, sa takbo. Maayos, sobrang ayos.”
Matagal na silang magkaibigan, matagal na silang magkakilala. Pareho pa silang half-Italian at half-Filipino ni Alessandra, pero hindi sila naugnay romantically.
“Wala, hindi, e! Hindi ko siya type,” natatawang biro ni Paolo.
“Well, talagang barkada, e. Naging schoolmate ko pa ‘yan sa D.L.C. [Distance Learning Center].”
Ano ang pagkakakilala niya kay Alessandra sa totoong buhay?
“Tingin ko masayahin siyang tao. Maalaga siya sa mga kaibigan niya. Very family-oriented rin siya. At saka, masaya siyang kasama sa group. Para siyang one of the boys, e.
“Kaya nga feeling ko, okay rin ang ano namin...kasi yung humor ko, pang-lalaki. Hindi siya nao-offend.”