Coco Martin considers working with Maine as "pinakamalaking bonus"



Nakahinga nang maluwag si Coco Martin dahil naplansta na ang gusot sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at ng kanyang ABSCBN teleserye na FPJ's Ang Probinsyano.

Sinabi ni Coco sa panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at Cinema News sa ABS-CBN trade launch kamakailan, walang di nakukuha sa maayos na pag-uusap.

"Ayos na ayos na kaya nagpapasalamat kami na isang malaki ring pagsubok na pinagdaanan namin. Sabi ko nga, di ko akalain na magiging isa siyang national issue. Nagpapasalamat ako kasi siyempre nakabalik kami. Ayaw naman naming makasagasa o makasakit ng kahit na sinong tao, anumang organisasyon. Thanks to God na naayos naman.

"Sabi nga namin yung respeto namin sa kanila, yung pagpapahalaga namin, nandun. Siguro nakulangan lang ng komunikasyon, ng pagpapaliwanag sa isa't-isa. Ang mahalaga nagkausap, nagkapaliwanagan, nagkaintindihan."

Agad na tinanong ang aktor kung ano ang unang reaksiyon niya nang personal na nakaharap niya si PNP Chief Director Oscar Albayalde nang personal siyang pumunta sa Camp Crame.

Kasama ni Coco ang ilang top executives ng ABS-CBN nang lumagda sila ng memoramdum of understanding sa pagitan ng Ang Probinsyano at PNP.

Ani Coco, "Binati ko siya [Albayalde]. Actually, natutuwa ako sa kanya. Mabait siyang tao, ramdam mo, e. Mapagkumbaba siya. Pinaliwanag nila yung side na naintindihan namin. Pinaliwanag din namin ang side namin. Maganda yung kinalabasan."

Siniguro ni Coco na mahaba pa ang tatakbuhin ng kanyang prime-time series. May usap-usapan na mapapanood pa ito hanggang September 2019.

"Napakahaba pa ng tatakbuhin ng Ang Probinsyano kaya napakarami pa ang pwedeng dapat abangan."

ON WORKING WITH MAINE

Sa ngayon, excited si Coco sa pelikulang Jack Em Popoy: The Puliscredibles. Hindi siya makapaniwala na nakatrabaho niya sina Vic Sotto at Maine Mendoza sa 2018 Metro Manila Film Festival entry na ito.

"Oo, excited. Sabi ko nga imposibleng mangyari pero nangyari. Dalawang pamilya ang nagsama para paligayahin lahat ng mga tao sa darating na Kapaskuhan. Nakakatuwa kasi akala ko isang pangarap lang na nagkatotoo.

"Di ko akalain na makakatrabaho ko si Bossing [Vic], pangarap ko lang talaga na sana makatrabaho ko siya. Bata pa lang ako, pinapanood ko na siya. Ang pinakamalaking bonus dun ay yung di ko akalain na magkakatrabaho kami ni Maine kasi alam naman namin na magkaiba kami ng istasyon and then sinuportahan kami ng bawat istasyon namin.

"Sabi ko nga, siguro para sa mga tao para mapaligaya namin sila sa darating na Pasko."

Si Coco ay talent ng ABS-CBN samantalang si Maine ay bahagi ng GMA-7 noontime show na Eat Bulaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN