Hindi magawang pagkumparahin ni Paolo Ballesteros ang acting performances at characterizations nina Christian Bables at Martin del Rosario bilang Barbie sa magkasunod na installment ng Die Beautiful at Born Beautiful.
Si Christian ang unang gumanap bilang Barbie sa Die Beautiful na ipinalabas noong 2016.
Masasabing "minana" ni Martin ang role na dapat sanang gampanan ni Christian, ngunit dahil sa ilang di pagkakaunawaan ay tuluyan nang binitiwan ni Christian.
Read: Christian Bables explains why he got replaced by Martin del Rosario in Born Beautiful
Sa kabilang dako, may mga nagsasabi ring blessing in disguise naman ito para kay Martin, na maugong ang pangalan ngayon dahil nga sa magandang hype ng Born Beautiful, na kahapon lang ay nagkaroon ng SRO uncensored screening sa UP Cine Adarna sa UP Diliman, Quezon City.
Parehong transgender ang role na ginampanan nina Christian at Martin, bilang best friend ng character ni Paolo sa nabanggit na mga movies.
Pahayag ni Paolo tungkol sa acting style nina Christian at Martin, “Parehas naman silang magaling, di ba?
“Parehas ko naman silang nakasama.
“So, parehas naman yung character, parehas naman ang pangalan.
“Pero magkaiba ang flavor.”
Exclusive na nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Paolo sa uncensored special screening ng Born Beautiful na ginanap sa UP Cine Adarna, Diliman, Quezon City, nitong nakaraang Biyernes, January 18, 2019.
RAPPORT WITH MARTIN
Sa Born Beautiful, nai-excite si Paolo sa kung ano ang magiging feedback ng manonood sa pagganap ni Martin.
Ayon pa kay Paolo, “Siyempre, looking forward ako dito kay Martin kasi siyempre bago.
“So, parang, 'Ano kaya ang ibibigay nito?'
“Pero nung nag-shoot kami, okay naman.”
Madali para kay Paolo at Martin na magkaroon agad ng rapport.
Ayon kay Paolo, “Ano kasi ako sa shooting, malandi ako, e.
“Para close na agad. Saka kakilala ko na siya from before.”
Maraming halikan at may mga silhouette sexual scenes si Martin sa kanyang mga leading men na sina Akihiro Blanco at Kiko Matos, bukod pa sa hindi mabilang na torrid kissing scenes nito sa dalawa.
ACTING LIMITATIONS
Natanong ng PEP.ph kay Paolo kung kaya ba niya ang mga ginagawa ni Martin kung sakaling sa kanya naibigay ang mga ganitong intimate scenes sa nauna niyang pelikula.
Nang pasegundahan ng tanong kung imposible itong mangyari dahil sa pagiging host niya ng Eat Bulaga, umayon naman ito.
“Yun lang!” bulalas ng aktor habang nangingiti.
Pero nag-comment si Paolo na kaya niyang gawin ang mga sensitive sexual scenes kung naibigay ito sa kanya.
“Why not?” sambit nito agad.
MORE CAUTIOUS WITH ROLES
Itinanggi ni Paolo na mas magiging maingat siya sa mga gagawing eksena ngayong meron na siyang international Best Actor award.
Matatandaang pinarangalan siya ng Best Actor award sa 29th Tokyo International Film Festival noong 2016 para sa kanyang pagganap bilang isang transwoman sa pelikulang Die Beautiful.
Komento niya, “Alam mo, kahit naman walang award, kaya naman yun.
“Pero hindi pa rin puwede yung sobrang ano, kasi nga meron pa akong iba pang show.
“May Eat Bulaga pa ako."
Pinagbawalan ba siya ng Eat Bulaga na gumawa ng sobrang daring scenes?
“Personal choice ko 'yan," sagot ng Dabarkad.
Hanggang saan ang kaya niyang ipakita?
"Hanggang kaliwang bay*g," pabirong sabi ni Paolo.
Papayag ba siya na gumawa ng butt exposure scene?
"Hindi ko alam," aniya.
Depende ba ito sa magiging ka-eksena niya?
"Depende sa budget! Charet!"