Bakit nga ba hindi napunta kay Nora Aunor ang pelikulang Jesusa na sa kanya lang dapat nakalaan?
Ayon kasi sa kumakalat na balita, ang schedule ng Superstar ang pinakaunang dahilan kung bakit pinalitan ito sa pelikula ng aktres na si Sylvia Sanchez.
Lalo na nga raw at mae-extend ang GMA-7 teleserye na Onanay, kung saan isa sa cast si Nora.
Mismong ang direktor at writer ng pelikula na si Ronald Carballo ang nagbigay linaw kung ano ang nangyari.
Diretsahang itinanggi ni Direk Ronald ang bali-balita, “Hindi totoo. Hindi totoo.
“Noong hindi na kami natuloy, wala pang extension ng Onanay.
“With due respect to the one and only Superstar, sana ay ‘wag na nating gawing masyadong intriga; sasabihin ko kung ano talaga ang nangyari.”
Dito na isiniwalat ni Direk Ronald ang naging karanasan niya kay Nora Aunor.
Kuwento niya, “So sinabi ko talaga sa kanya at sinabi ko sa harap niya, at sinulat ko pa sa Facebook blog ko na hindi ko gagawin ang pelikula kung hindi si Nora Aunor ang gaganap.
“So nag-usap kami, maayos ang usap namin, close na yung deal.
“‘Tapos pumayag ako sa marami niyang conditions na masa-sacrifice ang maraming elements ng pelikula, especially yung budget.
“Pero pumayag pa rin ako sa pangarap ko at kagustuhan kong maidirek ang nag-iisang Superstar.”
WORKING TERMS OF SUPERSTAR
Pagkatapos nito ay inisa-isa ng direktor ang ilang kondisyon ni Nora na kanyang pinayagan.
“Number one, iba na pala ang working style o working attitude ni Ate Guy.
“Magkahiwalay ang kanyang day effect at night effect sa shooting. Magkahiwalay.
“So yung one day, magiging two days kasi kung day effect, 8 am to 5 pm lang siya.
“Pag night effect, 4 pm to 9 pm lang siya so mahahati into two days talaga ang isang araw.
“Pero pumayag ako kahit ganun pa, pumayag ako sa punto na yun.
“Pumayag din ako sa hiningi niyang talent fee, okay na, pumayag na nga ako kahit masakripisyo na…”
Yun nga lang, bago pa nga raw magpipirmihan ng kontrata, may nabago sa napagkasunduan nila.
Saad ng writer-director, “Nung magpipirmahan na nang contract, with due respect to her, which is normal naman to any contract signing, ibinalik ko through email yung mga napag-usapan namin sa contract for her to read.
“Nung mabasa niya na, siya naman ang nagbigay ng mga elemento nung kontrata, nag-iba na yung isip niya.
“Nagbago na ang isip niya. Marami na siyang tinatanong, mga nakakagulat na tanong.
“Hanggang kausap ko siya sa phone, naiiyak na talaga ako sa phone.
“Kasi hindi ko akalain na maiiba yung usapan sa napag-usapan na.
“Anyway, after that, katabi niya yung handler niya, sinabi ko na pag-uusapan muna namin, pag-iisipan muna namin.
“Hanggang kinagabihan, hapon ko siya kausap, kinagabihan tinext ko na yung handler at sinabi ko na na-decide ko, na-decide nung team na papalitan na lang namin siya.
“Malungkot man, pinalitan namin siya, natapos na dun.”
REPLACING THE SUPERSTAR
Pero pagkatapos nito ay bigla nga raw nagbago na naman ang isip ni Ate Guy.
Sabi pa ni Direk Ronald, “The following day… as early as 8 am, tumatawag yung handler at sinabing pumapayag na raw si Ate Guy kung anuman yung lahat nang nakalagay sa contract.
“Hindi na talaga ako pumayag, ’Sorry, hindi na puwede kasi, imi-meet ko na yung ipapalit namin sa kanya.
“So with that, napalaking blessing na, siyempre, si Lord naman talaga ang nag-aayos nang lahat ng ito.
“Maaaring hindi talaga natuloy si Ate Guy, not meant for her yung material, at napunta kay Sylvia Sanchez.
“So nung napunta kay Sylvia, nabura lahat yung sinabi ko na hindi ko gagawin ang pelikula kung hindi si Nora Aunor.
“Kasi nakita ko kung gaano ka-professional si Sylvia Sanchez, kung paano niya tinackle yung role.
“Eventually naisip ko talaga na siya talaga yung ibinigay, para mas lalong mapaganda yung pelikula at maisabuhay ang isang materyal na pangarap ko talagang gawin at matagal ko talagang itinago.”
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng ilang press people sa grand media launch ng Jesusa si Ronald na dating kolumnista na naging direktor.
Ginanap ang presscon sa West Avenue Hotel kahapon, January 29.
Bukas naman ang PEP sa anumang pahayag ni Nora Aunor sa rebelasyong ito ni Direk Ronald.