Tinuldukan na agad ng aktres na si Sylvia Sanchez ang anumang posibilidad na pagkumparahin o intrigahin silang dalawa ng Superstar na si Nora Aunor.
Orihinal na inalok kay Nora ang lead role, pero balitang tinanggihan ito ng Superstar kung kaya napunta ang karakter kay Sylvia.
Nagsalita si Sylvia sa press conference ng pelikulang Jesusa na ginanap sa West Avenue Hotel noong January 29.
Natanong si Sylvia: hindi kaya panghinayangan ng Superstar kapag mapanood nito ang pelikula?
“Kapag napanood niya... well, hindi ko alam, baka naman talagang ayaw niyang gawin or hindi niya talaga gustong gawin, kung ano mang rason,” pahayag ni Sylvia.
“Meron din nga kasing nagtatanong sa akin ng ganito. Sinabihan na ko or may nagsabi sa akin...ngayon pa lang, inaano na nila ko na parang, 'After Ate Guy, ikaw na ang susunod. Ano ang pakiramdam?' Yung mga ganun.
“Parang inaano nila ko, parang kino-compare nila ko kay Ate Guy.”
Sa puntong ito, si Sylvia na ang nakiusap na huwag daw itong gawin. Huwag daw silang pagkumparahin ng Superstar.
“Please, ‘wag niyong gawin na i-compare ako kay Ate Guy,” pakiusap niya.
“Kasi, ni-katiting na narating ni Ate Guy, hindi ko narating yun. Ate Guy is Ate Guy, no comparison.”
Dugtong pa niya, “Irespeto natin ang Superstar dahil pinaghirapan ni Ate Guy ‘yan. Pinaghirapan niya ‘yan.
“Isa ako sa mga rumerespeto at humahanga kay Ms. Nora Aunor, sa Superstar natin. At kahit na anong mangyari, kahit hindi niya ito nagawa, ako ang gumawa.
“Hindi niya natanggap, ako ang tumanggap, lalapit pa rin ako sa kanya at sasabihin ko na walang yabang, ikaw pa rin ang nasa top. Ikaw pa rin ang nirerespeto ko. Ikaw pa rin ang nag-iisang Nora Aunor.”
Pinalakpakan naman si Sylvia dahil sa mga naging pahayag at papuri niya sa Superstar.
At sabi pa rin niya, “Nora is Nora Aunor.
“Walang makakapantay. Walang makakapalit.”
Ang Jesusa ay ipalalabas sa summer ng taong ito. Sinulat at dinirek ito ni Ronald Carballo sa ilalim ng OEPM.