Ayon kay Robin Padilla, mayroon siyang isang pagkakahalintulad kay former Philippine National Police (PNP) Chief General Ronaldo “Bato” dela Rosa: pareho silang takot sa asawa.
“Opo, totoo po yun,” pag-amin ng action star.
“Wala namang lalaking hindi takot sa asawa. Kahit tanungin niyo ang mga lalaking may asawa, lahat takot.”
Biniro tuloy si Robin na ngayon lang daw yata siya natakot, ngayong si Mariel Rodriguez na ang misis nito.
“Lahat naman, mas takot lang ako ngayon,” natatawang sabi niya.
Malaki raw ang pasasalamat niya kay Mariel na sa last day shooting ng pelikula niyang Bato: The General Ronaldo dela Rosa Story, ito raw ang nag-asikaso ng kinain ng buong cast at staff.
“Mahilig ‘yan sa party, di ba? Silang dalawang magkapatid. Nung last day, sabi ko, 'Babes, itong mga taong nagtrabaho rito, pinakapagod ito.'
"Sabi ko, sa tagal ko nang nagtrabaho sa pelikula, ang akala ko nga yung 10,000 Hours na ang pinakamatindi kong ginawa, kasi sa abroad namin ginawa.
“Pero hindi pala, ito pala!
“Kaya sabi ko, bigyan natin sila ng pagkain buong araw.”
Ipinagmamalaki rin ni Robin na wala pa raw 24 oras mula nang sabihin niya kay Mariel ay nagawa nito lahat mula sa agahan, tanghalian, hapunan, at dalawang miryenda.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Robin sa presscon na ginanap kamakailan sa 38 Valencia Events Place. Si Robin ang gumanap sa katauhan ni Bato sa pagsasa-pelikula ng buhay nito, ang Bato: The General Ronaldo dela Rosa Story na palalabas na ngayon sa mga sinehan. Ito ay produced ng ALV Films at distributed by Regal Films.
Akala ni Robin noong una ay magkakaroon ng conflict sa schedule niya kaya nag-suggest siya ng ibang aktor para maging bida sa pelikula.
Ilan sa mga actor na iminungkahi raw niya na gumanap sa buhay ni Bato ay sina Coco Martin at ang pamangkin na si Daniel Padilla.
Ni-recommend rin ni Robin ang manugang niya na si Aljur Abrenica.
Ani Robin, “Isinuggest ko po, kaya lang hindi sila nagkasundo. Kahit si Kylie, isinuggest ko rin. Kaso, hindi lang nagkasundo sa schedule.”
Sabi pa niya, “Ilang beses na kaming nag-usap ni Aljur.”
Close na ba sila?
“Oo naman!” mabilis niyang sagot.
Dugtong pa niya, “Very, very sweet kami.”
Nakokornihan naman daw siya kapag Daddy ang tawag sa kanya ng manugang.
“Ako, ang tawag ko sa kanya ‘Tol! Siya naman, minsan Daddy, e, nakokornihan ako. Minsan, Tito. E, iba na ang panahon ngayon. Baka sa usapin ng magkaibigan at mag-best friend, baka mas mahalin pa niya ang anak ko.”
Masaya ba siya sa nakikita niya ngayon sa anak na si Kylie at ni Aljur?
“Dati naman akong masaya,” saad niya.
“Masaya sila, masaya ako. Ang sa akin lang naman, bigyan nila ng pangalan ang anak nila. Nabigyan na nila, e, di ayos. Thank God.”
Pagdating sa action, ipinamamana na raw ito ni Robin sa mga bata.
Madalas ay si Coco ang nabanggit niya pagdating sa action. Pero meron pa ba siyang ibang nakikita?
“Si Dingdong [Dantes]. Okay sa akin si Dingdong. Magandang kumilos si Dingdong din. Si Dennis Trillo, okay rin naman.
“Pero sana yung totoong martial artists. Naghahanap din ako. Yung magdadala ng FMA [Filipino Martial Arts] sa Asia.”
E, si Daniel?
“Naka-ilang offer na rin kami kay Daniel, hindi natutuloy. Nadidismaya na rin ako.”
Ito ba ay dahil pang-romantic leading man kasi si Daniel?
“Hindi naman, siguro dahil lang sa busy siya sa Star Cinema.”
Aminado si Robin na nahirapan siya sa pagiging iyakin ni Bato dahil kinailangan rin niyang umiyak para sa pelikula.
“Nahirapan ako dun, nahirapan po akong talaga,” lahad ng aktor.
“Hindi naman po sa dahil hindi ako iyakin pero hindi naman kasi ako yung public na ano na nagpapakita ng emosyon.
“Pero mahirap, iba yung iyak.
“Pareho sila ni Mayor na hagulgol. Mahirap talaga.”
Saan niya hinugot ang paghagulgol niya?
“Pinag-aralan talaga namin yung sa Senate. Pinanood namin. Bago namin kinunan, minotivate ako ni Direk Adolf [Alix Jr.]. Maraming binalik na memory si Direk Adolf, e.”
