Julio Diaz stars in three indie films


Julio Diaz plays a treasure hunter in the Cinemalaya entry 24K (movie still shown above). He is also part of the Cannes official entry Kinatay and the upcoming Biyaheng Lupa.



Madalas napagkikita ngayon si Julio Diaz, isa sa maituturing na seasoned actor na sumikat noong mid-'80s hanggang sa buong dekada '90s. Bahagi siya ng maraming memorable films ng naturang panahon, kabilang ang Takaw Tukso (1986) ni William Pascual, Kasalanan Bang Sambahin Ka? (1990) ni Chito Rono, at The Flor Contemplacion Story (1995) ni JoelLamangan, kung saan gumanap siya bilang Efren Contemplacion, husband ng Nora Aunor-lead character.

This year, Julio is in the cast of at least three independently-produced digital films: Brillante Mendoza's Kinatay (Butchered) which competed at the 2009 Cannes Film Fest, Bing Lao's directorial debut, Biyaheng Lupa (Soliloquy), and Ana Agabin's 24K, an entry to the Cinemalaya '09 full-length feature category kung saan gumaganap si Julio bilang isang treasure hunter.

Maging sa telebisyon, nabigyan din ng pagkakataon si Julio na muling patunayan ang husay sa pag-arte, via the afternoon drama series, Dapat Ka Bang Mahalin? (directed by Maryo J. delos Reyes).

Sa lahat ng ito, kumbaga sa "acting workshop test," ay masasabing nakalusot ang morenong aktor; nariyan pa din ang talent niya sa pag-arte, na sabi rin ng mga nakapanood sa kanya last year (sa Serbis ni Direk Brillante) ay lalong umigting o naging mas katanggap-tanggap.

Sa Serbis masasabing unang nag-"comeback" sa pelikula si Julio Diaz. At ang pagbabalik na 'yon ay hindi basta-basta, dahil pang-Cannes 2008 main competition ang pelikula.

Proud si Julio sa pangyayaring 'yon, pero hindi big deal sa kanya ang sinasabing big acting comeback daw niya. "Tuwing may pelikula ako, sasabihin nila comeback. Comeback ako nang comeback?" nakakatuwang reaksiyon ng aktor.

Hindi pa rin siya sanay sa mga intrigang showbiz. Komo nawala siya sa limelight for sometime (sa simula ng taon ng bagong milenyo), may mga naging usap-usapang hindi maganda tungkol sa kanya. Na kesyo lulong siya sa bisyo; kesyo naghihirap siya, at kung anu-ano pa.


"Bakit ang artista, kailangang ibaba siya sa kanyang kinalalagyan?" tanong pa niya. "Kinu-kuwestiyon ko 'yon, e. The word is 'intriga.' di ba? Pero ang intriga kasi, ano 'yun, eh, 'act of kabobohan'...Like in my case. Ipagpalagay na, wala akong ginagawa, may mga isyu nu'ng araw na, biglang, 'Si Julio, naghihirap na?!"


Nagulat daw siya sa ibinibilang na pang-iintrigang 'yon at nasita ang sumulat ng artikulo (o kolum). Nilinaw rin ni Julio ang maling pagtuturing, aniya, nagpapagawa siya ng apartments at ibinebenta o pinauupahan ang mga 'yon, kaya kahit hindi siya magpaka-aktibo sa pelikula o TV, ay hindi siya magugutom.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Out of the blue, on national television, ang porma-porma mong ganyan, bigla kang tatanungin, 'Naghihirap ka na ba?' Nakaka-offend talaga!" Pero, wika rin niya, "Kahit ano'ng sabihin nila, hindi [nila] ako maida-down!"

* * * * *

PREFERENCE FOR MEATY ROLES. As an artist, progressive ang tunguhin ni Julio Diaz. Looks like he'll be a much-sought after talent of indie movies in the years to come. At excited siya sa nasabing prospect."Alam mo, itong mga ginagawang indie movies ngayon, ang mga actors dito, meaty talaga ang mga role... malalalim!"

Sa pagku-compare ni Julio, there were years na busy siya sa sunud-sunod na movie projects, pero halos hindi niya mawari ang uri ng mga papel na ginagampanan; may mga dialogues pa raw siya noon, na hindi niya malaman kung bakit kailangan niyang i-deliver sa eksena.

"Nung araw 'yon, tapos na 'yon," natatawa na lang ang aktor sa pagbabalik-tanaw. "Siyempre, kanya-kanyang panahon..."

Yung tinatawag na "maturity" bilang artist o alagad ng sining, para kay Julio ay simple lang ang ibig sabihin. May kaugnayan 'yon sa pagkakaroon ng karanasan na sangkot ang damdamin.

"Hindi mo masasabi kung kailan darating ang maturity na 'yon," aniya, "Siguro, as an actor, pag marami [na] akong 'pondong pakiramdam'..." Ibig sabihin, marami nang karanasan na paghuhugutan ng damdamin sa mga eksenang kinakailangan niyon.

"So, in my years na nabuhay ako sa mundong ito, marami na siguro," paliwanag pa ng sensitibong aktor. "Pero during my first five years sa industriya, kulang pa rin ang aking mga experiences."


THOUGHTS ON SUCCESS AND FAILURE
. Interesting din na malaman, mula sa isang tulad ni Julio Diaz, ang kanyang pananaw tungkol sa tagumpay at kabiguan.



"I've been through failing years, pero nu'ng ina-analyze ko, [I thought] there's no such thing as failure pala," makahulugang saad pa ni Julio. Maaaring nasa pagtanggap din 'yon; in one's acceptance of any given situation.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"Kasi, the moment na nagbubunga ang isang bagay, anything na maging bunga, ito yung achievement mo sa buhay; whether it's success—or failure!"



At sa halimbawang binanggit, ani Julio: "Tingnan mo, may success ka, pero hindi mo kayang dalhin 'yung 'successful' life na 'yon; like, in my case, hindi ko kinaya yung 'successful life', during the time na nasa height ako ng aking career. Hindi ko kaya ang mga taong lapitan nang lapitan sa akin, ngitian nang ngitian, binu-boost ang ego mo. Then, there you go...



"Ito na pala yung nasa height ka, pero you still fail, kasi you're up there, pero hindi mo alam ang kinalalagyan mo. So, ano'ng ibig sabihin no'n? It's also a failure, di ba?



"So, sabi nga nila, nasa kababa-babaan [man] ako ng aking career these days, I found out na, ito pala ang 'successful life' ko, because hindi pala pera ang pinag-uusapan dito, but how you can manage yourself sa isang pressure," mahaba ngunit maayos na paliwanag pa ni Julio.



At ang isang halimbawa ng 'pressure' na nakakayang dalhin nang maayos ni Julio Diaz these days ay: "Like, 'pag tinatanong mo 'ko about the 'gender issue' [may intriga noon na na-kuwestiyon ang kasarian ng aktor], sasabihin ko [lang] sa 'yo, 'Kawawa ka naman, bakit pinag-iisipan mo pa 'yan hanggang ngayon?'"

ON DANTE M. AT MARYO J. Tungkol pa rin sa success at failure ang topic nang banggitin ni Julio Diaz ang pangalan ni Direk Brillante na mas kilala sa kanyang palayaw na Dante.



"Si Dante, failure... sa recognition dito sa Pilipinas, pero out there [sa international filmfest circuit], sino ang nakapasok, two years in a row, at finalist, sa Cannes [And for that matter, won the Best Director award for his film, Kinatay.]?

"So, 'pag pinag-uusapan na yung failure na sinasabi natin, nobody pala really fails sa totoong buhay. There's no such thing as failure," pag-conclude pa ni Julio.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



As for director Maryo J. delos Reyes, hindi na nag-discuss si Julio ng kanyang argumento hinggil sa kabiguan at tagumpay. Nagkuwento lang siya, tungkol sa magandang karanasan ng pagta-trabaho para sa Dapat Ka Bang Mahalin? ang pang-hapong dramaserye na dinirek ni Maryo J. para sa GMA-7.



"Personal choice ako ni direk Maryo," pagmamalaki ni Julio, na nakasama sa serye si Ara Mina.



Nang i-offer sa kanya ang role, hindi bilang tatay ni Ara, kundi bilang mas may-edad na ka-relasyon, nag-worry lang si Julio sa kanyang wardrobe.

"Basta, Direk, hindi pang-lover boy ang mga damit ko, ha," banggit daw niya, at nagawan agad ng paraan ang nasabing problema. Dahilan para lalo siyang matuwa, na naro'n ang pagpapahalaga ng mga tauhan ng produksiyon sa nagbabalik-akting.



''Yung kumpiyansa ko ngayon, bilang artista, naramdaman ko," sabi pa ni Julio. "Kasi nakita nila, ganito pa rin ang attitude ko ten years back, e. Ito pa rin ako. Ganito pa rin ang sistema ko. Pareho pa rin."



Kung uso man ngayon ang indie movies, kaya pa rin ngang maglagare ni Julio Diaz sa dalawa o tatlong projects; tulad noon, sa mainstream productions. "Siguro, talagang kinakapos ang industriya ng artista," pagpapalagay pa niya.



"It's up to them. Kasi, ang problem na nababanggit [lang] is... they don't know how to deal with me. E, samantalang ganu'ng kasimple lang naman akong tao," pangwakas na sambit nga ni Julio.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN