Scriptwriter Ricky Lee praises Angel Locsin for her Nora Aunor interpretation


Angel Locsin read the dialogue of Nora Aunor in the 1982 classic film Himala during the book launch of Ricky Lee's Si Tatang At Mga Himala Ng Ating Panahon.



Sa maraming aspeto ay masasabing naging matagumpay ang muling paglulunsad ng librong Si Tatang At Mga Himala Ng Ating Panahon ni Ricky Lee, noong May 31 (mula ika-3 ng hapon hanggang ika-8 ng gabi) sa Powerbooks, SM Megamall.

Masaya ang multi-awarded writer dahil maraming tao ang sumaksi at sumuporta: mga kasamahan sa industriya (local showbusiness), media, members of the academe, mga represenative mula sa daigdig ng teatro at pulitika, at siyempre, mga tagahanga.

Ang publikong mambabasa ay naroon at matiyagang pumila, para sa book signing na tumagal nang halos dalawang oras.

Nauna rito ay ang palatuntunan kung saan nagbasa ng ilang piling excerpt ng iba't ibang akdang kabilang sa antolohiya ang mga inimbitang guests, kabilang sina Ricky Davao at Chanda Romero (Kabilang Sa Mga Nawawala), Alan Paule (Mga Batang Lansangan: Taft at Luneta), Jean Garcia (Tiririt ng Yvonne), Jaclyn Jose (Mga Batang Lansangan: Sa Ermita Na-Virgin), Ogie Alcasid (Paggawa Ng Himala), Vangie Labalan (nanay ni Elsa sa Himala) at Angel Locsin (Elsa).

Nagbasa rin ng excerpts sina Prof. Danton Remoto, Tata Nanding Josef, Phillip Salvador, at Dingdong Dantes.

Sa kanila ay taos-puso ang pasasalamat ni Ricky Lee; gayundin sa iba pang naroon, kabilang sina G. Bienvenido Lumbera, National Artist for Literature; Daet Mayor Sarreon at pamilya; veteran actor Tony Mabesa; film director Ellen Ongkeko-Marfil (and husband, Martin); Eric Reyes (direktor ng programa), mga staff at personal friends (kabilang sina Jerry at Mely Nicandro); at talent managers Edgar Instrella at Becky Aguila. Dumating rin ang ibang artista tulad nina Bing Pimentel; Robi Domingo; Matet de Leon; Melanie Marquez; at Marco Morales. Kabilang naman sa mga kaibigan ni Ricky Lee ang PEP copy editor na si Flor Caagusan and editor-in-chief Jo-Ann Maglipon of Summitmedia's YES Magazine and PEP.

Malaki ang pasasalamat ni Ricky Lee sa mga dumalo sa re-launch ng kanyang libro. "Gusto kong magpasalamat sa suporta ng mga tao, magkakaiba mang istasyon, magkakaiba mang paniniwala, sa pulitika o sa showbiz, taga-akademya man, taga-theater... lahat sila, tumulong at sumuporta sa akin."


PASSION FOR READING. Nang ma-interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang batikang scriptwriter, gusto nitong iparating sa publiko ang isa sa kanyang advocacies, kaya siya sumusulat ng mga libro.

"Sana mas lumawak at dumami pa ang magbabasa ng Filipino authors, ng trabaho ng mga Pilipino," sabi ni Ricky. "Pag pumunta tayo sa bookstores, ang nakikita natin, ninety percent ng mga trabaho sa bookstores, trabaho ng mga foreigners; ten percent lang ang trabaho ng mga Pilipino. Pag pumunta ka sa libraries, gano'n din; ten percent lang ang trabaho ng mga Pilipino..."

Gusto ni Ricky na mas madagdagan ang mambabasa at tagatangkilik ng Filipino works, kundi man mahigitan pa nito ang sa foreign authors.

Si Ricky Lee ang may akda ng mga isinaaklat na screenplays (Brutal/Salome, Bukas, May Pangarap), dula (Pitik-Bulag Sa Buwan Ng Pebrero), scriptwriting manual (Trip To Quiapo), at nobela (Para Kay B [o Kung Paano Dinevastate ng Pag-Ibig ang 4 out of 5 sa Atin]).

Ang Si Tatang At Mga Himala Ng Ating Panahon ay antolohiya ng iba't iba niyang akda, mula noong 1960s hanggang 2009. Nagkaroon na ito ng dalawang paglulunsad: noong 1988 (may 2nd edition noong 1990) at nitong May 31, 2009 kung saan mayroong mga karagdagang sulatin at pag-a-update, at bagong anyo ng cover: si Nora Aunor, sa isang eksena sa pelikulang Himala ni Ishmael Bernal, National Artist for Film.

Nataon ang Himala book launching ni Ricky Lee, dalawang araw bago ang paggunita (ngayong June 2) sa 13th death anniversary ni Ishmael Bernal.

At maraming fans ni Nora Aunor ang sumuporta din kay Ricky Lee, na sumulat ng Himala screenplay (at stage adaptation). Sa mga Noranian ay muli siyang nagpasalamat.


IN PRAISE OF ANGEL. Nabanggit ni Ricky Lee ang ilan sa mga nagbasa ng excerpt na hindi niya inaasahan ang naging positibong reaksiyon, mula sa mga bisita at sa kanya mismo.

"Habang pinapakinggan ko si Ogie, buhay na buhay 'yong sinulat ko; bagong sulat kasi 'yong Paggawa ng Himala, para dito sa special edition, karamihan interview sa telepono, madaliang writing talaga." Bukod sa nagbasa, umarte rin, ang singer-comedian na si Ogie. Ginaya ni Ogie ang pagiging set crowd director ni Joel Lamangan noong ginagawa ang Himala sa ilalim ng direksiyon ni Ishmael Bernal.

"Si Phillip Salvador, kanina lang din nabasa... at lahat sila nagko-concentrate," aniya pa.

"Pero gusto ko talagang purihin si Angel [Locsin], kasi kinakabahan talaga; sabi niya, 'Si Guy [Nora Aunor] naman 'yan, pa'no ko 'yan gagawin? Superstar yan!'

"Ang galing niya!" wika ni Ricky Lee. 'At saka, 'yon na lang tinanggap niya, ginawa niya, kumampi siya, hindi siya tumalikod... ibig kong sabihin, kung sinong sikat na napakadaling sabihing, 'Sorry, kuya Ricky, ayaw kong gawin kasi may taping ako...' 'yon pala ang totoong dahilan, natatakot lang na ma-compare kay Guy..."

Pero si Angel Locsin, pagbibida pa ni Ricky, "Ina-appreciate ko, kasi, kahit may gano'ng kaba, maski na baka laitin ng iba, o intrigahin, 'trinay' niya... madali namang mag-'no', hindi naman ako producer, wala namang bayad..."

Noong 1988 launch, si Janice de Belen ang reader bilang si Elsa.

"During that time, iba pa; ngayon, alam na ng tao [ang monologue ni Elsa sa huling bahagi ng Himala]. Memoryado na, siyempre, mas mahirap gawin."

At kwento pa ng manunulat, 'eto pa raw ang sabi ni Angel: "Kuya Ricky, alam na ng mga tao ang linya niya, ang hirap gawin!"

Pero nagawa ni Angel Locsin nang mahusay ang naitoka.

"I think, 'yon ang maganda. Naging honest siya... Kaya siya naiyak. Naramdaman niya 'yong lines, 'yong katotohanan."


SEX VIDEO SCANDAL. Sa bagong panahon ng mga usapin tungkol sa kontrobersiyal na sex video scandal, sangkot ang mga kilalang personalidad ng local showbusiness, maaalala ang mahalagang eksena sa Himala (1982), nang makunan ng pelikula ng documentarist na si Orly (ginampanan ni Spanky Manikan) ang pagkaka-rape kina Chayong (Laura Centeno) at Elsa (Nora Aunor).

"Oo nga... muntik na pala siyang [Elsa] ma-video scandal, ano? Kaya lang, may konsensiya si Orly, kahit na ambisyoso siya; may kunsensiya siya," saad ni Ricky. "'Yun ang turning point ng buong buhay ni Elsa. Dahil du'n sa video, na muntik na siyang ma-expose, du'n siya nagdalawang-isip, kaya sa ending, nag-decide siya, na sabihin na ang totoo..."

Ang kaibahan nga lang, pagpupunto rin ni Ricky Lee, "Noong panahon ng Himala, rare pa ang gamit ng video, and yet, nando'n na ang potential... ang posibilidad na 'pag nakunan ka ng video, wala ka nang nakatago; lantad at maski sino, puwedeng makakita."

"Na puwede siyang maging evil, pero puwede rin siyang maging instrumento ng kabutihan. Pero, that time, nakita ni Orly na baka maging instrument ito ng kasamaan, kaya tinubuan siya ng konsensiya."

"Twenty six years later, lumakad na ang teknolohiya at kita mo na 'yong puwedeng nangyari kay Elsa that time, kung inilabas ni Orly 'yong pelikula. At puwedeng kumalat 'yon, kung may mga pirata na din noon, nagkaroon ng pirated copies, at nabaligtad 'yung buhay ni Elsa," paliwanag din ni Ricky Lee.

Bagama't sa ibang progresibong bansa, ang sex videos ay karaniwang legal na kalakal. Iba ang sitwasyon, sa anumang panahon, sa ating bansa, o sa kulturang Pilipino,

"Ito, iba, siyempre, mga hidden lives ito, e, mga celebrities," sabi ni Ricky (hindi niya tinukoy ang mga pangalan ng nasasangkot ngayon sa controversy, tulad nina Katrina Halili, Dr. Hayden Kho, at Dra. Vicki Belo).

"Iba 'yon. Parang si Elsa noon, na [itinuturing na] isang santa, tapos [kung] may gano'n..." sa isipan ni Ricky Lee, iba ang kaso ng pornography sa ibang bansa at ibang kultura.


TOTOONG HIMALA. Sa panahon ngayon, marami pa ring faith healers, obserbasyon ni Ricky Lee.

"Lalong nangangailangan ang tao ng himala; sa hirap ng buhay, na wala nang makakapitan, na-triple ang pangangailangan nila na magkaroon ng himala!"

At kailangan din, aniya, na magbasa ng libro, "sa hirap ng buhay..."

"Kailangan nating lahat ng makakapitan, at ang libro, magbibigay sa atin ng tamang pagtingin, ng inspirasyon.."

At ng totoong kahulugan ng 'himala' (ayon kay Ricky Lee): "Ang totoong 'himala' ay si Guy [Nora Aunor] at ang mga nagmamahal sa kanya..."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN