Ina Feleo feels grateful for her second Best Actress trophy in Cinemalaya


"Okay naman ang family life. We are closer now than ever before and I'm blessed for that," says Ina Feleo (middle) about her relationship with her parents Johnny Delgado and Laurice Guillen. Ina has been busy taking care of her father when he was hospitalized.


Matapos ang matagumpay na premiere showing ng una niyang dinirek na short film na Labing-Labing sa Dream Theater ng Cultural Center of the Philippines (CCP), naging abala na si Ina Feleo sa sunud-sunod na paglabas sa telebisyon nang mga sumunod na linggo. Ang mga bida sa pelikulang ito (na naging bahagi ng Cinemalaya 2009) ay ang parents ni Ina na sina Johnny Delgado at Laurice Guillen.

Ayon kay Ina, malayo ang karaniwang location ng tapings niya (as far as Tagaytay City) kaya hindi rin siya makausap nang personal.

Sa request naman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) para sa follow-up interview, sa pamamagitan ng e-mail, hindi agad nakatugon ang actress-director. Kamakailan lang nalaman ng PEP ang totoong naging sanhi ng pagiging "incomunicado" ni Ms. Ina.

"Hi...I'm so sorry for replying this late," simula ni Ina sa kanyang e-mail message. "Bigla po kasing nagkaroon ng family emergency. I had to take care of my dad [actor Johnny Delgado] who's been confined at a hospital for almost a month now."

Nabanggit din ni Ina sa huling interview namin sa kanya (nasulat sa PEP) na may sakit nga ang kanyang amang aktor (early stage ng cancer) at ipinag-aalala niya ito nang lubusan.

"Sorry talaga. Anyway...sasagutin ko pa rin po... Nagmamahal, Ina."

Ang unang tanong namin sa kanya, may kinalaman pa sa napapanood naming mga huling eksena ng ABS-CBN teleserye na Precious Hearts Romance presents Bud Brothers kunsaan gumanap siya bilang si Ivy. Ang karakter ni ina ay nasangkot sa mga characters nina Wayne (Rafael Rossel) at Pio (Ahron Villena). Out-and-out kontrabida ang papel ni Ina at tungkol dito, ang sinabi niya, "I really enjoyed playing this role. Maraming pinagdaanan... napaka-complex na kontrabida."

Sa mga unang ulat, kasali si Ina Feleo sa cast ng Agimat: Mga Alamat ni Ramon Revilla, sa episode na pinagbibidahan ni Coco Martin (bilang Tonyong Bayawak), kasama si Nikki Gil.

"Nagka-problema kami sa schedule ng Agimat, kaya hindi po muna ako part nito," pagsisiwalat ni Ina.


* * * * *

ON HER FAMILY LIFE. Higit kailanman, positibo ang isipan ni Ina sa pinagdadaanan ng kanilang pamilya, kahit na may karamdaman ang kanyang actor-dad.

"Okay naman ang family life. We are closer now than ever before and I'm blessed for that," sabi niya.

Bago na-ospital, dumalo pa sa protest rally ng CAP (Concerned Artists of the Philippines) si Johnny Delgado kasama ang actress-director wife na si Laurice Guillen.

Sang-ayon si Ina sa paninindigan ng mga magulang hinggil sa protesta ukol sa pagkakapili ng ilang National Artists sa taong ito.

Sabi niya, "The National Artist/s Award has a selection process that must be respected. You are judged by your peers. It has nothing to do with politics or popularity."

Tulad ng kanyang parents, who are both in show business, gugustuhin din ba ni Ina na taga-showbiz ang maka-relasyon at maging lifetime partner?

"Hindi ko alam. Sa palagay ko, may pros at cons kung nasa showbiz man o wala," sagot niya. "Kapag nasa showbiz rin, at least, makakasiguro kang intinding intindi nila ang trabaho at ang lifestyle mo. Pero kung non-showbiz naman, sobrang interesting rin...na magkaiba ang mundo ninyo. I don't prefer one over the other. Depende pa rin talaga sa pagkatao niya."

* * * * *

ON HER SECOND BEST ACTRESS WIN. Ang pelikulang Sanglaan ang nagbigay daan para manalo si Ina Feleo ng Best Actress trophy mula sa Cinemalaya Cinco. Ang pelikula'y dinirek ng first-time indie filmmaker na si Milo Sogueco.

Pangalawang Best Actress award na ito ni Ina sa Cinemalaya (the first in 2007 for Jade Castro's Endo).

Ano ang kahulugan, para kay Ina, ng pangalawa niyang natamong parangal?

"It means a lot to me," sagot niya. "It always feels good to be appreciated for the work you've done. Kinabahan ako nung ginawa ko ang Sanglaan kasi ito ang film ko after Endo which was so well-received and loved. Hindi ko alam kung magugustuhan rin ito ng audience o madi-dissapoint sila. I feel grateful to my director and co-actors and everyone else in our team, as well as the jury. And Cinemalaya, for the honor, once again..."

Sa mga pinasalamatang co-actors niya sa Sanglaan ay kabilang sina Tessie Tomas, Joem Bascon, Neil Ryan Sese, Jesusito "Jess" Evardone, at Flor Salanga.

Maganda ang career prospects ni Ina, matapos magbida sa dalawang indie movies na pareho din niyang napagtamuhan ng acting awards.

"I'm hoping to star in a new movie soon," sabi niya. "Mayroon akong offer para sa isang indie film ulit, pero hindi ko pa sigurado kung tuloy na tuloy na.

"Nagpapasalamat naman ako sa mga grasya na dumating nang sunod-sunod. Pagkatapos ng Cinemalaya, nakasama naman ako sa Bud Brothers, at ngayon, guest sa Dahil May Isang Ikaw (currently being aired on ABS-CBN).

"As for directing, aral muna ulit, at tulong sa mga kaklase ko (sa Marilou Diaz Abaya Film Institute) na gumagawa na rin ng final projects nila. Marami akong natututunan sa ganoong paraan," pagwawakas ni Ina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN