Mangatyanan (The Blood Trail) now being screened in IndieSine


Mangatyanan (The Blood Trail), directed by Jerrold Tarog (left) and starring Che Ramos (right), will be screened at IndieSine until September 22, 2009.


Bukod sa kakayahang magbuo ng katanggap-tanggap na obra, para sa manonood, ang isang direktor sa pelikula (lalo na sa mga independent productions, o indies) ay may tungkulin din ukol sa pangangalaga sa kapakanan ng lahat ng tauhan niya (mula sa cast at staff, hanggang sa kaliit-liitang crew), para masuklian nang tama ng namumuhunan (producer) ang serbisyong inilaan ng lahat, sa pagsisimula hanggang matapos at maipalabas ang pelikula.


Para sa ikalawa niyang pelikulang Mangatyanan (The Blood Trail), hindi magi-guilty si Jerrold Tarog. director and co-producer, sa anumang reklamong hindi pagkatanggap ng kaukulang bayad (talent o staff/service crews' fees) mula sa sinuman.


Ito ang tiniyak niya sa PEP (Philippine Entertainment Portal) sa isang panayam kamakailan.


"Wala kaming utang, okay naman," paniniguro ni Direk Jerrold.


Matapos ang Cinemalaya '09 showing ng Mangatyanan; at habang naghahanda siya at ang kanyang team, para sa unang commercial run (sa Robinson's Galleria IndieSine) ng pelikula (mula Setyembre 16-22, 2009), nilinaw rin ni Jerrold ang ilang bagay, ugnay sa production ng digital movie.


Tulad ng nakasaad sa kontratang pag-aari ng direktor ang film rights ng pelikula—kasama ng kanyang co-producer, si John Silva (curator) ng National Museum.


"Solo financier siya, dinagdagan niya 'yung (half-million pesos) grant ng Cinemalaya," pagtukoy ni Jerrold. "First-time niya, actually. Dalawa 'yung prinodyus niya, pati 'yung Last Supper No. 3 (by co-directors Veronica Velasco and Jinky Laurel).


"May deal ako with the producer; hati kami (sa kita) for a certain period," saad pa ni Jerrold.


Natutuwa siya dahil nabayaran ang lahat sa production (as in, "bayad-indie" film ang Mangatyanan).


"Buti naman," nakangiting saad pa ng premyadong direktor.


Sa puntong ito, ano sa palagay niya ang chances ng pelikula niya na madagdagan pa ang kita sa box-office (o lalo't kabilang ito sa top grossing entries ng Cinemalaya '09, nang ipalabas sa CCP at UP Film Institute-Adarna Theater)?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


Dito'y hindi masyadong positibo ang naging tugon ni Jerrold Tarog.


Sa ngayon, hindi pa raw sila masyadong umaasang mababawi nila ang puhunan.


"Given that we don't have marketing machinery for IndieSine, audience draw will be mostly word-of-mouth, or niche audience," paliwanag ni Jerrold. "I'm not expecting to earn anything from the one-week run, actually.


"But I'm glad it's out there, so the curious people can check it out," sabi pa niya.


At upang lalong mapalaki ang tsansa ng pelikula na mapanood ng marami, at magkaroon ng kaukulang kita, posibleng magkaroon ng nationwide school/campus tour ang Mangatyanan.


"Isa 'yon sa balak namin, mas madaming mga estudyante," sabi rin ni Jerrold. "Pero more than that, dapat talaga 'yung mas malaki 'yung audience... sa theaters."

* * * * *

FILM AS PERSONAL ART. Bilang direktor, o sa higit na mas malalim na pagtuturing, ibinibilang ni Jerrold Tarog ang pagiging filmmaker bilang tagapaghatid ng mga makabuluhang mensaheng panlipunan sa kanyang manonood; at the same time, naipapa-unawa niya ang mga pansariling kahulugang taglay ng kanyang sining.


"Ang ideal sa akin, somewhere in the middle; nasa gitna," aniya. "As much as possible, 'pag gagawa ka ng pelikula, dapat may bahagi ang sarili mo, o may sinasabi ka. Kung wala, parang walang laman ang pelikula.


"At the same time, kailangan mo ring ibalanse with the craft of filmmaking. Importante ang maka-communicate ka," pagtukoy pa ni Jerrold.


Kaiba sa mga direktor na gumagawa ng highly experimental films, napatunayan ni Jerrold Tarog ang mainam niyang pagbalanse sa mga aspetong komersiyal ng dalawa niyang feature films; ito'y ang directorial debut niyang Confessional (2007) at pangalawang pelikulang Mangatyanan (2009).


Sa Confessional, nag-eksperimento siya sa isang uri ng "political thriller" na ginawang backdrop ang malaganap na Sinulog Festival sa Cebu City. Sa Mangatyanan, ang kumplikadong ugnayang personal ng mag-ina at mag-ama, na nasasalamin sa kawakasan ng isang lipi (o tribu) at
ng kulturang sinasagisag nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


"Sa Mangatyanan, may mga bahagi sa kuwento na kinuha ko sa research, sa mga pansarili kong karanasan sa mga tribes, mga gano'n," banggit ni Jerrold. "Pero the whole thing, mas fiction.


"Gano'n talaga 'pag magsusulat ka, may halong sariling experiences mo," sabi rin ni Jerrold (na gamit ang pen name na Ramon Ukit sa kanyang mga dulang pampelikula).


Ang importante, sa pagtukoy niya, "Hindi lang basta-basta may sasabihin akong malalim, tapos bahala na kayong ma-hit ng thread. Hindi gano'n. May tools 'yan, eh. May specific tools sa paggawa ng film. Dapat ginagamit nang mabuti 'yung tools para maintindihan ng audience; hindi one-way... communication talaga."


Hindi ang klase ng "personal art" na 'yung gusto lang ng direktor ang mahalaga.


"At ang lahat ng trabaho, nasa audience? Ang dali no'n, pero ayoko nang gano'n. Madaling gumawa ng gano'n, madali ring dayain. I'd rather na medyo half-way, na ta-trabahuhin ko 'yung pag-communicate," sabi pa ni Jerrold.


At maging daan din ng kaaliwan ng manonood?


"Oo," aniya. "Parang transaction din 'yun, eh. Nagbayad 'yung audience ng ticket, 'wag mo namang sayangin 'yung oras nila. Nagbayad sila para may panoorin sila, 'di magkuwento ka rin naman."

* * * * *

FILM AS SOCIAL METAPHOR. Hindi isinasantabi ni Jerrold Tarog ang aspetong komersiyal ng pelikula, habang inihahatid sa pagka-unawa ng manonood ang kahulugan ng mga larawang sumasagisag sa malalalim na kaisipan.


Tulad sa Mangatyanan, na mayroong tala ang kuwento ukol sa dysfunctional family; sa nawasak na ugnayang mag-ama at mag-ina, sanhi ng isang pagkakamali (a disturbing moral issue). Iniugnay ito sa mas malawak na tunggaliang panlipunan, sa mga karanasan ng mga kasapi sa isang nagkakawatak-watak na samahan sa isang minoryang lipi (Labwanan tribe).


"Yung buong kuwento niya, ang focus talaga 'yung relationship ng mother (ginampanan ni Irma Adlawan) and daughter (Che Ramos); ang naging climax lang, 'yung sa father (Pen Medina) and daughter, pero 'yung resolution niya is between the mother and daughter.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


"Ang symbolism nu'n is 'yung Laya (Himalaya Marquez), for giving the country, si Luzviminda, pero kailangan mo munang harapin 'yung pag-bastardize ng turista, which is 'yung tatay—si Danilo Marquez (Pen, a popular but dying photographer).


Malalim na kaisipan ng kuwento, kung tutuusin.

"Pinababaw ko lang 'yung pag-kuwento," banggit pa ng writer-director. "Mas opposite siya ng Confessional, na inilabas ko lahat ng metaphors.


"Sa Mangatyanan, nakatago naman lahat ng metaphors. Ang nasa ibabaw ay 'yung napaka-simpleng drama lang.


"Gusto kong gumawa ng kabaligtaran ng Confessional, para lang maiba. So, regardless kung magulat ba 'yung mga may gusto sa Confessional, o hindi, I'd rather na gumawa ng ibang-iba."


Sa huli, nasa manonood na kung paano nila bibigyang-kahulugan ang mga kaisipang taglay ng kuwento.

"Choice na ng audience 'yon, pero, at least, hindi nila masasabi na iniwan ko lang sa personal (na antas), kasi may drama naman."

* * * * *

FUTURE OF INDIE CINEMA. Ano sa palagay ni Jerrold Tarog ang kinabukasan ng indie cinema movement sa Pilipinas? O meron ba siyang inaasam ukol dito?

"Umaasa ako na magkaroon pa ng diversity sa styles ng paggawa ng pelikula," sabi niya. "'Yun lang. Kasi, feeling ko, 'pag nahirati tayo na puro poverty films or gay films, medyo magiging stagnant uli; in the same way na naging stagnant ang mainstream (cinema)...

"So, 'yung indie... ang 'mainstream' ng indie is poverty and gay films. In the future, I'm just hoping for diversity," saad pa niya, ugnay sa mga paksang tatalakayin ng mga pelikulang mula sa indie cinema industry sa bansa.

Naniniwala rin si Jerrold na puwedeng maisalba ng independent cinema ang kabuuang industriya ng pelikula sa Pilipinas.

"Ikumpara mo ito sa pag-boom ng Korean film industry, na sobrang lawak ng mga ginagawa nila, iba-iba. In terms of production values, eh, mayaman naman kasi ang Korea.


Pero puwedeng-puwede ito sa atin, kailangan lang talaga ng malaking part, na may tutulong sa marketing. 'Yun ang isang side.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa side ng filmmakers, kailangan naman nilang mag-communicate with their audience," banggit pa ni Direk Jerrold.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN