Brillante Mendoza's Lola shows sad plight of two grandmothers


Kinatay director Brillante Mendoza poses with Isabelle Huppert, who served as jury head in the 2009 Cannes Film Fest where the Filipino won as Best Director. His film Kinatay (Journey into Darkness) is currently being screened in Robinsons Galleria and Robinsons Ermita.


Nagkaroon ng special preview kamakailan ang pelikulang Lola ni Brillante Mendoza, sa Fully Booked, The Fort. Ito ay ginanap matapos mai-announce na hindi ito ang magiging official Philippine entry para sa Best Foreign Language Film category ng 82nd Academy Awards o Oscars na gaganapin sa Los Angeles, California, sa Pebrero 2010.

Ang pelikulang Ded Na Si Lolo (sinulat at dinirek ni Soxy Topacio) ang napili ng Film Academy of the Philippines (FAP) screening committee na mag-represent sa Pilipinas sa nasabing parangal. Sa Enero 2010 malalaman kung mapipiling Oscar Awards finalist para sa nasabing kategorya ang pelikula ni Topacio.


Samantala, walang binago si Direk Brillante sa naunang plano. Sa unang araw ng one-week commercial run (September 22) ng Lola, sa isang sinehan sa San Fernando, Pampanga, ay ginanap ang naturang preview.


Ang pagpapalabas ng Lola ay bilang pagsunod sa alituntunin ng AMPAS (Academy of Motion Picture Arts and Sciences) sa Hollywood para sa mapipiling nominees for Best Foreign-Language Film. Ito rin ang ipinatutupad ng lokal na akademya o ng FAP.

Hindi pinalad na mapili ang pelikula ni Brillante Mendoza this year. Anupa't ganito rin nga ang nangyayari noong mga nakalipas na taon, na isinasali ng premyadong direktor ang iba pa niyang pelikula.


"Ang mga pelikula kong Tirador, Foster Child, at Serbis, puro sila hindi napili na pang-Oscars," sabi ni Direk Brillante.


"'Yung Kinatay (ang pelikula nagpanalo sa kanya ng Best Director sa Cannes Filmfest, noong Mayo 2009), "qualified 'yon na i-field o isali, dahil from Cannes, hindi na [tayo] magha-hire ng publicist..."


"Ang Lola, napili siyang surprise entry this year, sa [66th] Venice International Film Festival. And, among my films, ito ang nakakuha ng positive reviews; as in, lahat ng review niya sa Venice, puro magaganda. Ang sabi ng mga nakapanood doon [mga estudyante at film critics], nagustuhan nila kasi emotional ang film. Audience-friendly ito.


"Kaya, lately, nag-decide kami, why don't we submit Lola sa Film Academy? At dahil may ruling ang AMPAS na one-week showing, prior to September 30, na dapat nasa LA na ang copy ng film[in 35mm, with English subtitles], nagpa-print kami para sa screening, sa San Fernando, Pampanga. Ipinalabas namin nang mabilisan du'n, to comply with the requirements. Kahit ma-preempt ang Cinemanila Film Fest [slated in October 2009] na ito ang opening film," lahad pa ni direk Brillante.


"Unfortunately, last night [September 21], we learned na hindi kami ang napili," may lungkot sa tinig ng direktor, as he addressed the preview attendees.


"What is there to do now but move on," sabi rin naman niya. "We feel that we did a good film, pero suportahan din natin ang naging desisyon ng FAP."

Sa pag-introduce ni Tikoy Aguiluz (CIFF festival director), ang ginanap na screening sa The Fort's Fully Booked preview room ay siyang Asian/Philippine premiere ng Lola.

"We're showing only a DVD copy here," banggit pa ni Direk Tikoy. Sa Cinemanila opening night ay film copy o 35mm print ng pelikula ang gagamitin.

"We shot Lola right after Cannes, simula noong June, itinapat namin sa pagdating ng mga bagyo," pagtukoy ni Direk Dante. "The film was shot in ten days, pero ang konsepto nito, mahigit nang two years, kasabay pa ng Foster Child [in 2007]."


* * * *


SYNOPSIS.
Ang Lola ay pinagbibidahan ng mga veteran actresses na sina Anita Linda, 84 years old, as Lola Sepa, at Rustica Carpio, 79, as Lola Puring.


Sa simula ng pelikula, ang apo ni Lola Sepa ay napatay ng isang cell phone snatcher. Bagama't nagdadalamhati, nakaatang sa balikat ng matanda ang mga gastusin para sa burol at libing. Mahirap ang pamilya niyang nakatira lamang sa squatters' area na laging lubog sa baha; walang sapat na salapi para sa kabaong at pagpapasulong ng kaso laban sa nakulong na salarin. Pero handa si Lola Sepa na ituloy ang kaso, sukdulang magka-utang siya sa pagsasanla ng kanyang pensiyon, alang-alang sa pagkakamit ng hustisya para sa nakaburol pang apo.


Ang apo ni Lola Puring na si Mateo (Ketchup Eusebio) ay napiit dahil sa pagnanakaw at walang awang pagpatay sa apo ni Lola Sepa. Nais ni Lola Puring na makalaya si Mateo, pero wala siyang sapat na pam-piyansa; at tuwing bibisita siya sa kulungan upang maghatid ng pagkain, ay nagdurugo ang puso niya sa nakikitang kalagayan ng apo.


Sa unang court hearing, nagkaharap ang parehong mapag-arugang lola. Sa kanilang katandaan at karukhaan, taglay nila ang magkataliwas na paninindigan para sa kani-kaniyang apo. Nais ni Lola Sepa ng katarungan at dignidad sa apong pinaslang. Mahalaga naman kay Lola Puring ang kalayaan at pagkakataon ng apo na makapag-bagong buhay. Anupa't ang ikaaayos ng naturang kasong kriminal ay nakasalalay sa likas na pagmamahal ng dalawang lola.

* * * * *

MESSAGES.
Matapos ang preview, muli naming kinausap si Brillante Mendoza para sa ilang makabuluhang mensahe.

Una, para sa Ded Na Si Lolo at sa sumulat at nagdirek ng pelikula, si Soxy Topacio: "Congratulations and good luck... kasi pinaghirapan din naman ang pelikula," positibong wika ni Direk Brillante.

Dagdag-pahayag ni Brillante: "Ako naman, tinatanong lang naman nila ako, na ba't 'di mo i-submit [ang pelikula mo]? Sabi ko, it's not the filmmaker who would submit the film. It's always the country of origin.

"Dito [sa Pilipinas], it so happened na ang Film Academy ang pumipili. So, kung anuman ang piliin ng Film Academy, choice nila 'yon. Basta kami, as filmmaker, gumagawa lang kami ng pelikula, at pipiliin lang kami ng body na 'yon.

"Ngayon, kung hindi ka talaga mapili, kahit na qualified 'yung film mo, hindi mo na kasalanan 'yon. Maraming qualifications, so kailangan mag-qualify muna ang film before you will submit it.

"Ano ang mga qualifications na 'yon, you have to find out," pag-elaborate pa ni Brillante. "Pangit naman na ako ang magsabi na, 'Ito ang qualifications, ha, para mag-submit kayo [ng film entries]. They [the interested filmmakers] have to know and... pag-aralan din nila kung ano 'yung tinatanggap sa best foreign film category, di ba? At ano ang mga nanalo; 'yung track record na 'yon, pag-aralan if you are really serious in submitting a film—for the Oscars!

"Pero, halimbawa, kung magsa-submit lang tayo—for the sake of submitting—dahil kailangan mo lang mag-submit, eh, okay din 'yon. Choice nila 'yon. I mean, ako naman, wala akong problema do'n. Basta ako, gumagawa lang ako ng pelikula. Kung ma-recognize, salamat. Kung hindi, salamat din. "Kasi hindi ka naman gumagawa ng pelikula para sa kanila, eh. At hindi ka naman gumagawa ng pelikula para sa AMPAS. O para sa Oscars. You do a film dahil gusto mong gumawa ng pelikula. 'Yun lang naman ang sa akin."

Maaaring hindi pa nga ito ang panahon para sa isang Brillante Mendoza film na pang-Oscars. "Malay natin," pang-sang-ayon ni Direk Brillante, "O, baka talagang hindi ako para du'n [Oscars]."


After Lola, ano ang susunod na project ni Direk Brillante? Hindi agad nakasagot si Direk, "Magmumuni-muni muna ako," sabi niyang nangingiti.

* * * * *


ON HIS
URIAN WIN. May ikalawang mensahe si Direk Brillante, para naman sa Manunuri ng pelikulang Pilipino (MPP), na nagkaloob sa kanya ng Best Director award sa ginanap na 32nd Gawad Urian noong Setyembre 19, 2009 sa CCP Little Theater.

Sa magkasunod na taon ay naparangalang Pinakamahusay na Direksiyon ang trabaho ni Brillante Ma. Mendoza: noong 2008 (para sa Tirador) at 2009 (para sa Serbis). Pareho ding nagwaging Pinakamahusay na Pelikula ang mga obrang nabanggit.

"Maraming salamat," sabi ni Direk Brillante, "pangalawang taon na ito, na nire-recognize nila [Manunuri] ang mga pelikulang ginagawa namin; na kahit hindi masyadong napapansin dito ng publikong manonood—sabihin na nating hindi sila kumikita—nava-validate naman ang trabaho namin; kahit papa'no, naa-appreciate, at 'yung ginagawa namin, e, may katuturan.

"Nag-e-encourage ito sa amin para gumawa pa rin ng mga ganitong klaseng pelikula," sabi pa ni Direk.

"Kasi, di ba, hindi madaling gumawa ng pelikula? Na wala na ngang commercial value, tapos, wala pang nanonood?"

Bahagya ring natanong at nagpahayag si Direk Brillante, ng tungkol sa naging pagtanggap ng aktor na si Coco Martin sa una nitong pananalo sa Urian (Best Supporting Actor para sa Jay ni Francis Xavier Pasion). "Masaya si Coco," pagtukoy ni direk, "kasi, siyempre... hindi naman siya kumikita sa mga ginagawa naming pelikula [indie movies]; ito na 'yung pinaka-reward, pinaka-premyo niya."

Sabi rin daw ni Coco: "Kahit hindi ka kumikita, ito [award] parang sobra-sobra na," pagtukoy pa ni Brillante.

Para sa Kinatay ay naging co-producer niya si Coco, na hindi tumanggap ng kanyang talent fee. "Kaya lalong hindi siya kumita," natatawa na lang ang premyadong direktor.

* * * * *

SAO PAOLO, BRAZIL
. Kagagaling lang ni Direk Brillante sa Sao Paolo, Brazil, kung saan dumalo siya sa isang indie film fest (mula September 17-24, 2009). Nagkaroon siya ng film retrospective series (Mostra Mundial, Retrospectivas) ng kanyang mga pelikulang Masahista/The Masseur (Massagista; 2005), Manoro/The Teacher (A Professora; 2006), Kaleldo/Summer Heat (2006), John John/Foster Child (2007); Tirador/Slingshot (2007), Serbis/Service (2008), at Kinatay (Idem; 2009).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sobrang ganda ng retrospectives," masayang banggit pa ni Direk Brillante, na kasabay nabigyan ng ganitong pagkilala ang mga filmmaker na mula sa Japan (Naomi Kawase E) at France (Philippe Grandrieux).


Nasa malaking film event ding 'yon ang world-renowned French actress na si Isabelle Huppert, nagsilbing jury head sa 2009 Cannes Film Fest kung saan nanalong best director (para sa Kinatay) si Brillante Mendoza.


"Maganda 'yung usapan namin... tungkol sa Kinatay," banggit pa ni Direk, "... at kay Coco Martin. She [Huppert] really likes Coco Martin; feels that Coco could have won as best actor in Cannes, kasi hindi raw madali 'yung ginawa niya sa Kinatay..."

Incidentally, palabas na (simula noong September 23) sa commercial theaters ang Kinatay (Journey Into Darkness) mula sa screenplay ni Armando "Bing" Lao at sa direksiyon ni Brillante Ma. Mendoza. Rated R-18 by the MTRCB, ang Kinatay ay mapapanood sa Robinsons Galleria at Robinsons Ermita.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN