PEP REVIEW: Who’s That Girl? features the wacky combination of a fearless leading lady, a surprising leading man and theater-trained comedians


Luis Manzano and Anne Curtis will surprise viewers through their off-beat comedy film Who’s That Girl?


"Fearless."

Ito ang salitang una naming naisip matapos na mapanood ang performance ni Anne Curtis sa Who’s That Girl?—ang bagong romantic comedy movie ni Anne with best friend Luis Manzano.

Walang takot kasi ang mga pinaggagagawa ni Anne bilang lovestruck character na si Elizabeth Santiago—mula sa pag-deglamorize sa sarili bilang babaeng baliw kay John Eduque Jr. (Luis Manzano) hanggang sa pagsakay nito sa isang gondola lift na ginagamit sa construction sites.

Hindi biro ang lakas ng loob na ipinakita ni Anne sa pagsakay sa gondola lift. Ilang libong talampakan ang taas ng lift, at walang stunt double para sa kanya. Talagang ginawa ng 26-year-old Filipino-Australian actress ang iniutos ni Direk Wenn Deramas.

"Direk Wenn always brings out the best in me, kaya ako nakakagawa ng mga gano’n," sabi nga ni Anne sa isang interview kamakailan kung paano niyang nakayang sumakay sa gondola lift.

Nailabas nga ni Direk Wenn ang pagiging komedyante ni Anne sa pelikula. Malayung-malayo sa tipo ng pagpapatawang ginawa niya sa idinerehe din noon ni Direk Wenn na Ang Cute ng Ina Mo! (2007). Hindi ’yong tipong pa-cute na patawa lang, o mga eksenang may kakaibang pintas ang character niya sa katawan para matawa ang mga manonood (tulad ng character niya sa Ang Cute... na ipinakitang may makapal na buhok pa sa tiyan).

Sa Who’s That Girl?, naging katawa-tawa si Elizabeth sa pamamagitan ng facial expressions ni Anne. Sumasabay rin si Anne sa pagpapatawa ni Eugene Domingo (as Belinda Eduque, ina ni John), at sa mahuhusay ring komedyante na sina Candy Pangilinan (as Elizabeth’s best friend Monique) at John Lapus (as John’s assistant Bert Simpson).

WACKY LOVE STORY. Istorya ng isang babaeng hibang na hibang sa isang lalaki ang Who’s That Girl?

Kuntento na sana si Elizabeth na manatiling infatuated pero malayo sa character ni Luis na si John, hanggang sa napagkamalan nitong namatay na ang character ni Luis.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dito na nagsimula ang gulo, nang gumawa ng eksena sa burol ang nakabelo pang si Elizabeth. Umaatungal at umiiyak na papalapit sa open casket si Elizabeth, habang nakatingin ang lahat ng taong nasa burol, kasama sina John mismo at ang ina nitong si Donya Belinda.

Huli na nang makita ni Elizabeth na hindi pala talaga si John ang namatay kundi ang ama nito na si John Eduque Sr. Sa kahihiyan, nagtatakbo ito papalabas ng burol. Doon na nagsimula ang paghahanap nina John at Bert sa babaeng nakabelo na nakapagpasambit kay Bert ng, "Who’s that girl?"

Magkikita’t magkakakilala rin sina Elizabeth at John, magkaka-in love-an, pero may mga hadlang na kailangan muna nilang tanggalin bago sila magkaroon ng happy ending.

PERFECT COMIC TIMING. Nakakatawa ang flashback scenes ni Anne as college student Elizabeth. Ipinakita roon ang pagkahibang niya masyado sa campus heartthrob na si John. Dumating pa sa puntong ninakaw na niya ang towel na ginamit ni John sa paglalaro ng football, sa inakala niyang underwear nito, at sa pagkolekta ng pinag-inuman ni John na wine glass. Kuwelang-kuwela ang pagdila at pagsubo pa ni Anne sa wine glass.

Magaling na suporta naman sa kabaliwan ni Elizabeth ang kaibigan niyang si Monique na ginagampanan nga ni Candy. Maganda ang batuhan nila ng mga linya at masyado nang beterano sa comedy si Candy para makagawa ng eksenang puwedeng masapawan niya sa patawa ang sinusuportahan niyang bida o ang iba pa niyang mga kasama.

Sa pelikula, kinukumpleto niya ang mga eksenang puwedeng maging boring o walang dating kung hindi marunong makipagbatuhan ng linya at walang comic timing ang isang komedyante. Tulad ng mga asaran at tarayan nila Anne, ang panginginain sa Santiago household, at ang kuwelang "hysterical" scene nila nina Dina Bonnevie (as Elizabeth’s mom) at Dennis Padilla (as Elizabeth’s dad).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mas nakakalamang naman sa mga eksenang nakakatawa ang support ni Luis sa pelikula na si John Lapus bilang Bert Simpson, ang mataray pero faithful na personal assistant ng character ni Luis.

Hindi lang "tsuwariwap" o laging nakatabi sa character ni Luis ang papel ni John. Nagpakuwela rin siya sa mga eksenang iniimbestigahan niya ang background ni Elizabeth. Nagkunwari siyang census researcher, janitor, tindero ng taho, at ice cream vendor.

Katulad ni Candy, epektibo rin siyang suporta ng bida, kahit na may sarili ring comic timing si Luis. Puwede silang maging bagong comic duo kung gugustuhin nila dahil ipinakita sa pelikula na may chemistry ang pagpapareha nila ni Luis bilang comic act.

Si Luis, alam na ng marami na kaya talagang magpatawa at may angking kulit na kailangan din kung magpapatawa ka. Maikukumpara ang istilo ng pagpapatawa niya, sa istilo ng Hollywood hunky funnymen na sina Ryan Reynolds sa Van Wilder (2002) at kay Seann William Scott sa American Pie series (1999, 2001, 2003).

WATCH FOR THE SURPRISE. Dapat abangan ng fans at mga nagnanasa kay Luis ang eksenang nagtapat na ng tunay na damdamin sa isa’t isa sina Elizabeth at John.

Nagiging habit na yata kay Luis ang nanggugulat sa mga pelikula niya sa pamamagitan ng paggawa ng mga eksenang nakakasorpresa talaga at pinag-uusapan pagkatapos, tulad na lang ng ginawa niya sa huling pinagbidahan niyang pelikula na In My Life (2009).

Sa premiere ng Who’s That Girl? sa SM Megamall nung Lunes, March 1, kitang-kita ang gulat sa mukha ng ina niyang si Batangas Governor Vilma Santos-Recto sa partikular na eksenang ito.

COMIC GENIUS UGE. And of course, hindi dapat kalimutan si Uge. Bilang ang donyang si Belinda Eduque, masasabing walang binatbat sa kabaliwan niya ang kayabangan ni Donya Buding (pinasikat na 1980’s TV character ni Nanette Inventor).

Saan ka ba nakakita ng eulogy na may matching songs pa ng tatlong miyembro ng Hitmakers na sina Nonoy Zuniga, Marco Sison at Rico J. Puno? O ang pagpapa-bankrupt niya sa isang bangko nang ipa-pull out niya ang lahat ng kanyang savings--kasama ang vault mismo ng bangko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Wala nang dapat pang sabihin tungkol sa pagiging comic genius ni Uge. Hindi lang ang timing sa pagpapatawa ang na-master niya, kundi ang epektibong paggamit ng mga mata at facial expression pagdating sa mga seryoso at madramang eksena.

Tama ang basa niyo, may drama sa pelikula. At epektibong ipinakita ni Eugene sa dramatic scenes niya sa Who’s That Girl? ang kaibahan ng mga komedyanteng nahasa muna sa teatro at sa mga nagsimula muna sa comedy bars.

Tulad din ng mga kasama niya sa pelikula na sina Candy at John na parehong may theater background, parang switch lang ng ilaw na naio-"on and off" ni Eugene ang epektibong pagpapatawa at pagdadrama.

Department naman talagang maituturing nina Anne at Luis ang drama kaya’t wala nang masyadong effort pa sa kanila ang magpatulo ng luha at magpakita ng seryosong emosyon sa ilang eksenang madrama.

Abangan din ang cameo appearances ng ilang mga artitang kaibigan ng stars at ni Direk Wenn sa pelikula.

Maganda ang pagkakasulat at pagkakadirek ni Direk Wenn sa Who’s That Girl?

Bukod sa tanong kung bakit masyadong heartthrob ang character ni Luis na si John (sana man lang in-establish muna kung gaanong kinababaliwan siya nga mga kababaihan bilang isang rich bachelor), at sa pag-o-overacting ni Bobby Yan bilang private investigator na inupahan ni Donya Belinda, talagang nakakaaliw at sulit ang perang ipangpapanood mo sa Who’s That Girl?


Mapapanood ang Who’s That Girl? sa mga sinehan simula March 2, 2011.



WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN